Sunday, November 30, 2008

Ang mga Binukot sa Tarangban at ang Pagmamakata sa Kanlurang Visayas

Papel na binasa para sa ika-20 anibersaryo ng Linangan ng Imahen, Literatura at Anyo (LIRA), Claro M. Recto Hall, UP Diliman, December 13, 2005

***

SA Hinilawod, matutunghayan ang kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ni Buyong Humadapnon. Isang gabi, nang makatulog siya sa kaniyang duyan ay nagpakita sa kaniyang panaginip sina Taghuy at Duwindi, ang mga kaibigan niyang espirito. Sinabi ng dalawa na marapat na niyang hanapin ang kaniyang mapapangasawa na, katulad niya ay, anak-maharlika rin, may gahum, bulawan ang buhok, at may alam sa panggagamot. Humiling si Humadapnon ng permiso sa ginikanan na maglakbay. Sa tulong ng mag-anak, pinagsama-sama nila ang kanilang mga dugo mula sa daliri at nakalikha sila ng isang datung kapamilya na si Buyong Dumalapdap. Si Dumalapdap ang makakasama ni Humadapnon sa kaniyang adbentura, sakay ng ginintuang biday na pamana pa ng ginikanan sa binata. Bilang preparasyon sa paglalakbay, dumaan muna si Buyong Dumalapdap sa pagsasanay. Anim ulit siyang sinibat ng kapatid at namatay. Muli naman siyang binubuhay hanggang sa sumapit ang ikapitong pagsibat at nakayanang iwasan ni Dumalapdap ang patalim na kasimbilis ng kidlat. Sumulong na ang ginintuang biday ni Humadapnon. Pinaalalahanan ang binata ng kaniyang magulang na mag-ingat sa engkantadong isla ng Tarangban. Hindi naman natinag si Humadapnon. Hanggang sa narating nila ito at kaniyang narinig ang paanyaya ng yuta-yutang binukot. Napakahalina ng mga tinig. Naengganyo ang binata. Pinigil naman siya ni Dumalapdap at laging pinapaalala ang layon ng kanilang pakikipagsapalaran.


Ang Tarangban ay isla ng mga binukot. Sa una, ayaw pagbigyan ni Humadapnon ang paanyaya ngunit nang lumitaw ang pinakabunso, pinakabatang binukot na si Malubay Hanginon, naakit ang binata at umibis ng kaniyang sinasakyan. Tinanggap niya ang inaalok na nganga ng binukot. Doon, siya ay nakapagtalik sa yuta-yutang mga dalaga. Itinuring ng binata na kalaro at laruan lamang ang mga binukot. Inabot ng pitong taon ang pakikipagtalik niya sa mga binukot. Nang natauhan si Humadapnon at nagtangkang umalis, nagsara ang yungib ng Tarangban. Naging bihag ang binata. Nagluksa naman si Dumalapdap sa kapalaran nilang magkapatid. Hindi sila nagtagumpay sa paghahanap ng tamang binibini at sa pagpapatnubay sa isa’t isa.

Gagamitin kong lunsaran ng talakay ng sigasig ng mga makatang ng Kanlurang Visayas ang aming epiko. Si Humadapnon ang aming panulaan na makikipagsapalaran sa paghahanap sa natatanging musa. Sa mahika din tigib ang aming kabataan. Mayaman ang aming rehyon sa mga mito at paniniwala. Nariyan ang mga kuwento ng aswang sa Capiz, ang nakakatakot na si Tenyente Guimo, ang mga mangkukulam, mambabarang, at mga babaylan. Nariyan ang paniniwala sa Kanitu-nituhan na lagakan ng mga kaluluwang hindi napaghahalaran ng sakripisyo ang kanilang angkan; parurusahan sila hanggang hindi natutubos, ipapakain sa halimaw kapag lumaong nilimot. Nariyan ang mga ritwal at seremonyas na nagiging salamin din ng pilosopiyang Panayanon. Nariyan ang mga simple at masalimuot na ritwal mulang paglalakbay hanggang pakikidigma, mula pagbubuntis hanggang panganganak hanggang pagbibinata/pagdadalaga hanggang kamatayan. Nariyan na ngayon ang mga selebrasyon – ang Ati-atihan ng Aklan, ang Binirayan ng Antique, ang Halaran ng Capiz, ang Dinagyang ng Iloilo, ang Manggahan ng Guimaras, at ang Maskara ng Negros Occidental.

Katulad ng pakikipagsapalaran ni Humadapnon ang paglalakbay ng makata sa aking rehyon. Lumilipas ang panahon kaya’t marapat nang hanapin ang musang gagabay sa aming poetika. Mula sa tinta sa mga daliri ng mga nangaunang makata, naisilang kaming makakasama sa paghahanap sa musa. Ngunit may malungkot na balita. Nabihag ang karamihan sa aming mga makata sa halina ng politika. Namulat ang mga Panayanong manunulat sa agawan ng gahum at karapatan sa mga usaping pangangalakal na lalo pang nagdulot ng mga hati sa panlipunang hierarkiya ng rehyon. Bumango ang mga apelyidong pang-alta-sosyedad at ang paglikha ng antas-hegira at pag-uugnay ng pook at pamumuhay at kultura sa kanilang hanay. Hindi nakaligtas sa ganitong karanasan ang mga naunang makata ng aming rehiyon. Ang iba ay nahalina sa oportunidad ng mga mansyon at hacienda. Ang iba ay nawala na lang. Ang ibang likha ay natupok sa ilang sunog at kalamidad. Naging mahirap ang pagmamakata. Malayo pa sentro ang aming pook. Malayo kami sa tagabasbas ng lihetimisasyon ng isang likha.

May tatlong wika sa aming rehyon – Hiligaynon, Kinaray-a at Akeanon. Mayroon pa ngang pang-apat – ang wika ng mga Ati, ang mga pandak, maiitim, kulot ang buhok na katutubong tribu ng rehyon. Maliban sa Ati, may inang wikang Kinaray-a na may iba’t ibang bersyon tulad ng Karay-a, Kiraya, Kiniraya, at Kaday-a. Ang Hiligaynon, ang lingua franca ng rehyon nadebelop mula sa mga Intsik sa matandang Parian. Samantala, ang Akeanon ay nagsanga at naglikha ng isang mas kakaibang anyo sa kanyang parametro. Mas marami ang nagsasalita sa Kinaray-a kaysa Hiligaynon na ginagamit sa mga urban, gaya ng lungsod ng Iloilo at Bacolod.

Katulad ng panulaang Kinaray-a, makailan lamang naisulat ang sa Akeanon. Sina Melchor Cichon, Monalisa Tabernilla, at John Barrios ang maituturing na mga tagapanguna sa pagsusulat ng tula sa wikang ito. Maliban sa mga nailathalang tula sa mga pambansang publikasyon, naisama ang kanilang mga likha sa isyung Kinaray-a ng Ani ng Sentro ng Kultura ng Pilipinas (CCP) na lumabas noong Disyembre 1991 at pinasinayahan sa San Jose, Antique noong Enero 1992. Bilang bagung-bago, ang literaturang Akeanon ay walang tradisyong pampanitikan. Sinasabing, anumang tradisyon mayroon ang Akeanon sa kanyang panitikang oral, iyon din ang tradisyong pinagsasaluhan ng mga taga-Kanlurang Visayas. Sinundan ang Ani 19 (1991) ng Patubas (1995) at Mantala (2000). Dumami pa ang mga pangalang sa panitikang Akeanon, at mula dito ay isinilang ang mga isahang-pahinang journal sa tula katulad ng Dagyaw ni Alex de los Santos, Banga ni John Iremil Teodoro, at Dabu-dabu ni Lucena Tondares.

Noong 1996, ang Paranublion Antique, isang NGO na naglalayong magtaguyod ng mga pangkultura at pansining na aksyon, ay naglathala ng newsletter na Kanuyos na nagbigay puwang sa mga tumandok na manunulat. Sa tulong ng mga grant, ang Paranublion ay nakapagpalabas na ng apat na antolohiya ng pagsulat-sa-tulang-Kinaray-a: Una nga Paindis-indis sa Kinaray-a (1994), Dag-on (1995), Salatan (1998), at Dagya (2001), maliban sa mga dalawang tomo ng mga librong kulayan na nagtataglay ng mga nursery rhymes sa Kinaray-a. Naglathala rin sila ng dalawa pang aklat: isang aklat-pambatang Hiniraya: Sugidanon ni Humadapnon kag Mali (1998), na kinilala ng Philippine Board of Books for the Young, at ang Alamat ni Nogas kag Anini (2001), na pinarangalang Alab ng Haraya ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA).

Maliban sa mga CCP Literature Grant noon, masikap ang aming rehyon sa pagpapaigting n gaming panulaan. Sa Antique, noong 1994, ay may sinimulang Padya Paranubliun sa Panulatan (Paranublion Literary Awards) para sa tula, nursery rhyme, at dula. Ang ikalawang edisyon ng parangal (1995) ay sa pagsulat naman ng mga tradisyunal na anyong patula ng rehyon katulad ng banggianay (balagtasan), pagdayaw (oda), at composo (ballad). Nagpatulog ito hanggang nabuksan ang patimpalak sa ibang genre. Subalit, dahil sa kakulangan ng pondo, katulad ni Humadapnon sa epiko, nabukot na ang patimpalak.

Noong 1994, may itinaguyod na All-West Visayan Poetry Competition. Sa kategoryang Kinaray-a, nanguna si Felicia Flores sa koleksyong “Pagbatiti kag pagmilinbilin sa ginalauman (Pagkalinga sa mga Huling Salita ng Pag-asa).” Sa Hiligaynon, nanguna si John Iremil Teodoro sa koleksyong “Kanta ni Matilda kag iban pa nga binalaybay sang pagbulagay (Kanta ni Matilda at iba pang tula ng paghihiwalay).” Nanguna rin si Teodoro sa kategoryang Filipino sa kanyang lahok na “Mga hibubun-ut ng isang baklang buntis;” katangi-tangi itong huling kategorya sapagkat nilinaw at pinalitaw ang anyo ng wikang isinusulong na Filipino.

Maraming journal pampanitikan at antolohiya na rin ang naglaan at naglalaan ng espasyo para sa mga tula ng aking rehyon. Nariyan ang Busay ng Universidad ng Pilipinas sa Visayas, The Augustinian Mirror, Salaming at SanAg ng Universidad ng San Agustin, Tony Literary Arts Journal ng St. Anthony’s College, at Ideya ng Universidad ng De La Salle. Nagpakitang-gilas na rin ang mga tulang Panayanon sa Ladlad 2: Anthology of Philippine Gay Writing (Anvil, 1996), sa Fern Garden: Anthology of Women Writing in the South (NCCA, 1998), at sa Babaylan: An Anthology of Filipina and Filipina American Writers (Aunt Lute Books, 2000). Isinilang din ang bagong samahan ng mga manunulat sa rehyon, ang Hilway, at nagpalabas ng kanilang mga nalathala nang akda sa anyo ng isang aklat.


MULA sa tradisyon ng mga talapuanan o samahang pampanitikan, bumuong muli ang mga manunulat ng aking rehyon ng mga samahan upang muling buhayin ang tradisyon na nasama na sa tarangban ng pagkagupo ng turismo at komersyo ng Kanlurang Visayas. Ang mga panliteraturang pangkat noon ay dedikado sa pagpapauswag at pagpapasanyog ng wika at panitikan ng rehyon. Nariyan ang Nipa kag Kawayan na pinamunuan ni Patricio Lataquin, Kasapulan ni Sumakwel ni Delfin Gumban, Tulaling Bagacay ni Donato Flor de Lizas, Talapuanan Sidlanganon ni Francis Jamolangue, at Talapuanan Hiligaynon ni Ramon Muzones. Ang huling tatlo ay nagkaisa at itinatag nila noong 1948 ang Gakud ni Sumakwel, o mas kilala sa tawag na Sumakwelan.

Mula dekada 60 hanggang 80 ay halos wala nang narinig mula sa mga talapuanan maliban sa mangilan-ngilang binalaybay at nobela ng mga kasapi nito sa nailalathala pa sa mga pasara nang rehyunal na magasing Kasanag at Yuhum.

Nang dumating sa aming paghahanap sa musa si Leoncio Deridada, si Dumalapdap sa aming epiko ng pagmamakata, isinilang ang Tabig noong Setyembre 1989. Sampung taon pagkaraan, isinilang naman ang Hilway. Sa ngayon, lahat ng mga pangalang taga-Kanlurang Visayas sa panitikan ay kasapi ng alinman sa dalawang nabanggit na bagong talapuanan.


TUNAY na kalugud-lugod sa ngayon ang sigasig ng mga makata ng aking rehyon. Ngunit, katulad ng lahat ng epiko – sa paghahanap ng musa ay napakaraming patibong – napakaraming binukot na marahil ay makapag-eengganyong makipagtalik sa mga Humadapnon nang higit pa sa pitong taon.

Una, sa loob mismo ng rehyon ay mayroong hati sa pagitan ng urban at rural, at naisama sa bangayang ito ang mga panitikan. Buki (o katumbas ng promdi sa Maynila) ang panitikang oral, ang panitikan ng mga tagabundok at bukid, ang panitikan ng mga babaylan at siruhano, ang panitikang nasusulat sa Kinaray-a, Ati, Akeanon, at mga kaanyo nito. Tinuturing na siyang ‘panitikan’ ang nasulat sa wikang Hiligaynon, ang wika ng urban sa rehyon. At dahil ang mga nakapag-aral lamang sa lungsod ng Iloilo ang mas na itinuturing na abanse, ang mga matatas sa wikang ito ang may lamang sa paglikha ng panitikan ng rehyon. Mabuti na lamang ang unti-unting binubuhay ng mga universidad sa Iloilo mismo ang panitikang dating isinasantabi. Nakonsensya yata ang sentro ng rehyon kaya’t nagbubukas ito ngayon ng mga palihan, seminar, at maging pambansang kumperensya sa sining.

Ikalawa, kakawil ng bangayan sa loob ng rehyon, nariyan din ang bangayan sa usapin ng sentro at gilid, ng itaas at ibaba sa pribiliheyo ng pagpapabilang sa pambansang panitikan. Patuloy ang paglulunsad ng Filipino bilang amalgamasyon ng mga wika sa Pilipinas; subalit, nanatili lamang ito sa Konstitusyon at sa mga pagdadaos ng kumperensya, pero sa gamit, sa pagsulat ng panitikan, may urung-sulong pa dito. Marhinalisado pa rin ang mga panitikan ng rehyon kasama na ang kanilang mga manunulat. Mainam at ang mga palihan ng UP at Iligan ay may bukas na pagkakataon sa mga manunulat ng rehyon; subalit maliban doon, wala nang patimpalak o grant na bukas para sa mga rehyunal. Maipasasalamat na rin ang Palanca na may kategoryang Hiligaynon; subalit dahil sa may mito itong tagalehitimo ng isang akda para matawag na tanging panitikan, nakakabansot ang pagkakataon sa ibang anyo ng panitikan at sa iba pang wikang hindi kasama dito. Hindi nga tampok ang walong pangunahing wika sa bansa, at maging ang Filipino, kung babasahin ang mga nagwaging lahok ay waring Tagalog pa rin.

Ikatlo, malungkot at tila wala nang venue para mapaunlad pa ang panitikan ng mga rehyon, lalo na ng mga kabataang manunulat na masigasig sa layuning ito. Walang paki ang gobyerno dito. Walang nakikitang halagang panturismo sa panitikan. Walang tiwala mismo ang taumbayan sa wika ng panitikang rehyunal at pambansa. Walang kilalang pabliser at university press na naglalathala ng mga rehyunal na gawa sa orihinal nitong wika o ganitong kasamang may salin. May dapat rin namang ipagpasalamat ang mga manunulat sa House Bill 1531, na nilikha ng National Book Development Trust Fund sa panguna ng congressman ng Iloilo na si Raul Gonzales, na nag-uutos sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na maglaan ng P50M para sa programang pagsusulat, pag-aaklat at pagririserts ng mga manunulat at iskolar sa mga rehyon at probinsya. Subalit, katulad ng engganyo ng panawagan at pagkalathala ng balitang ito sa mga website at broadsheet, wala nang nakakaalam kung ano na ang nangyari sa programang ito.

Ikaapat, nanatiling hilaw ang paglikha sa panitikang rehyon sa ngayon dulot ng kawalan ng ‘tradisyon’. Mayaman ang tradisyon ng Panay at Kanlurang Visayas kung tutuusin, subalit nasa kopyang mimeograph lamang sila at amoy-anay na ngayon sa Center for Western Visayan Studies sa Iloilo. Kulang na kulang sa mga pag-aaral at riserts ang aming panitikan. Kalat-kalat sila, hiwa-hiwalay, at kung napagtipon man ay hanggang sa pagtitipon lamang. Mabibilang ang mga iskolar na may pag-ibig sa pagsusuri at pag-iimbestiga sa mga panitikan ng rehyon; ngunit laging nakabantay ang binukot sa aksebilidad ng mga materyal, ang binukot sa usaping pinansyal, at may tsismis pa ngang hindi mapag-aralan ang likha ng isang haligi ng panitikang Hiligaynon dahil sa humihingi ng malaking halaga ang pamilya nito kapalit ng karapatang mailathala, maisalin, o mapag-aralan ang panulatan ng kanyang bana. Maging sa mga universidad, masuwerte na kung mabanggit si Humadapnon, ang kahit man lang isang hibla ng kanyang pakikipagsapalaran sa Hinilawod. Walang nakakakilala kina Kaptan, manlilikha ng daigdig, na sinasabing naninirahan sa Kahilwayan; at nang minsan siyang dumalaw sa mundo ay dumaan siya sa Bundok Madyaas – ang pinakamatirik sa isla ng Panay. Kina Sidapa, ang diwata ng kamatayan, at ang kanyang banang si Makaptan, ang diyos ng sakit. Kina Magyan at Sumpoy na mga tagaalalay sa mga kaluluwa ng nangamatay. Mabibilang sa daliri ang nakababatid sa aming mitolohiya. Wala sa aming sariling klasrum sa sariling universidad ang aming sariling literatura.

Ikalima, at ang pinakahalina sa lahat ng binukot, ang tawag ng dolyar sa bisa ng pag-caregiver sa Amerika. May kilala akong kabataang manunulat na may puso sa pag-aaral sa tradisyon ng mga naunang manunulat, ng kahanay at kasabay ni Huseng Sisiw at Amado Hernandez sa aming panitik; subalit, isang umaga ay nakapagliliming walang dolyar sa panitikan, walang maitatayong bahay mula sa mga imahen sa sugilanon at binalaybay. Ang mga hurobaton (salawikain) at paktakon (bugtong) ay noon pa kaya’t hindi na dapat sineseryoso, ang Amerika ay nangangailangan ng yaman-tao, sa iba na ibigay ang obligasyon ng pangangalap at pagbubuo ng panitikang siyang unang inibig. Marami nang sana-ay-magiging-manunulat sa aming rehyon; subalit, ang pakikipagtalik sa binukot ng Kanluran ay may mas pangako ng kaluwalhatian.


BUMALIK sa kanilang tahanan si Dumalapdap at ipinabatid niya sa kaniyang ginikanan ang sinapit ni Humadapnon. Hindi nagtagumpay ang mag-anak sa ilang pagtatangkang mailigtas si Humadapnon. Nangako sila ng pabuyang kayamanan (para sa lalaking tagapagligtas) at kasal (para sa babae). Hindi nagtagumpay ang kalalakihan, gayundin ang mga dalagang babaylan. Nanangis sa harap ng Tarangban si Dumalapdap hanggang sa makaisip ang kaniyang mga kaibigang espirito na pakiusapan ang binibining talaga naman nilang pakay sa paglalakbay. Mangyari, siya lamang ang maaaring makapagligtas sa nakulong na binata dahil magkasinlakas sila. Sa paanyaya, pang-uudyok, at pananakot ng mga espirito, napapayag na rin si Nagmalitong Yawa. Nagbalatkayo siya (Nagmalitong Yawa) bilang buyong. Ang hindi lamang niya maitago ay ang kaniyang matamis na amoy ng isang binukot. Pagdating nila sa Tarangban, naakit muli ang mga binukot. Binuksan nila ang Tarangban sa galak na makakitang muli ng makisig na binata. Bilang nagbabalat-kayong lalaki, nagsamandirigma si Buyong Sunmasakay. Pinaslang niyang lahat ng mga binukot sa isla pati na ang kanilang puno. Tumambad naman si Humadapnon na naengkanto. Wala na ito sa kaniyang sarili. Sa tulong ni Buyong Sunmasakay at ng mga kaibigang espirito, ibinalik nila ang buhay (tubig buhat sa ikapitong antas ng langit) at katinuan ng nabihag na bayani. Hindi naman nagpakilala si Nagmalitong Yawa bilang tagapagligtas ng lalaki.

May panawagan sa aming mga makata ang aming banwa na balikan at siyang dapat maging punlay ng pagsusulat ang katutubong ugat. Hindi ito pagsesentimental sa nilimot na sibilisasyon. Naniniwala kaming ang aming katutubong kaugatan ay may buhay at dinamikong tradisyon na siyang mga naratibo ng pangkasaysayang karanasan ng bayan. Palilikutin namin ang aming inahinasyon at saka itutula ang bawat kulay, hugis, damdamin, anyubog, linya, musika, at diwa ng aming rehiyon. Nasa pagsisiwalat din lang sa ating katutubong tradisyon nagkakaroon ng hikayat ang pagsasalita din para sa tao ng ibang tradisyon.

Sa ngayon, magkakalayo man kami, may hiblang nag-uugnay sa amin upang sa katapusan ng epikong pagmamakata sa rehyon ay sama-sama kaming nagwagi laban sa mga halimaw at kakaibang nilalang ng kababalaghan. Nagkakapuwang na ang tinig ng aming rehyon sa likod ng pagsibad ng text at globalisasyon. At katulad ng sumikat na advertisement ng PLDT, saanmang dako at sa anumang larang tatahak ang aming makata, susuportahan namin.

Ibig kong maging si Nagmalitong Yawa na higit pa ang kinaadman sa mga mapang-engganyong binukot sa tarangban ng pagsusulat. Gagamitin ko ang gahum na pamana ng aking banwa upang ibalik ang pagkamalay ng Humadapnon ng aming panitikan na siyang bayaning aming kaakuhan.

Friday, November 28, 2008

Anufangaba! Ang Ingles at si Janina



Kasalukuyang ginaganap ang Miss World 2008 sa South Africa. Ang kinatawan ng Pilipinas ay Daniel Castano, ang runner-up sa Binibining Pilipinas noong Marso. Sinabing may resignasyon ang kontrobersyal na si Janina San Miguel kung kaya't hindi tumuloy sa sinabing timpalak. Nasa ibaba ang nasulat kong reaksyon hinggil sa gabi ng kontrobersya at sa iba pang konsekuwensya niyon. (Ang larawan ni San Miguel ay mula sa www.daylife.com.)


***

My pamily… My family…


ISANG PALATANDAAN DAW NA PINAY ANG IYONG ASAWA, batay sa mga Amerikano, kapag nagkakabaligtad ang kanyang ‘p’ at ‘f’.
[1] Isang kaso ito ng ambivalence, kung tutuusin, na dinadanas ng isang Filipinong lumaki sa eskuwelahan sa kanyang baryo na ang silid-aralan ay Amerikano. Ang mga letrang nakahilera sa pisarang nasa harap niya ay hindi alibata at ang kanyang pambansang bayani, si Jose Rizal, ay naka-Amerikana. Ang kanyang “prince charming” (at hindi niya tinawag na “datu” o “maharlika”) ay hindi si Buyong Humadapnon kundi si Superman na mestizong kayganda ng katawan. Sa sariling pantasya, hindi siya si Nagmalitong Yawa kundi si Cinderella, ang babaeng nakaantabay sa pagpatak ng alas dose at nakaiwan ng sapatos. Dalawampu pa lang ang titik ng Abakada, ngunit nang tumakas si Ferdinand Marcos kasama ang kanyang kabiyak, na hindi nagawang isilid sa maleta ang mga inimpok na sapatos, naging 28 na ang letra. Taong 1987, lumitaw ang ‘f’ sa alpabetong Filipino, isa sa walong letrang sinasabing “hiram” sa Ingles. Sa gayong taon din, naging malawakan ang diaspora ng mga Filipino – kaya maihahakang ang asawa ng Amerikanong tinutukoy ay lumaki sa kontexto ng mahalagang transisyon, hindi lamang sa politika kundi sa dila. Gayumpaman, nananatiling malaking diskrepansi ang hindi paglahok sa ‘f’ sa kasalukuyang 26 na ponema sa palatunugang Filipino. Kung susuriin ang dalawang aklat ni Alfonso Santiago, ang “Ama ng Linggwistika” sa bansa, ang “Makabagong Balarilang Filipino” at ang “Panimulang Linggwistika,” tanging ang ‘f,’ ‘v,’ at ‘z’ ang mga “hiram” na letrang ang katumbas na tunog ay hindi matutumbasan ng isa o ng dalawa o ng higit pang pinagsamang titik. Dalawampung taon pagkaraan at ngayong ipinagdiriwang ng daigdig ang pagkakapantay-pantay ng mga wika, nanatiling “hiram” ang ‘f’ mula sa Ingles at hindi pa ganap ang penetrasyon sa ponemikal na kakayahan ng mga Filipino.

Kamakailan, parang pambansang koro ang “my pamily, my family.” Para itong lyrics ng sikat na kantang tumabo sa chart ng mga FM station. Wala itong pinipiling lokasyon – kahit akademya. Maaaring tukuying hybrid na resulta ng Filipinong psyche na tawanan ang problema at ng paglaganap ng mga novelty song ang ala-rabis na pagkalat ng mimicry kay Janina San Miguel. Naging isang pambansang isyu ang interbyu kay San Miguel na ang video ay mabilis na na-upload sa Internet. Pag-log-in sa www.youtube.com, i-type lamang ang “Janina San Miguel” sa search video dialog box at lalabas ang “video results 1-20 of about 280.”[2] Sa 280 na video, pinakamaraming “views” ang nai-upload ng isang nagtatago sa account name na “justmeananomaly.” Limang buwan nang downloadable sa YouTube, ang video ay may “1,673 ratings” at nakakuha ng “5 stars” mula sa 2,667,632 viewers.[3] Marami pang kaugnay na mga video ang naipost ni “justmeananomaly.” Mayroong post si “DJNOMAD813 ng Saudi Arabia” na may pamagat na “Janina San Miguel, the REMIX” – isang walong minutong paulit-ulit na “my pamily, my family” gamit ang iba’t ibang tono at pitch. Upang sabayan naman ang pamamayagpag ng sayaw na “Papaya,” lumikha ang isang “mackmilitant” ng sariling bersyon gamit ang “my pamily, my family” bilang second voice.[4] Marami pang kaugnay na mga video sa YouTube para kay San Miguel at para sa sambayanan – karamihan ay mga panggagagad ng kababaihan at, signifikant na mabanggit, ng mga musmos. Maraming gustong sabihin ang penomenon na ito sa relasyong Filipino-YouTube. Mula sa isang makulay na gabi ng pagandahan ng Binibining Pilipinas, naiharap sa bayan ang isang pangit na katotohanang matagal na nitong iniiwasan.

Hindi naging ligtas sa kontrobersiya ang Binibining Pilipinas sa kabila ng pagiging pinakaprestihiyosong timpalak-pagandahan sa bansa – mga usaping politikal at elitista sa dekada 60 hanggang 70, mga isyung sekswal at showbiz sa dekada 80, mga isyu ng identidad at legalidad sa dekada 90, at mga isyung pangwika sa pagpasok ng bagong milenyo. Kung sisiyasatin ang pattern ng mga isyung kinaharap ng Binibining Pilipinas, makikitang patungo sa “loob” ang himaton. Sa maikling sabi, bilang nukleus ng pinakamarikit na imahen ng Inang Bayan, ang “dating” ng Filipino ay nakalampas na sa mga salik na pisikal at politikal. Ironikal na madiskubreng nitong bagong milenyo ay sumulpot ang suliraning pangwika gayong may pambansang wika na bago pa man ang Binibining Pilipinas, at gayong ilang rebolusyon at digmaan ang naitala bago ganap na maisaentablado ang paghirang sa dilag na simbolo ng kababaihan. Lamang, nauso ang gitlingang pagkatao (hyphenated identity) sa lipunan, hindi lamang bilang bunsod ng mundong nagiging isang subdibisyon kundi bilang bahagi ng mahabang historya ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lahi. Nasaksihan ng kasaysayan ang metamorposis ng mga Filipino – hindi lamang sa pisikal na konstruksyon ng panlabas na anyo kundi maging sa kultural na asimilasyon ng mga banyagang mentalidad at identidad. Kasama ang wika sa mga nagitlingan o sa mga nahiwa-hiwang pagkatao. Bilang dinamikong sangay ng “loob,” ang wikang hindi buo ay posibleng mabitag sa kanyang pakikipagtransaksyon sa lengguwaheng makagagahum. Ganito ang nangyari sa ‘f’ na kinikilalang “hiram” ng kasalukuyang alpabeto. Nakadikit ang stigma na ang porma nitong parang kawit ay imahen ng paninikil at ang tunog nito ay dayuhang hanging inihihinga sa paglikha nito. Isinakatawan lamang ng Filipinong katulad ni San Miguel ang porma’t tunog na dayuhan, at nang dahil sa siya ay hindi naging matagumpay sa kanyang paggagad, naging persona non grata siya sa mata ng sistemang may pinananaligang kolonyal.

Hindi naman propesyunal na video ang nasa YouTube na nagpasimula ng global na diskusyon hinggil sa lawas ng identidad ng mga Filipino. Nagsisilbing lamang kasing platform ang “Internet short video sharing site” para sa mga fan ng mga penomenon, karanasan at tao. Ang kaso ng gabi ng March 15, 2008 ay nataong combo meal ng mga anomalya ng penomenon, karanasan at tao; at para sa katulad ni “justmeananomaly,” kailangang mailantad ito sa espasyong walang magbabawal sa mga opinyon para itama ito.

Tatlong taon bago ang ningning ng Binibining Pilipinas, March 15, 2005, nilikha ang YouTube bilang alternatibong website para sa mga gustong magpost ng sariling video o ng video ng isang kaganapan o produksyong mailap mapanood muli sa sine’t telebisyon o walang available na kopyang CD at DVD. Maiteteoryang ang paglikha ng YouTube ay bunsod ng mga dumagsang amateur video noong sinalanta ng tsunami ang Indian Ocean noong December 26, 2004. Naobserbahan ni Kalinga Seneviratne na ang trahedya ay nagpahayag ng “extent to which ordinary citizens around the world have become journalists of sorts, on their own. Armed with just a handycam, a digital camera or access to the Internet they have emerged as a major challenge to establish players in the global media for often it is they, the amateurs, who get the news first and also get it right.”[5]

Sa ganang ito, tinatanggap, kung gayon, ng globalisasyon na ang bawat ordinaryong mamamayan ay may mahalagang responsibilidad sa daigdig saanman siyang dako ng mundo at anuman ang kanyang uring pinanggagalingan. Nangangahulugan din ito na ang konstruksyon ng anumang katotohanan ay nagmumula pa rin sa mga direktang dumadanas ng isang “karanasan” – at sa maraming pagkakataon ay namamanipula ng midya. Ang mga nakaharap sa danas ay maaaring lumikha, kung gayon, ng isang katotohanan. At pagkaraan, ipatanggap ang dalumat ng danas sa iba pang ibig mabatid ito. Ganito ang nangyari sa YouTube, partikular sa kaso ni San Miguel (at ng 15-taong-gulang na si Charisse Pempingco na nadiskubre sa pamamagitan ng Youtube). Binigyan ang kahit na sino ng kalayaang magpost ng video – anuman ang kaledad nito, mahina man ang audio at malabo ang visual, halatang luma man at mababang bersyon ang kamerang gamit sa pagrekord ng naturang segment. Gayumpaman, ang mga ordinaryong mamamayan, ang mga amateur na nagtago sa iba’t ibang alyas, ang masasabing pinakatinamaan ng pangyayari. Sa kanilang mga ipinost na video nagkaroon ng ideya ang mundo at ng oportunidad upang dalumatin ang penomenong patay-malisya ang sangkot na bansa.

Ang kasaysayan, gaya ng madalas nang sabi, ay nauulit lamang kung hindi natututo sa mga liksyong gustong iremit nito. Sa Pilipinas, ang ngayon ay ang mismong nakaraan. Nakalingkis na parang ahas sa mangga ang kolonyal na mentalidad kaya anumang pagsusuri sa mga kasalukuyang penomenon ay laging nauuwi sa pagkaunsyami sa hangaring makaarangkada ang bansa, bago tuluyang maiwan ng mga maunlad at umuunlad na nasyon-estado. Tumatayong “freedom site” ang YouTube, katulad ng mga “freedom wall” at ng mga pader kung saan ang mga graffiti at vandalismo ay mga salita’t imaheng may mga isinisigaw na sintomas ng isang panlipunang sakit. Sa YouTube, ang mga video ay dependent sa maraming salik. Dahil isa itong social network, maaaring magpost ng nairekord na palabas o ng sariling video. Interaktibo ito – mula sa mga hyperlink ng mga web page at ng mga blog hanggang sa mga “rating” at komento. Ang katangiang ito ang instrumental sa pagiging sikat ng isang video o ng mamamayan sa video o ng kaganapan sa isang lokasyon. Sa mga diskusyon (“comment”) at sa mga tugon (“reply” na maaaring verbal o video rin), natutupad ang “small-world network phenomenon” kung saan ang mga indibidwal ay nakalink sa pamamagitan ng kakaunting koneksyon. Walang personal na apilyasyon sa maraming video ang mga nagpopost sa YouTube, ngunit sa kanilang eksistens labas sa mundong virtwal ay mga politikal na mamamayan sila; patunay nito ang kanilang ibinibigay na panahon para pag-usapan ang isang isyung nirerepresenta ng video.

Kaya, marahil, paulit-ulit ang trahedya ng edukasyong Filipino dahil, bilang lipunan, maraming ayaw tanggapin ang liksyon ng kasaysayan. Bantulot o malay-ko-paki-ko ang mga nasa gahum upang butingtingin ang mga praktis at ideolohiyang nagpapagana sa konstruksyon ng malayang bansa. Ganito ang kaligirang pangkasalukuyan ng teritoryal na Pilipinas, kaya ang mga ordinaryong mamamayan (marhinalisado man o piniping tinig o amateur) ay nakatagpo ng pagkakataong makialam sa pamamagitan ng YouTube – ang bagong virtwalidad na siyang kontemporaryong espasyo sa paglikha ng bansa.

Naunang pinroblematisa ni Emily Noelle Ignacio ang konstruksyon ng bansa labas sa pambansang kontexto. Aniya, [T]he images of a nation often go through a gatekeeping process, whereby some authoritative figures uphold and approve the images that reflect current political alignments. But what happens when images of a nation – or even race, culture and gender – don’t just cross national boundaries, but are articulated in a transnasyonal space by anyone, regardless of authority.[6]

Dahil ang Internet ay isang transnasyonal na espasyo, maipagpapalagay na ang reartikulasyon ng bansa ay higit na epektibo. Ang impormasyon ay malayang nakadadaloy – hindi nasasala at namamanipula. Sa kaso ng YouTube, naititipa ng viewer ang kanyang niloloob at, pagkaraan ay, nasasagot ng isa pang anonimos na user batay sa kanyang perspektiba (“mababaw” man o “malalim” ang reaksyon). Nasa sa user kung ano ang anyubog ng gusto niyang itugon – verbal na textong nasa ibang wika man o video ring ang nilalaman ay hawig sa danas. Sa kaso ng video San Miguel, may mga sumagot sa iba’t ibang wika at mayroon ding tumugon gamit ang video ng kandidata ng South Carolina sa Miss Teen USA 2007 na “nagkalat” mismo sa interbyu kahit sa sarili niyang wika.

Ang Ingles ni San Miguel, para kay Cebu Representative Eduardo Gullas, ay pruweba ng trahedya sa kaledad ng edukasyon sa Pilipinas. Ang katotohan, aniya, “if Ms. San Miguel had been Chinese, Japanese, Spanish, or French, nobody would have cared about her awkward English.” Ang kawalan ni San Miguel ng kakayahang sumagot sa madaling tanong, dagdag niya, “betrays the fading competence of a growing number of young Filipinos in the world’s lingua franca.”[7] Masasabing inaasahan nang si Gullas ang unang reaktor sa performans ni San Miguel. Awtor ng Executive Order 210 (“Establishing the Policy to Strengthen English as a Second Language in the Educational System”), ang kautusang ipinangalan mismo sa kanya, naniniwala si Gullas na Ingles ang susi sa kinabukasan ng Pilipinas. Nakatagpo ng alyansa ang panukala sa mismong Department of Education (DepEd) nang maglabas ito ng DepEd Order No. 36 noong 17 May 2003. Para sa mga edukador, ang ganitong aksyon, na labag sa Konstitusyon 1987, ay paglikha ng mga Filipinong banyaga sa kanilang sariling kultura.[8]

Maging ang mga transnasyonal na mamamayang nagtatago sa mga alyas ay naniniwalang ang hindi-makatarungang pagtaguri kay San Miguel bilang “mahina” ay hindi lamang dehumanisasyon kundi pag-insulto mismo sa wikang Filipinong kakanyahan ng Pilipinas. Tingnan na lamang ang sample ng palitan-kuro nina “ChuckyJJthulhu,” “redsoil5” at “Banakal76” mula sa 23,023 komento sa video:

ChuckyJJthulhu (18 hours ago) [August 13, 2008, 1PM ang view time]
I am a Filipino living here in the US, but in my heart I'm still very Filipino.I am one of those Pinoys who's championing not to be ashamed of using Tagalog in their public speeches. English is becoming a status symbol for us Filipinos and I think this thinking lets us to believe that speaking English make us high above in class in a society. It's really a shame to us Filipinos to have this kind of thinking…

redsoil5 (14 hours ago)
You nailed it, ChuckyJJthulhu. Toyota, Honda, Mitshubishi, Nissan, Mazda. Worldwide ang kasikatan ng mga Hapones. Billion dollar profit ang naiaakyat sa Japan. Charise, Arnel, Lea, Lani, Martin. Worldwide din ang kasikatan ng mga Pilipino.Mas worldwide ang kasikatan ni Janina (2,667,100 hits throughout the world). Ano kaya’ng benefiscio ng Pinoy dito?

ChuckyJJthulhu (7 hours ago)
Walang anuman, glad to contribute. Believe me, I work in int'l business and one *must* learn Chinese to survive - English is less and less useful every day. USA is **$50 trillion** in debt (public + private) while China is flush with savings and scientific expertise. Fixation on English in the Philippines is thus a total waste – the rest of the world is moving to Mandarin! So just speak Filipino proudly, make Chinese mandatory, and have Spanish, German, English, Arabic, Japanese as electives.

Banakal76
(4 hours ago)
ChuckyJJCthulhu, I couldn't agree with you more. There are a few dense Pinoys here who think it's a crime for Pinoys not to be able to speak English well. They are the only people in world who belittle their own language in favor of a foreign language. Thanks for your comments.

Marahil, sasabihing ideyal lamang ang kamalayan ni “ChuckyJJthulhu”; subalit, kinakatawan niya ang saloobin ng tahimik na mayorya ng mga Filipinong hindi lamang nasa Amerika kundi nasa iba’t ibang panig ng mundo. Pinatutunayan niya ang halaga ng afektibong subskripsyon kapag nalalayo ang proximiti sa bayan; sapagkat sa ibang lupain, ang Filipino (o sinumang dayo) ang siyang marapat na makitungo sa mga nuance at idiosyncrasy ng lipunang tinunguhan. Magkagayunman, iginiit ni “ChuckyJJthulhu” na kailangang manatili ang nasyonalismo – at ang wikang Filipino ang pangunahing sandata laban sa pagkarahuyo sa mga norm ng mga gumagahum na bansa. Ikinahihiya niya ang kapwa Filipinong ang dila ay nabingwit ng banyagang halos 50 taong nangisda sa Pilipinas. Sinusugan ni “Banakal76” ang komento ni “ChuckyJJthulhu.” Kung totoong Amerikano si “Banakal76,” lumalabas na hindi siya masaya sa pagpupumilit ng mga Filipino na maging Amerikano sa larang ng dila. Maaaring basahin ito bilang diskriminasyon. Gayumpaman, sintomas ng “pang-amin” ang kanyang pahayag – ang Ingles ay para sa Amerikano, ang Filipino ay para sa Filipino. Ginamit naman ni “redsoil5” ang mga Hapones, dati ring mananakop ng Pilipinas, bilang isang yunit sa kanyang tinangkang analohiya. Klasikal nang halimbawa ang Japan bilang Asyanong bansang kinasangkapan ang Nihonggo upang mapabilang sa Unang Daigdig. Bilyong dolyar, ani ni “redsoil5” ang naani ng Japan mula sa mga produktong nakilala sa mga brand na gamit ang sariling wika. Maisisingit dito ang nostradamusisasyon ni “ChuckyJJthulhu” na Mandarin ang sunod na wikang global – ang wikang kasangkapan ng mga Intsik sa kanilang bersyon ng globalisasyong nahiram nila sa mga Hapones. Ngunit hindi gaya ng Japan na kinapital ang teknolohiya, naniniwala si “redsoil5” na ang kapital ng bansa ay walang iba kundi ang mamamayan mismo. Binanggit niya ang mga mang-aawit na hinahangaan ang birit musikal sa entablado ng Amerika. At ngayong malapit nang maging 3 milyon ang hit ng video ni San Miguel, positibo ang tono ni “redsoil5” na may benipisyo rito ang bansa.

Finansyal na benipisyo ang dahilan kung bakit kumakapit sa Ingles ang sistemang edukasyon ng Pilipinas. Karamihan sa mga kolehiyo ay nagtatangkang habulin ang global demand sa mga skilled worker, lalo na sa larang ng healthcare at information technology, sa kabila ng krisis sa batayang sistema ng edukasyon. Ang demand na ito ay nangangailangan ng katatasan sa Ingles at kahusayan sa Agham at Matematika. Hindi lamang problemang “mismatch” ang nadudulot ng ganitong pagsalig sa mabilisang pagbalik ng puhunan sa gastos sa pagkuha ng bachelor o associate degree. Multong bumabalik-balik ang suliranin ng “loob” sapagkat ang tanaw sa asenso ay palabas. “Say it in English, please,” pakiusap ng mga pader. “We are an English-speaking community,” pagmamayabang ng tarpauline. “I speak in English,” nakatiim sa pin ng estudyante. Tinanggap ng mga eskuwelahan at ng iba pang nasa mahabang listahan ng “English-zone” na ang Filipinong mamamayan ay nakatakdang magsilbi sa mundo at hindi sa kanyang mga etnolingguwistikong kapwang nasa kabundukan na nangangailangan rin kalinga sa kalusugan at pangangatawan o sa mga kababayang nasa patag na uhaw sa pagkakataong makaharap ang teknolohiya at makilala ang globo. Prediksyon ng mga kapitalista na dalawampung taon pang kakailanganin ng mundo ang mga nurse at IT specialist ng Pilipinas at sampung taon pa ang pamamayagpag ng call center sa bansa. Ngunit pagkaraan ng isa at dalawang dekada, paano ang Filipino? Saka lamang ba siya magbabalik-loob?

Ang pagpapatupad ng mga “English-only zone” sa mga eskuwelahan, ayon kay Isabel Pefianco Martin, ay sintomatiko sa kakulangan ng kamalayan ng mga opisyal hinggil sa katangian ng mga wika. Hindi nakapagtataka, aniya, kung bakit tuwing recess ay takbo agad sa mga kantina o quadrangle ang mga estudyante at, maging, ang mga guro.[9] Hindi lamang kasi oras ng meryenda ang ibinabadya ng break time; nangangahulugan din ito ng ‘kalayaan’ sa kapaligirang nilikha mismo ng institusyon. Ang kapaligirang ito ay isa nang urban legend – paulit-ulit na ikinukuwento ng mga personal na dumanas ng ‘lupit’ ng batas ng munting silid. Bagaman limitado rin naman ang kakayahan ng guro sa paggamit ng Ingles sa pagtuturo, ang mga estudyante ay kontrolado ng sapilitang paggamit ng wikang dayuhan. Madalas, ang mag-aaral na matatas sa Ingles ang kanang kamay ng guro; obligasyon niyang mag-tally ng kung ilang beses nagsalita sa wikang lokal ang kaklase. Ang bawat numerong nasa tala ay may katumbas na halagang dapat bayaran ng mag-aaral bilang parusa. Ang sabi, ang halagang nakokolekta ay napupunta sa class fund – na madalas na nauuwi sa pagbili ng isang maliit na electric fan! Kaya’t mahalagang tingnan ang pag-aabang sa break time bilang yunit ng pagsusuri sa akto ng pag-iwas ng mag-aaral upang isapuso ang pagkatuto ng isang wika tulad ng Ingles. Ang kanyang kakanyahang linggwistik ay hindi respetado maging ng paaralang inaasahang kakalinga sa kanyang kakayahang kognitibo. Imbes na palaguhin ang kanyang talino gamit ang wikang kinamulatan o turuan ng Ingles gamit ang unang wika, pinipilipit ang kanyang dila, mahigpit na pinapaawit na parang loro – batay sa tono, bigkas, diin at iba pang suprasegmental ng gumagahum na Ingles. Hindi katulad ng kanang kamay ng titser, na parang pamangkin ni Uncle Sam kung magsalita at madalas na anak na nakaririwasa, ang napaparusahang mag-aaral ay dumadanas ng opresyon sa paaralan mismo kung saan siya ipinauubaya ng bansa upang maging makabayan. Marahil, lumaganap ang pagsamba sa Ingles sapagkat ito ang nakikitang paraan upang makaiwas sa opresyon. Kaya, takbo sa mga English review center ang mga kukuha ng board exam, kuha ng tutor para sa kanilang anak ang mayayaman, todo pagsasanay ang mga opisina, at samba sa batas ng pagtatakda sa Ingles bilang wikang pang-instruksyon ang pamahalaan. Iginawad ng gobyerno sa Ingles ang mesiyas na pagturing ng ekonomiya. At mula dito, dominong nilehitimo nito ang mga hindi-makatwirang pagparusa sa mga musmos na namulat sa wika’t kulturang sarili, ang mga kagamitang pangklasrum na nabili mula sa mga naipong multa, at ang mga eskuwelahang gumagastos ng libo-libo para sa mga pin, t-shirt, pamphlet, banner at billboard na nangangalandakan ng pagiging “English-only zone.”


Sa sariling payaw

Pinakapangunahin sa mga tagapagtanggol ni San Miguel si Melanie Marquez. Itinanong niyang, “Bobo ba ang isang taong hindi marunong mag-Ingles?” Idinagdag pa niyang, “Nasa Pilipinas tayo, may karapatan tayong gamitin ang ating wika.
[10] Malalim ang pinaghuhugutan ng apilyasyon ng dating Miss International (1979) sa kinakaharap na isyu ng kinatawan ng Pilipinas sa Miss World 2008. Siya mismo kasi ang madalas na itinuturing na angkop na objek ng kadahupan ng mga Filipino sa wikang Ingles na siyang kinoronahang lingua franca ng pamayanang global.

Sa larang ng pagandahan, hindi mapasusubalian ang mga gantimpalang natamo ni Marquez – na madalas nang panimulang paksa ng kanyang “pag-angkin” sa Ingles. Sa YouTube, i-type lamang sa button search ang “Melanie Marquez Bb. Pilipinas 1979 (Q&A)” at mapapanood ang 10-segundong highlight ng interbyu sa kanya. Ang tugon niyang “coz I am contented with my long-legged” na marahil ang pinakabantog na sagot sa kasaysayan ng Binibining Pilipinas – hindi dahil sa ito ay nagpapahayag ng inaasahang lalim at talas sa pag-angkla ng isyung personal sa usaping panlipunan na hinahanap ng mga hurado, kundi dahil sa ito ay nagpapakita ng limitadong kahantaran ng kandidata sa Ingles na siyang wika ng timpalak. Bilang pambansang halimbawa ng malapropismo, naidulog ni Marquez sa antas ng kulturang popular ang isang seryosong kaso ng panimulang hakbang sa pag-ari ng isang dayuhang wika. Ang kanyang “Don’t judge my brother; he is not a book” na manipulasyon ng “Don’t judge the book by its cover” ay maaaring tingnan bilang sariling istratehiya upang bigyan-empasis ang kanyang pinupuntiryang ugat ng kaasalang mapanghusga. Kung paglilimian, ang literal na antas ng pag-unawa ni Marquez sa lumang maxim ng Ingles ay nagmumula sa kanyang sariling pagtimbang sa katangian ng pagtatasa sa dalawang magkaibang texto: ang libro na, anumang paglilinaw ng awtor sa parametro ng kontexto at limitasyon ng materyal, laging nasa peligro ng perspektibang pinagmumulan ng kritiko at, sa print nitong katangian ay, walang laban sa kognitibo, afektibo at, maging sa, pisikal na reaksyon ng mambabasa; ang tao na may karapatang magpaliwanag para sa sariling kamalian at kakulangan, may pag-asang positibong magbago, may pagkakataong itama ang mga bako at likong nakaraan. Simple ang punto ni Marquez mula sa kanyang literal na asesment sa pararelismo ng aklat at ng tao: huwag husgahan ang kapwa. Bagaman luminsad sa talinhaga ng hindi-makatwirang pagtingin sa nilalaman (at lalim) ng texto batay sa anyubog nito, ang pagkasangkapan ni Marquez sa popular na kasabihan sa wika ng kapitalistang lipunan ay pahaging tungkol sa katamaran ng bayan sa paglipon ng mga katutubong kasabihang higit na mabisa sa kontemporaryong karanasan ng mga Filipino.

May nakatatawang anekdota si Marquez hinggil sa kanyang pakikipagkomunikasyon sa kanyang mga dayuhang tagahanga noong siya ay nagmomodelo. Pagkatapos ng kanyang fashion show, may Amerikanong lumapit sa kanya at hiningi ang kanyang calling card. Gamit ang Filipinong eksperyensya sa pag-unawa sa Ingles, walang kagatol-gatol na tumugon si Marquez, “How dare you! What do you think of me? A call girl?!” Ang tensyon ng transakyong ito ay nasa politika ng mga idyomatikong ekspresyon sa matalik na ugnayang Amerika-Pilipinas. Paano na kaya kung mayroon nang “call center” noon? Mula sa punto-de-bista ni Marquez, ang akto ng “call” ay nangangahulugang pag-order ng serbisyo ng tinatawagan para matugunan ang pangangailangan ng kostumer, kagaya ng mga call-delivery service ng mga fastfood chain o ng mga naibalitang modus operandi ng mga escort service. Ang dalawang nabanggit na serbisyo ay umiiral sa sistemang kapitalismo at pandarayuhan – ang fastfood bilang Amerikanong konsepto ng institusyonalisasyon ng mabilisang konsumpsyon ng pagkain at ang escort service bilang komersyalisasyon ng katawang hubóg sa lenteng Kanluranin. Konsyumeristang sekswal ang dating ng idyoma kay Marquez, na kapos sa kaalaman sa laro ng mga preposisyon ng Ingles. Sa kasalukuyan, 20 taon pagkatapos ng insidenteng nabanggit, maaaring hindi na palampasin ng mga Inglesero ang pagkakamali ni Marquez, lalo na ngayong may diploma na siya sa kolehiyo at nagtapos pang cum laude. Nakalulungkot lamang na, katulad ng kanyang kapatid, hindi siya tinigilan ng panghuhusga. Kasangkapan ang kanyang advertisment sa pag-endorso ng patis, pinagbigyan ni Marquez ang kanyang mga kritiko: “Oo, may toyo ako!”

Nabanggit ni Virgilio S. Almario na talagang “mapanganib” ang Ingles sa produksyon ng karunungang pangkultura. Idinagdag niyang itinanim nito sa mga edukado “ang mga paraan ng pagtingin sa kultura’t sibilisasyon na tila unibersal na mga pansukat sa uri at antas ng kultura saanmang dako ng mundo.” Gamit ang “heritage of smallness” na ibininyag ni Nick Joaquin sa ating kulturang walang maipantuos sa mga edipisyo’t sining na nakabighani sa pamantayang Amerikano, binuo ni Almario ang “rice terraces syndrome” bilang pantukoy sa “masaklap na epekto ng malabis na pagtitiwala sa Ingles.” Sa sakit na ito, lumilitaw ang kakulangan ng siyasat sa kaakuhan ng kulturang Filipino at ang submisyon sa kakayahang deskriptibo ng wikang banyaga.[11] Matalas ang dila ni Almario sa pagsasabing “hindi magtatagumpay ang Ingles upang ganap na tumagos sa salimuot ng katutubong himaymay ng [ating] karanasan at kasaysayan.” Nasa ganitong tabas rin ang argumento ni Galileo Zafra na sumalungat sa pagpapalagay ni Sibayan na tanging sa wikang Ingles nakaimbak ang karunungan at ang intelektwalisasyon ng Filipino ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng pagsasalin mula sa dayuhang wikang ito. Mahalaga, ani ni Zafra, na seryosohin ang pag-aaral sa iba’t ibang wikang vernakular upang makinabang ang buong bansa sa kaalaman at karunungang nakaimpok dito. Idiniin niyang ang pagsisiyasat sa karunungang nakapaloob sa wika ay “isang subok nang paraan para makahalaw ng mga konsepto, metodolohiya, at teoryang maaaring makapagpatingkad sa katangian ng karanasang Filipino.”[12]

Nabanggit ng kritikong si Lucilla Hosillos, isa sa mga pangunahing iskolar tungkol sa relasyong US-Pilipinas sa larang na panitikan, na pandaigdig ang pangangailangang sagipin ang mga elemento ng kalinangan at panitikang katutubo - bilang diin sa palasak na akalang ang suliranin ng pagtatatag ng identidad ng mga panitikan ay gawaing Filipino lamang. Totoo ito, aniya, sa mga dating kolonya sa Africa, Asya, at Hilagang America na kasalukuyang humahagilap sa kaakuhang kultural at umiipon sa tira-tirang lantay na angking katutubo pagkatapos ng mga wasak at guhong dala ng kolonyalismo, imperyalismo, neokolonyalismo, globalisasyon, at iba pang dayuhang puwersa. Ang mga bansang ito, na kabilang sa taguring Ikatlong Daigdig, ay may similaridad sa mga kondisyon, ideyal, at aspirasyon kahit pa sabihing ang pangangailangang pangkaakuhan ay pekulyar sa kanya-kanyang danas at partikular sa kanya-kanyang interes. Pinagsaluhan ng mga nasa Ikatlong Daigdig ang historikal na danas ng pagsagilid sa kanilang mga kultura’t mithi. Sa usaping kultural, kapwa dumanas ng suwabeng ebanghelisasyon ang mga bansa kaugnay ng pagpupunla ng mga aparatus na kaugnay ng relihiyon at politika. Sa mga akomodasyong ito, ginahuman ang mga bansa sa mga aspekto ng pamamahala, sistemang edukasyon, at kalakal. Resulta ng mga ito ang pagkatulala ng lakas ng mga bansa upang labanan ang pagmura sa kanilang lakas-paggawa at ang pagbansot sa kanilang kakayahang paunlarin ang lipunan. Kaya, sa ngayon, banal para sa mga bansang ito, ani ni Hosillos, ang paghanap sa pambansang kaakuhan, ang pagtakda ng kabansaan, at ang paggiit ng kalayaan. Sa indibidwal na lebel, ang malay na mamamayan ng Ikatlong Daigdig ay pumipiglas laban sa mga panloob na realidad na kinundisyon ng mga puwersa. Hindi nag-iisa ang malay na mamamayan. Natuklasan niyang maraming katulad niya ang mulat at nananatiling tahimik at naghihintay sa pagkakataong makapaglahad ng kamalayan sa kapwa sakop. Ang ganitong gawain ay nagpapakita ng kolektibo at, sa higit na malawak na ugnayan ay, ng pambansang lakas tungo sa liberasyon mula sa mananakop. Ngunit, hindi nagtapos sa kanya-kanyang deklarasyon ng kalayaan ang patuloy na paghahanap sa kaakuhan ng mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig. Nariyan ang mga iniwang umpugan ng pananakop: ang sasanibang mekaniks ng pamumuno, ang paniniwalaang anyo ng gobyerno, ang gagahum na relihiyon, ang tatanggaping kaayusan at ugnayang panlipunan, at ang mananaig na kultura. Sa mga post-liberasyong realidad na ito, na ginagahuman ng mga pandaigdig na sistema ng economic dominance, ay may nanatili pa ri’t hindi naburang aspirasyon sa tunay na malaya’t malikhaing pag-iral. Sa paggiit sa kalayaan, ang prosesong malikhain - ang panitikan at ibang sining - ay mahalagang kasangkapan sa pagkasa ng makabansang resistans at sa paglunsad ng rebolusyon. Ang papel na ito ng panitikan, ang kanyang ‘epiphenomenality’ ayon kay Hosillos, ay lumilikha ng mga bagong lakas – rebolusyon at ekonomik, pagbagong politikal at panlipunan. Malungkot lamang, ani ni Hosillos, dahil sa pamamagitan ng globalisasyon ay nauudlot ang matagumpay na pag-alsa para sa tunay na kalayaan ng Ikatlong Daigdig. Lumalala kasi ang agwat ng mayaman at mahirap habang parami ang sira sa kultura at kapaligiran. Resulta ng mga ito ang kanya-kanyang paggiit sa halaga’t espasyo ng kanya-kanyang kalinangan.

Walang eksepsyon sa patuloy na paghahanap sa kabansaan, ani ni Hosillos, kahit pa ang mga luma’t modernong panitikang may mahabang kasaysayan ng kaunlaran katulad ng India, Africa, Spain, at China. Binanggit niya ang etnisidad ng mga tribu bilang sangkap sa diskurso ng paghanap sa identidad at sa pagbuo ng kanon sa pagtatag ng bansa. Ang paggiit ng tribu/lahi, aniya, ay dulot ng takot sa pagsantabi sa kultura, lahi, identidad, at maging ng sarili. Historikal ang pinag-ugatan ng takot na ito – mula sa pagbuwag sa mga lahi sa pamagitan ng mga pagmasaker sa mga tribu, pag-angkin sa mga lupain ng ninuno, pagwasak sa kulturang katutubo, sa mga buhay, at sa mga pag-aaring napakahalaga sa isang indibidwal at lipunan. Sa higit na malawak na operasyon, ang adhikaing tribu ay ang nasyonalismong nagkaroon ng iba’t ibang dating at gamit habang ang mga nasyon-estado ng Ikatlong Daigdig ay patuloy na nakikihamok sa daluyong ng globalisasyon. Habang nariyan ang katuwang ng globalisasyon, ang multikulturalismo, tinatanggap natin ang mga posibilidad: na may politikang magpapaandar sa homogenisasyon, na hindi pantay ang representasyon ng mga kultura, na may iiral at may lalaho sa patuloy na paggiling ng ikid tungo sa isang kulturang pandaigdig.[13]

Marami nang gumiit na ang Globalisasyon ay Amerikanisasyon. Parami nang parami ang mga kasingkahulugan nitong proseso – mula McDonalisasyon hanggang Disneyisasyon. Anuman ang itawag sa gahum na ito, ang lawas ng panitikan at kulturang popular ng Pilipinas ay nananatiling salamin ng mga karakter na bantulot at nag-aalangan sa pendulum ng wikang Ingles at Filipino. Nakalulungkot lamang na ang binibini ng Pilipinas, sa sarili niyang rampahan o payaw, ay pilit pinagsasalita sa wika ng kanyang mananakop at hindi sa lengguwahe ng kultura at kabihasnang kanyang katatawanin sa pandaigdig na kompetisyon. Ang beauty contest, ani nina Cohen, ay mga karanasan kung saan “cultural meanings are produced, consumed, and rejected, where local and global, ethnic and national, national and international cultures and structures of power are engaged in their most trivial but vital aspects.”[14] Sa panonood sa video ni San Miguel sa YouTube, patuloy na sumasaksi ang mundo sa paghahanap ng kabansaan ng karaniwang Filipino. Maaaring samantalahin ng Amerika ang naipamalas na kahinaan at maaaring hadlangan ng Pilipinas ang anumang pagtatangkang paslangin ang natitirang resistans ng katutubo.

Pagpakyaw sa Ingles

Hindi rin nakaligtas si Manny Pacquiao, ang tinaguriang “pambansang kamao,” sa mga naglalabang opinyon hinggil sa performans ni San Miguel. Ngayong mayaman na si Pacquiao, nilayong niyang bumalik sa paaralan at tapusin ang pag-aaral. Sa tanda ng kanyang edad para sa hayskul, sumailalim siya sa High School Accreditation and Equivalency (A&E) Test ng Department of Education (DepEd).
[15] Ayon sa mga record ng DepEd, ang mga iskor ni Pacquiao ay: 82 para sa communication skills, 82 para sa English comprehension, at 66 sa Math & Science. Sa mga aytem hinggil sa Pagpapalawak ng Pananaw at sa Likas na Yaman, umani naman siya ng iskor na 86 at 70. Ngunit, may ilang hindi naniwala sa talino ni Pacquiao, kung pagbabatayan ang mga email, ayon sa Bureau of Alternative Learning System (BALS) ng DepEd. Marahil, mali lamang ang tiempo ng pagkuha ni Pacquiao ng exam; kasagsagan kasi ng kampanya sa eleksyon kung saan kandidato siya para sa Kongreso.[16] Tatlong linggo pagkaraan, kumuha siya ng entrance exam sa Notre Dame of Dadiangas University (NDDU) sa General Santos City, at umaasang makaenrol sa kursong may kinalaman sa political science, social governance o business administration.[17]


“Palakpakan naman natin ang English ni Manny,” sabi ni Korina Sachez bilang teaser sa kanyang palabas na “Korina Today” sa ANC. Hindi malinaw kung kondesensyon iyon. Ang malinaw, ang Ingles ni Pacquiao ay isa pang specie sa harap ng miskroskopyo ng mga mapangsipat sa kaledad ng Ingles ng mga kapos sa pinag-aralan. Saksi ang mundo sa mga interbyu ni Pacquiao. Habang dire-diretso sa Espanyol ang kanyang mga kalaban, wala siyang kagatol-gatol sa ‘carabao English’ sa paglalahad ng kanyang lugod sa pagkapanalo, obserbasyon ni Martin sa isang post-fight conference. “Kung hindi nga siya umurong kina Barrera at Morales, paanong matatakot siya sa English?”

[18] “Bakit ‘di na lang siya [Pacman] mag-Tagalog at magdala ng interpreter, nang sa gayon ay magmukha siyang matatas at matalino,” tanong ni Rodel Rodis sa kanyang komentaryo. Ang “pambansang psychosis” na ito, aniya, ay nagdudulot ng delusyonal na paniniwala sa ating sarili at sa kakayahan nating mag-English.[19]

“Wala kang katulad, Manny,” submisyon ni Eric Morales, dakilang boksingero mula Mexico na naging mahigpit na katunggali ni Pacquiao, habang hawak ang San Miguel beer sa isang advertisment. Mapapanood ang video sa www.pacquiaovideo.com at gayundin sa YouTube. Ang imaheng ito ay pagpapatibay sa pagpapakumbaba ng dayuhang puwersa (Kastila) sa lakas ng katutubo. Kung ganito ang magiging pagtanggap sa Filipino bilang wikang walang katulad, maaaring lampasan ang psychosis at ang iba pang mental at afektibong karanasang hatid ng neokolonisasyon at globalisasyon.


Hindi naman talaga maiiwasan ang mimicry sa isang lipunang postkolonyal – lalo na sa usaping pangwika kung saan ang Edukasyon ay ang unang pinuntirya ng mananakop. Wala rin namang masama kung may mga Filipinong mas mahusay pang sumulat sa Ingles kumpara sa mga Amerikano. Ang mahalaga, ang imahinasyong gumagana sa tuwing nanghahagip ng mga salita ay Filipino ang tabas. Posible naman kasing mabasa ang danas at mithing Filipino sa banyagang wika, at mangyayari lamang ito kung ang sistema ng edukasyon ay may ganap na pagpapahalaga wikang sarili.

Sa estimasyon ng mga espesyalista, mahigit sa kalahati sa 7 libong wikang sinasalita sa mundo ang nakaabang sa ekstinksyon sapagkat sila ay hindi ginagamit sa pamahalaan, sa edukasyon at sa midya. Sa dahilang ito, ipinroklama ng United Nations ang taong 2008 bilang “International Year of Languages” na pangungunahan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

[20] Ang halimbawa ni San Miguel ay “swak” sa paalala ng UNESCO sa sistemang Filipino. Habang kinukutya ng mga makapangyarihang sektor ang kanyang “my pamily, my family,” ang mismong Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay salamin ng “kahinaan” sa wikang Filipino. Sa isang kolum sa tabloid, naitala ang mga “Arroyism” gaya ng: “Mag-impok ng inerhiya.” “Inutusan ko na si [pangalan ng opisyal] upang magkaroon ng tubig ang inyong mga pipa.” “Napaikot na natin ang ekonomiya.” “…lumipad na presyo…” Ang mga katulad ni Presidente ay nag-iisip sa Ingles kaya sa proseso ng pagsasalin ay literal na namimilipit ang utak. Pakikipagtuos ito ng katutubo sa kanyang sariling dila, at nababasa’t naririnig ng bayan ang resulta. Ngunit, hindi ito pansin ng sistema. Ang akto ng paggamit ng wikang Filipino ng Pangulo sa kontextong ito ay sa kagustuhang maipaabot sa masa, sa mababang uri sa ekonomiya ng lipunan, ang performans ng kanyang administrasyon. Samakatwid, ang “English divide” na ito ay nagmumula mismo sa gobyernong nagpapatupad ng Saligang-Batas na dumidiin sa halaga ng pagiging makabayan. Ang magagawa ng karaniwang mamamayan ay huwag magpahuli sa diskurso habang naninipon ng panggalang.

Ang “carabao English” na kinakatawan ni Pacquiao ay hindi lamang isang simpleng Filipino English, isa sa maraming “Englishes” na lumalaganap sa mundo hangga’t may Filipinong mamamayan sa diaspora at may Filipinong karanasang nakahagip sa atensyon ng daigdig. Ang inkorporasyon ng Ingles sa Filipino ay hindi nangangahulugang ganap na dominasyong kultural ng Amerikano. Basahin na lamang ang mga nahimaymay na salita sa Sawikaan na taon-taong pumipili ng mga “Salita ng Taon.” Karamihan sa mga lahok na salita ay mula sa Ingles ngunit nagkaroon ng bagong kahulugan sa signipikasyong Filipino. Ito ang isang pananggalang ng katutubo o ng ordinaryong mamamayan – ang angkinin ang salita, bigyan ng bagumbihis na baybay at itabas sa kontemporaryong globakalisadong karanasan. Kaya, para kay Michael Tan, ang “carabao English” ay hindi baryasyon ng “Filipino English”; ito, mismo ay pag-aari ng Filipino.

[21] Ang “let’s go, sago” ay hindi lamang pagsasama ng Ingles at Tagalog (na kung tawaging ay “Taglish”), ito ay isang anyo ng pangungusap na may sariling idiosyncracy ng Filipino – may lalim ng pagtuya sa Ingles at may yabang ng pag-angkin sa diwa gamit ang inobasyon sa pagtutugma. Marami mismong isyung kinakaharap ang Ingles bilang wika. Ibigay sa wikang Filipino ang atensyon at oras na kailangan nito. Saka lamang, kung i-quote ang Pangulo, “magkatotoo ang ating mga panaginip.”



Talinhaga ng ‘F’

Ang Filipino mismo, bilang wika at mamamayan, ay dumadanas ng kalituhan sa ‘p’ at ‘f.’ Habang nalalayo ang akses sa mga materyal pang-edukasyon, tumaataas ang posibilidad ng patuloy na paggamit ng ‘p’ sa Pilipino para sa wikang pambansa. Marami pa rin ang gumagamit ng ‘p’ sa Pilipino para sa tao habang ang mga iskolar ay tumatanggap na ng ‘f’ bilang hudyat ng mamamayang gumagamit ng globalisadong wika. Ang ‘f’ samakatwid ay sign ng globalisasyon ng mga Filipino – na ang wika ay ‘f’ sapagkat bukás ito sa mga impluwensya at hamon ng daigdig at ang tao ay ‘f’ din sapagkat paanong magiging global ang kanyang wika kung siya mismo ay hindi pandaigdig ang potensyal. Iba naman ang argumento sa ‘f’ ng Filipinas na pinalalaganap ng mga kritiko at ng mga nasa akademya. Ang ‘f’ para sa kanila ang siyang tamang baybay at hindi ang ‘p’ sa nakagawiang Pilipinas dahil derivasyon ito mula sa orhinal na Kastilang pagpapangalan. Ang isang overseas contract worker (OFW), kung gayon, kapag uuwi ng bansa ay kailangang magpamalitang – “Uuwi ako ng Filipinas.” Magulo ang sariling pagpapangalan kung pagbabasehan ang mga debateng ito. Sa loob ng bansa’y Pilipino ngunit sa labas ay Filipino. Sa loob ng bansa’y Pilipinas o Filipinas ngunit sa labas ay Philippines. Hindi lamang ito sintomas ng mga hating pinananaligang linggwistikal o ng hindi pa pagkilala sa ‘f’ bilang sariling tunog. Sintomas ito ng isang bansang hindi makalaya-laya sa mga remnant ng kolonisasyon – kaya namamayani ang “power play” o ang pagpasok sa karakter ng makagagahum sa kaso ng akademya na walang malay sa pinatatayog nitong babel.

Ano ngayon ang kasalanan ni San Miguel kung nagkapalit ang kanyang ‘p’ at ‘f’ at kung hindi niya perpekto ang wikang Ingles? Sa isang segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinubok ang galing ni San Miguel sa pagsagot ng tanong at sa pagsalita ng Ingles. Gayumpaman, tumugon pa rin ang dalaga sa wikang Filipino.

[22] Ang importante naman kasi ay ang kabuuang kagandahan, kung pananaligan ang pilosopiya ni Imelda Marcos, ang babaeng nakaiwan ng maraming sapatos sa Malacañang. Siya mismo ay isang karanasan at dalumat na nakahagip sa atensyon ng mundo at alusyon sa termino para sa pagkahilig sa anumang sapin sa paa.

Mga Tala

[1] Tingnan ang Appendix B, “You may be married to a Filipino if…” sa Building Diaspora: Filipino Community-formation on the Internet ni Emily Noelle Ignacio (New Jersey: Rutgers University Press, 2005), 150-151.

[2] Nai-upload noong March 8, 2008, ang video ay may pamagat na “Janina San Miguel - Bb. Pilipinas 2008 Q&A,” may URL address na http://www.youtube.com/watch?v=xKwmseoKFCo at may habang 2:03 minuto.
[3] Ang YouTube video result ay batay sa pag-log-in ng manunulat noong August 13, 2008.
[4] Ang URL ng video ni “DJNOMAD813 ng Saudi Arabia” ay http://www.youtube.com/watch?v=0Uh_3phRNbU, at ang kay “mackmilitant” ay http://www.youtube.com/watch?v=Iuq0-R3J-6g.
[5] Basahin ang “The Tsunami and the Media Rush,” ni Kalinga Seneviratne sa Media’s Challenge: Asian Tsunami and Beyond. Jurong Point, Singapore: Asian Media Information and Communication Center and Wee Kim Wee School of Communication and Information, Nanyang Technological University, 2006, 1-30.
[6] Ignacio, Emily Noelle. Building Diaspora: Filipino Community-formation on the Internet, 3.
[7] Para sa karagdagang detalye, basahin ang balitang sinulat ni TJ Burgonio, “Beauty queen’s English proof of sliding RP education – solon,” Philippine Daily Inquirer, 15 March 2008, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view_article.php?article_id=124921, 16 July 2008.
[8] Torres, Tetch, “Tutors ask SC not to make English primary education medium,” Philippine Daily Inquirer, 27 April 2007, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view_article.php?article_id=62882, 16 July 2008.
[9] Mula sa komentaryo ni Isabel Pefianco Martin, “Fearing English in the Philippines,” Philippine Daily Inquirer, http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20080412-129893/, 4 June 2008. Ayon kay Martin, hindi kailangang matakot ang mga Filipino sa English sapagkat ang wikang ito ay pag-aari na ng maraming bansa. Patunay nito ang maraming English (“Englishes”) na namamayani sa pandaigdig na diskurso ng English bilang wika sa iba’t ibang gamit at kontexto. Binanggit niya ang konseptong “affective filter” ni Stephen Krashen na tumutukoy sa pagkawala ng phobia sa wika upang epektibo itong matutuhan.
[10] Adina, Armin. “Melanie Marquez defends Janina,” Philippine Daily Inquirer, http://showbizandstyle.inquirer.net/entertainment/entertainment/view/20080312-124321/, 16 July 2008.
[11] Almario, Virgilio. “Ang Wika ng Karunungang Filipino,” Bulawan 4. Manila: National Commission for Culture and Arts, 2001, 50-63. Tinalakay niya ang hindi mapasusubaliang halaga ng Filipino bilang wikang pambansa at wika ng edukasyon. Mula sa halimbawa ni Chauser ng panitikang English at sa propesiya ni Bonifacio Sibayan, pinasadahan ni Almario ang mga isinagawang proyekto ng UP Sentro ng Wikang Filipino upang maipakita ang sigasig ng Unibersidad sa pagtanghal sa Filipino bilang wika ng karunungan.
[12] Galileo Zafra. “Ilang Tala sa Estado at Direksyon ng Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino,” Daluyan, Journal ng Wikang Filipino. Diliman, Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, Unibersidad ng Pilipinas, 2006, tomo 8, blg. 1-2, 28-43. Nagsilbing report ang papel ni Zafra hinggil sa mga nagawa na para sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino at sa mga maaari pang magawa – nang, hangga’t maaari, mas maaga sa sandang taong time-table ni Sibayan.
[13]Hosillos, Lucila. Interactive Vernacular-National Literature: Magdalena G. Jalandoni’s Juanita Cruz as Constituent of Filipino National Literature. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006, 154-166.
[14] Mula sa introduksyon sa “Beauty Queens on the Global Stage” na inedit nina Collen Cohen, Wilk Richard at Beverly Stoeltje (New York and London: Routledge, 1996), 8
[15] Ang A&E Test, ayon sa DepEd ay “measures life skills as the focus of learning in the alternative learning system, including self-awareness, empathy, decision making, creative and critical thinking and entrepreneurial skills.”
[16] Para karagdagang detalye, basahin ang balitang sinulat ni Jerry S. Esplanada, “Doubts raised over Pacquiao’s high school accreditation,” Philippine Daily Inquirer, 31 May 2007, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/regions/view_article.php?article_id=68798.
[17] Zonio, Aquilles. “Pacquiao takes college entrance exams,” Philippine Daily Inquirer, 21 June 2007, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/regions/view_article.php?article_id=72450.
[18] Martin, “Fearing English in the Philippines.”
[19] Rodis, Rodel. “Global Networking: English Psychosis,” Philippine Daily Inquirer, http://globalnation.inquirer.net/mindfeeds/mindfeeds/view_article.php?article_id=126283, 16 July 2008.
[20] Basahin ang ilang kaugnay na detalye sa http://portal.unesco.org/culture/en/ev.php-URL_ID=35832&URL_DO=Do_TOPIC&URL_SECTION=201.html. Interesante ring basahin ang mga artikulo tungkol sa mga lokal at katutubong wika sa iba’t ibang bansa at ang importansya ng edukasyon sa Courier, online magazine ng UNESCO. Maaakses ang magasin sa http://portal.unesco.org/en/ev.php-URL_ID=41348&URL_DO=DO_TOPIC&URL_SECTION=201.html.
[21] Basahin ang kolum ni Michael Tan, “The English Divide,” Pinoy Kasi, Philippine Daily Inquirer, August 29, 2007, http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view_article.php?article_id=85260.
[22] Panoorin ang segment sa http://www.youtube.com/watch?v=j4jN1A479XU.

Bakit Kailangang Mag-blog?


May birong ang blogger ay writer na hindi ma-publish.

Maraming katotohanang hatid ang birong ito. Maraming dahilan kung bakit hindi nailalathala ang isang manunulat. Marahil, sabihin mang “kulang o “bubot” pa ang kanyang pagsusulat kung kaya hindi siya inilalathala. Ngunit, ito ay depende pa rin sa mga agendum ng publikasyon. Siguro’y kung tatawaging lehitimong publikasyon ang mga sulat ng yaong mga “tinig sa ibaba,” masasabi nang mailalathala ang isang kuwento o tulang tibak. Ngunit tiyak na hindi ang unang palagay ko ang subtext ng biro. Gusto nitong puntuhin ang hindi pagkalathala ng isang manunulat sa isang de-kalibre o refereed na publikasyon. At dahil hindi ma-publish-publish, mainam na mag-blog na lamang. Ngunit, marahil din, mainam suriin kung ano ang publishing culture sa Pilipinas sa likod ng kawalan ng pagkakataon ng isang manunulat na makita ang kanyang byline.

Ilang sariling obserbasyon sa publishing culture sa Pilipinas:

1. Luma nang usapin. Hawak ng sentro ng publishing. Nasa Maynila ang lahat ng bigating publishing house. Sa isyung institusyunal, nasa Quezon City ang dalawang malaking puwersa – ang UP Press at ang AdMU Press. Minsang naitanong ko sa kaibigang manunulat, nawika niyang aabutin ng isang taon ang pag-publish sa UP Press. Magtatagal ang manuskrito sa referee. At pagkatapos niyon ay ilan pang pag-aayos na maaari ngang abutan ng isang taon. Ngunit hindi mahihintay ang gayong haba ng panahon. May mga hinahabol na promotion at reranking ang mga tagaakademya. Kung titingnan ang listahan ng mga librong nailathala ng UP Press, makikitang mga may-pangalang manunulat ang nakapag-publish. Naturalmenteng posisyon ito sa kaso ng UP Press dahil hawak ng UP ang pribilehiyo ng kriteryang pang-akademiko sa Pilipinas. Nakatuon naman sa social science ang karamihan sa mga librong inilalathala ng AdMU Press. At dahil medyo may katigangan ang social science research sa Pilipinas (ang ibig kong sabihin ay yaong akademiko ang hatak at hindi yaong mga survey tungkol sa presidential rating), maraming publikasyon ang AdMU na Philippine printing lamang ng mga aklat mula sa Amerika. Karamihan sa mga awtor ay mga Filipinong itinaguyod ng malalaking universidad sa Asya at Europa. Matagal na ring nagsara ang DLSU Press, at kung may nailalathala man ay piling-pili ang manuskrito. Noong 2007 ay nakipag-ugnayan ang DLSU sa ibang pribadong publishing house para sa pangangailangang publikasyon ng pamantasan. May hinahabol namang 400 libro ang UST Publishing House. Hindi ako sigurado sa mga hakang narinig ko; ngunit sa positibong aspekto ay nabibigyan ng UST ang maraming manunulat ng pagkakataong mailathala nang hindi naghihintay ng isang taon, nang walang hinihiling na “power cast” byline at nang walang kinikilingang foreign contingency at affiliation.

2. Hindi ako sigurado sa hakang ito. Minsan, naka-chikahan ko ang isang writer na tila retainer evaluator ng isang malaking bookstore. Ang sabi sa akin/amin, pinipili niya/nila ang mga librong ibebenta sa bookstore. Iniiwasan nila ang librong masyadong “matalino” – sa dahilang walang bibili nito. Kaya siguro, naisip ko, ang bookstore na ito ay hindi naman talaga bookstore kung tutuusin. Isa itong stationary shop na bentahan ng mga school supply, ng mga Hallmark greeting card, at ng mga dekorasyong pam-Pasko. May nailalathala namang libro ang bookstore na ito – at ito ang mga diksyunaryong Tagalog pa ang wikang Filipino at pang-nth printing na. Hindi rin ako sigurado sa kaledad o talinong laman ng ibang libro. Ang positibo sa bookstore na ito, maganda ang ambiance para sa children’s literature. Sa espasyong ito ay nakatagpo ng ideyal na ahente ang panitikang pambata sa Pilipinas.

3. Walang tanyag na publishing house sa labas ng Maynila. Nangangahulugan din ito ng luma nang isyu – na mahirap malathala ang mga manunulat sa labas ng sentro.

4. Hindi rin ako sigurado sa sunod na obserbasyon ko – kung totoo muli ang haka na may namamayaning sistemang padrino. Sana ay hindi totoo ang haka sapagkat may mahuhusay na libro namang ang manunulat ay nauugnay sa isang malaking pangalan. Marahil ay pagsesenti lamang ito ng ibang manunulat – na higit at mas malapit ang oportunidad ng publishing sa mga “malapit sa banga.”

Mga obserbasyon ko lamang ang nasa itaas. May mga positibong kaisipang hatid ang mga ito ayon sa kanya-kanyang kontexto at bisyong pinapanaligan. Ang kalungkutan ng isang manunulat na hindi siya napa-publish ay hindi laging konektado sa mga umiiral na publishing culture. Sasabihin kong isang hamon ang mga kulturang ito upang lalong paghusayin ang pagsusulat – nang mapansin ng mga may pangalan, nang makapasok sa sentro, nang makapagtalamitam sa mga kaisipan sa ibang bansa. Hudyat din ang mga kulturang ito sa paglinang ng mga bagong kulturang bumubuwag sa mga namamayaning gahum.

Halimbawa, sa kasalukuyan ay tila isang alternatibo ang Cebu bilang sentro. Maaaring buuin sa Cebu ang isang publishing culture na nagke-cater sa pangangailangan ng mga manunulat sa Visayas at Mindanao. Nariyan ang UP Cebu at University of San Carlos upang pangunahan ang mga publikasyong nakatoka sa proliferasyon ng mga librong nakasulat sa katutubong wika. Sa Iloilo ay nangyayari ang ganitong optimismo. Maliban sa UP Visayas na ang mga manunulat ay konektado sa mga taga-UP Diliman at nakikilala sa mga timpalak at parangal, nariyan ang Libro Agustino ng University of San Agustin na naglalayong ilathala ang mga rehiyunal na manunulat. Sa Kamindanawan ay nariyan naman ang MSU-Iligan Institute of Technology. Samakatwid, nabuksan na ang mga oportunidad para sa mga manunulat na nadesentro o nalayo sa banga. May mga umiiral pa rin naman tiyak na mga usaping padrino at may-pangalan. Ngunit ang magandang balita ay “small scale” ito at bukas sa maraming bagong tinig.

Ang blogging, kung gayon, ng maraming manunulat sa Pilipinas – kumporme sa kung ano kanya-kanyang pamantayan at basehan ng pagtawag sa sarili bilang manunulat, bilang konektado sa hindi pagka-publish ay isang flimsy na argumento.

Ang blogging ay walang pinagkaiba sa texting. Kapwa technological fad ang dalawa. Sa katagalan ng panahon ay nagtetext na ang lahat. Transgresibo na ito at hindi na lamang limitado sa mga maykaya. Ultimong pulubi, sabi nga, ay may cellphone, e ano ngayon kung 1100 ang kanyang phone at gasgasin ang casing. May unlitext, sulitext at ibang text promo ang mga cellular site, lumalawak ang network ng texting community at humahaba ang interaksyon (halimbawa, P20 para sa unlitext sa Globe para sa 24 oras). Kung ia-apply natin ito sa blogging, bilang online publication ay malawak ang naaabot na readership ng blog. At kung limitado ang budget ng blogger, may P10-P20 internet café per ora para magpost, at pagkaraan ay mababasa ng mundo ang sinulat. Blogging like texting lamang itong punto ko. Tingnan natin nang mata sa mata ang kakayahan ng blog.

1. Personalized ang blog. Hindi katulad ng librong ilalathala sa academic press o pribadong imprenta, may kalayaan ang blogger na idisenyo ang kanyang site. Hindi didiktahan ng management ang dimensyon o ang pabalat gaya ng academic o private press. May relative absolute freedom ang blogger sa pagpresenta ng kanyang site. Absolute dahil walang magdidikta. Relatibo dahil nakadepende ang kabuuan sa features ng blog servicing site.

2. Elektroniko ang blog. Kagaya ng lahat ng may “e,” mabilis ang transmittal ng impormasyon. Madaling ma-publish ang blog. Madaling ring ma-delete. Ngunit kung mamatay ang blogger nang hindi niya na-deactivate ang blog niya ay posibleng matagal na panahong accessible ang site. Kung na-delete naman ang blog ay maaaring nariyan pa ang kopya ng mga post sa mga unang nag-access at nag-download ng document.

3. Kanya-kanyang politika ang blogger at blogging. Dahil personalized ang blog, kanya-kanyang gimik ang mga blogger. Depende sa kung ano ang ideolohiya o trip ng blogger, magagawa niyang i-publish online ang lahat ng naisin. May mga blog na puro sex at lantarang pakikipagtalik ang nakapost. Trip ito ng blogger. Kung ibig makisangkot ng blogger sa mga usaping panlipunan, maaari niyang i-dedicate ang kanyang blog sa isyung kinahuhumalingan. Walang makikialam sa blogger. Walang sensura. Kung akademik ang blogger ay maaari niyang ipost ang kanyang mga research at papel. Kanya-kanyang agendum ito. Kung poet ang blogger, ipopost niya ang kanyang mga tula. Ganito rin ang ikot ng posting kapag doktor, sikolohista, linggwista, atbp. Kanya-kanyang performans ng sub-culture ito. May blog na halatang bakla ang blogger dahil puro mga macho dancer at mga winner sa mga pakontest panlalaki/pam-“bisexual” ang mga larawan. May mga blog na tila public diary – at tiyak na estudyante ang blogger.

4. Transgresibo ang blogging. Kahit mali-mali ang English ay puwedeng magpost gamit ang English, himatayin man ang mga Englisero sa grammar at construction ng pangungusap. Kahit hindi writer ay puwedeng maging blogger. Kung tutuusin, halos natibag na ang digital divide sa puntong ito. Halos – makapagpapaliwanag ang usaping heograpiya sa ibang aspekto. Sa iba naman ay posibleng “e-fear” na lamang – ang takot sa pagpindot sa computer ng tigulang o napako sa pagkamangha ang isang tagalaylayan.

5. Puwedeng kolektibo ang blog. Kung personalized ang blog, masasabi ring collective ito. Nagkakaroon ng bagong dimensyon ang personalisasyon sa panahon ng digital information. Kaugnay ito ng usaping budget ng mga samahan o organisasyon. Walang budget ang kolektibong iyan o ganire at ang blog ay isang mainam na alternatibo para sa website ng grupo. Menos gastos ito. (Mura ang blogging.) Ang nilalaman ng blog sa kontextong ito ay representasyon ng mga mithiin at saloobin ng isang pangkat ng malay na mamamayan. Ano man ang isyung pinupuntirya ng kolektib, nagbibigya ito ng mensaheng mulat at nakikisangkot ang mga taong nasa likod ng blog. “Blogging heroes” kung tawagin ng midya ang mga collective blogger – sapagkat sa maliit na halaga, sa tulong ng online midya, at dahil walang sensura ang blogging, nagagawa nilang ipost ang mga impormasyon at saloobing maaaring makapagpagising sa isipan ng sambayanan.

6. Alternatibong publishing ang blog. Sa isang banda, may katotohanan ang biro. Ang blogger ay writer na hindi ma-publish. Sa blogging worlds, makikilala si Bienvenido Lumbera at Virgilio Almario. Nagba-blog si Isagani Cruz at Rolando Tolentino. May blog si Howie Severino. At may blog ang mga beauty queen! Mga dakilang manunulat sila at peryodista. Ang mga beauty queen ay may mga advertisment upang magpaganap ng mga agendang pampagandahan. Hindi, kung gayon, para sa hindi ma-publish ang blog. Nagba-blog ang isang blogger, sa puntong ito, dahil naniniwala siya sa kakayahan ng internet na maipaabot ang kanyang tinig. Naniniwala siyang may maihahasik na kaalaman ang kanyang blog, na ang laman ay maaaring mula sa kanyang libro, sa kanyang mga naisulat, sa kanyang mga panayam. Nasa nag-a-access ng blog ang konsumpsyon ng impormasyon ng blog. Para sa blogger, ang blog ay pinakainam na alternatibo para punan ang pangangailangang maedukar ang daigdig na hindi nakasalalay sa mga problemadong limitasyon ng imprentang aklat o diyaryo o di-cable na telebisyon.

7. May egoismo sa blogging. Totoo ito. Sino ba ang nagsabi sa blogger na mag-blog siya? O kung may nagsabi man sa kanya, paano naman natitiyak ng blogger na may audience siya? Ang paniniwala ng blogger na may mahalaga siyang sasabihin sa mundo ay, personal man o politikal, sariling subkripsyon. Maliban sa kanya-kanyang trip ang blogging, ang blog ay sintomas ng lipunan at panahong nagbibigay sa bawat isa ng karapatang kilalanin ang halaga ng kanyang naiisip at nadarama. Ang egoismo sa blogging, kung gayon, sa panahon ng narcisismo at pagkamasarili, ay hindi isang sikolohikal na inferiority at superiority complex. Isa itong social complexity na hatid ng mga pangyayaring yumanig at humubog sa bawat mamayan sa mundo. Kasabay ng pagiging isang digit ng bawat tao sa mundo ang pagiging isang boses niya. Sa isang digital object, hindi gagana nang tama ang sistema kapag may pumapalyang feature o digit. Samakatwid, hindi gagana nang wasto at makatao ang isang bansa kung hindi niya titingnan ang kanyang kabuuan bilang isang digital na gamit. Kung isang digital camera ang Pilipinas, hindi magaganda ang mga kuhang larawan kahit DLSR pa’t maalam sa ekonomiya ng auto focus ang potograpo/presidente. (Hindi ako pro-Gloria, ngunit hindi ako anti-gobyerno). Sa analohiyang ito, ang blogging ay isang teknolohikal na performans ng “imagined community” ni Anderson. Ilang rally na ba ang nangyari dahil sa mga blog? Hindi magkakakilala ang mga blogger at blog audience ngunit batid nilang may obligasyon silang makilahok at makitinig. E ano naman kung hindi naririnig. Ang mahalaga ay nakapagsalita.

May kaibigan akong nagtanong kung masasabi pang may bibliographic characteristic ang blog. Noong una ay hindi ako sigurado sa aking sagot. Nitong huli, masasabi kong “oo.” Depende sa blogger? Ang sagot ko ay “hindi.” Ang lahat ng blog ay may bibliographic character.

1. Kung isang panayam sa isang mahalagang okasyon o isang artikulong nakalathala ang post, kailangang maisatalasanggunian ito. Mainam ang citation ng orihinal na pagkaganap o pagkalathala. Kailangang mabanggit na na-akses ito sa blog, ang pangalan ng awtor/blogger, kalakip ang URL.

2. Kung ang post ay isang “palagay” sa isang isyu at naniniwala ang audience na wala pang nakapagformula ng palagay na ito, mainam na citation. Mahalaga siyempreng magkaroon ng kaunting background check sa blogger.

3. Kung isang text analysis ang ginagawang riserts at kasama ang blog o ang post sa mga babasahing texto, nagkakaroon ng signifikans ang blog, kung kaya kailangang maitala ang URL.

4. Kung ethnographic ang riserts at ang mga post ng isang blogger ay mahalaga sa layunin ng pananaliksik, itatala ang blogsite/URL. Ganito rin ang mangyayari sa mga forum at messageboard.

Panimulang muni pa lamang ito sa papel na ginagampanan ng blog sa riserts at sa publishing culture sa Pilipinas. Ang argumento ko ay mahalaga ang blog sa kontemporaryong sitwasyon ng kultura. Di-lehitimo ang talaarawan noon ngunit naging importanteng dokumento ang diary ni Anne Frank. Walang pumapansin sa mga memoirs noon ngunit ginamit ang tala ng mga babaeng nakasaksi sa digmaan sa panahon ng Hapon upang maipaliwanag ang politika ng karahasan. Nang yumaon ang manunulat na si Rene Villanueva, naging basehan ng isang lathalain sa Philippine Daily Inquirer ang kanyang blog upang ipahayag ang talas at talim ng kanyang mga obserbasyon sa lipunan.

Kanya-kanyang trip ang blogging at sa maraming pagkakataon ay inihahatid nito ang mga bagay na lantay – malaya sa anumang kumbensyon ng kulturang nakapaligid sa audience. Sa panahong niyayanig ang mundo ng mga tsunami, lindol, at terorismo, ang bawat mamamayan ay tagatala ng mga pangyayari – manunulat man siya, diyarista o ordinaryong taong sumasaksi sa mga salanta at himala. Ang blogger, kung gayon, mailathala man o hindi ang kanyang sinulat ay signifikant na datos ng ating panahon.

(Mula sa http://www.seosmarty.com ang larawang ginamit.)