SA presensya ng epiko ay nagkakaroon tayo ng asersyon laban sa bintang, pagpapangalan, tingin, at pagkakahon ng nagharing gahum. Ang tinuturing kong gahum ay ang mga doktrina at ang mga institusyong ipinunla at itinatag ng mga misyonerong Kastila na siyang unang puwersang dayo na nilehitimo ng kasaysayan bilang kolonisasyon. Sa liit ng kanilang bilang at sa kaunti ng kanilang manuskrito o nakaimprintang pag-aaral, alinlangan tayong napagtagumpayan nilang pasukin ang mga interyor ng malalaking isla. Sa ganang ito, kung gayon, ang mga tradisyon ng mga minorya na hindi inabot o lumaban sa dominasyon ng dayong gahum ang maituturing nating tunay na tagapag-ingat ng mga ipapalagay nating lantay na tradisyong Filipino. Ito marahil ang dahilan ng pagpili ni Isagani R. Cruz sa epiko bilang lunsaran ng kanyang kritika sa istruktura ng pagdadalumat sa karanasan at pangyayaring Filipino. Bakit ang epiko sa lahat ng unang anyo ng panitikan? Kung babalikan natin ang pagtatala ni Manuel1 sa mga katangian ng epiko, mapapaniwala tayong ang napanatiling haba ng naratibo ay mayamang balong mapagkukunan ng mga datos. Ang mas interesante rito ay ang tradisyong oral na kinamulatan ng naratibo na nagbubukas ng mahalagang usapin ng wika ng epiko lalo’t patula ito at kadalasang inaawit ng isang manganganta o mang-eengkantasyong kinikilala ng pamayanan. Ang paksa nitong kabayanihan ay naghahain ng imahen ng sinaunang lipunang kumikilala sa personang may gahum na siyang kanilang kolektibong imahen at tumutuligsa sa isang panlabas na gahum na nagbabalak maghari.
Kung si Isagani R. Cruz ang tagapagsiwalat ng mga dimensyon ng kasalukuyang epikong Filipino, napakahalaga, kung gayon, na iugat ang kanyang tungkulin at posisyon sa tradisyon ng pinili niyang anyo. Narito siya bilang isang mandadalumat na umuunawa sa kahulugan upang Filipinong maidefayn ang konsepto, tumutugon sa pamamagitan ng pagbubuo ng kasaysayan upang mapangunahan ang mga posibilidad ng pagbabago sa anyo o padron ng historya, nagtatampok ng mga danas at mga kulto upang maituwid ang daan sa pagteorya, at naghahalaw ng mga teksto upang ipamulat ang tradisyong dapat panatilihin o buwagin. Ang engkantasyon ni Cruz ng epikong Filipino ay marapat nating ihambing sa konteksto ng engkantasyon ng mga sinaunang epiko.2 Ang engkantasyon o pagkanta ng epiko, na buhat pa sa mga ninuno, ay naghahatid ng inspirasyon sa mga tagapakinig at nagbibigay ng halimbawa sa mga susunod na manganganta, maaaring lalaki o babae.3 Ang interes ng engkantasyon ay nasa naratibong hindi-malaya sa reaksyon ng tagapakinig kaya tatanggalin ng manganganta ang bahaging sa palagay niya ay hindi makapagpapanatili sa interes ng audience.4 Hihinto siya kapag naririnig ang komento o reaksyon ng audience sa pamilyar na kaugalian o patern ng katangian ng kanilang komunidad.5 May ilang kakanta o magchachant nang katulad sa kung paano nila inaawit ang ibang kanta, at mayroon namang nasa pekyulyar na posisyon.6 Masasabing sa pagsalimbibig ng epiko ay makapagbibigay tayo ng alawans sa mga modifikasyon sa tema at konteksto ng naratibo sa panahong natutunan ito ng chanter. Lohikal ding masasabing nakapagpasok na siya ng ibang set ng kaugalian at pananaw-mundo sa kanyang sarili na iba sa kanyang mga ginikanan. Nasa kanyang kapangyarihan ang magpakilala ng mga pagbabago sa teksto ng epiko batay sa kanyang mga interes ayon sa mga okasyong humihingi ng dagdag o bawas sa mga bahagi ng epiko upang makamit ang functional nitong anyo.7
Babanggit ako ng isang kaso. Sa mga Sulod, kilalang epic chanter si Federico Caballero, anak ni Anggoran. Sa takbo ng panahon ay nakamit ni Caballero ang taguring “tuohan” (ginagalang) mula sa kanyang tribu. Dose anyos pa lamang siya ay nagagawa na niyang awitin ang mga epikong natutunan niya mula sa kanyang ina at sa kanyang lola-sa-tuhod, si Omil.8 Sina Omil at Anggoran ay mga binukot.9
Nabanggit ang ‘binukot’ sa Hinilawod, isang bahagi ng epiko na sinasabing pinakamahabang epiko sa Sulod. Sa epiko, sinabi ng mga kaibigang espiritu ni Buyong Humadapnon na marapat niyang hanapin ang kanyang mapapangasawang kapantay niya ng uri. Humiling si Humadapnon ng permiso sa ginikanan na maglakbay para hanapin ang mapapangasawa: si Nagmalitong Yawa. Sumulong ang ginintuang biday ni Humadapnon dala-dala ang paalala ng mga ginikanan na mag-ingat sa engkantadong isla ng Tarangban, isla ng mga binukot. Ang Tarangban ay may puwersang magbura sa konsepto ng minulan. Hindi natinag si Humadapnon hanggang sa narating niya ang isla at narinig ang paanyaya ng yuta-yutang binukot. Sa una, ayaw niyang pagbigyan ang paanyaya; ngunit nang lumitaw ang pinakabunso, ang pinakabatang binukot na si Malubay Hanginon, naakit siya at tinanggap ang inaalok nitong nganga. Sa Tarangban ay nakipagtalik siya sa mga binukot na tinuring niyang mga kalaro at laruan. Inabot ng pitong taon ang pakikipagtalik niya ang mga binukot.
Ang binukot sa teksto at ang textong binukot ay may pahiwatig sa kasaysayan. Dahil siya ay binukod, tinuring siyang isang likhang-isip, isang mito, isang sugilanon. Napatunayan lamang ang kanyang eksistens nang sa isang pagkakataon ay napadpad sa kanyang parametro ang bayani. Malaking diskrepansi ang pagmito sa kanya lalo’t sa tunay na buhay ay may tungkulin siyang pangalagaan ang tradisyong oral ng kanyang mamamayan. Mahihiwatigan sa textong binukot na may layunin ang sinauang Filipino na panatilihin ang kalantayan ng kanilang kultura at malaya sa anumang impluwensya maging ng kakomunidad. Sa kanilang engkantasyon (ayon kay Magos, sipi sa lathalain ni Villa), bagaman may kasangkot na memorisasyon, may kalayaan ang mga binukot na muling lumikha at magdagdag.
Ang mandadalumat na Filipino ay bukod din sa ibang mandadalumat. “Bukod na bukod” pa nga, ayon kay Cruz. Malaking diskrepansi rin ang nalikha ng kanyang pagkakabukod sa mundo ng kritika. At kung hindi lamang niya napansin ang pananamlay ng kanyang mambabasa’t mga texto ay hindi siya lilikha’t maghahanap ng paraan upang mailigtas ang kritikang Filipino.
Sa functional na kalagayang ito nagkaisa ang binukot at mandadalumat. Sa kanilang engkantasyon ng epiko ng Filipino ay may pagbabanta ng posibleng paglawak ng saklaw nito sa konteksto ng dumadaing na sistemang signifikasyon.
Ang Epiko ng Panulatang Edsa
Tungkulin ng isang makabagong kritiko, wika ni Isagani R. Cruz, na “talakayin ang nangyayari sa kasalukuyan sa bansa… ayon sa mga alintuntunin ng kritikang pampanitikan” (241). Ipinapalagay niya, samakatwid, na may nangingibabaw na penomenon sa bawat yugto ng kasaysayan na nangangailangang dalumatin ayon sa pamantayan ng panitikang hindi bukod sa kasaysayan.10 Gayunpaman, mahihinuha sa kanyang pahayag ang isa pang pagpapalagay: na mayroong pamantayang karapat na gamitin sa penomenon – yaong kriteryang niluwal at nagkagulang mismo sa lupain at kapaligiran ng natatanging pangyayari. Hindi, kung gayon, hustisya sa penomenon kung susukatin siya ayon sa kritikang hindi niya kakomunidad.
Lumuluwal nang labis na panitikan ang labis na pangyayaring pangkasaysayan. Isinisilang ang mga teksto mula sa textong bumubukal sa kamalayan ng mamamayan. Kaya, marahil, hindi nakakapagtakang libu-libong teksto at texto ang nalilikha at muling nalilikha, lalo na, sa pinakamainit na panahon ng penomenon. Ito ang kaisipang minulan ng talakay ni Isagani R. Cruz sa kanyang kuru-kuro sa epikong Filipino sa teksto at texto nina Lam-ang, Fernando Poe Jr., at Ninoy Aquino.11 Panulukang teksto’t texto niya si Lam-ang na unang sibol ng imaheng bayani ng kamalayang Filipino. Itinambal niya kay Lam-ang si Fernando Poe Jr. (FPJ), anak ng pelikulang Filipino, na sumunod sa yapak ng una. Si Ninoy Aquino, penomenon ng Edsa, ay kinakitaan niya ng patunay ng arketipo ng katutubong bayani.
Ipinakita ni Isagani R. Cruz, sa kanyang pag-aaral ng ating mga epiko, na mayroon tayong arketipong bayani. Gamit ang panunuring morpolohiko, natuklasan niyang may estruktura ng anda ang mga epikong Filipino: (1) Aalis ang bayani; (2) makakatanggap ang bayani ng isang mahiwagang bagay; (3) dadalhin o pupunta ang bayani sa pook kung saan naroroon ang isang hinahanap, na karaniwan ay mahal sa buhay; (4) magsisimula ang bayani ng isang labanan; (5) makikipaglaban ang bayani nang matagalan; (6) pipigilan ng diwata ang labanan; (7) ibubunyag ng diwata na magkamag-anak pala ang bayani at ang kanyang kaaway; (8) mamamatay ang bayani; (9) mabubuhay muli ang bayani; (10) babalik ang bayani sa kanyang bayan; (11) magpapakasal ang bayani. Sa kanyang sarbey ng pitong etnoepiko at anim na makabagong epiko, pinatunayan niyang tama ang kanyang morpolohiya.12
Pinalawak ni Cruz ang kanyang pagtatala mula sa kanyang pagtuklas sa tradisyong epiko ng mga simula ng panitikan ng Filipinas tungo sa diskusyong nangangailangan ng dimensyong politikal. Napansin niya ang “intratekstwal” na pagbasang proto-estrukturalista sa pagbasa sa mga epiko at ang kwasi-intertekstwal na pagbasang estrukturalistang jenetik na nagpapakitang “ang estruktura ng mga likha ay sumasalamin sa estruktura ng mundo.”13
Lumabas sa bakod ng panitikan si Cruz upang subukin ang kanyang obserbasyon. Sa katauhan ni Panday sa mga pelikula ni FPJ, nakita niya ang walo sa labing-isang anda. Sa totoong buhay, natuklasan niyang akma ang labing-isang anda sa buhay ni Ninoy Aquino. Binigyan-diin niya ang ikasiyam na anda upang ipakitang ang muling pagkabuhay ay wala sa pisikal kundi maaaring nasa imahinasyon ng taumbayan. Dito tumutugma, aniya, ang penomenong Ninoy “sa arketipong bayani ng mga katutubong epiko, ng mga pampanitikang epiko, at ng mga epiko ng pinilakang tabing”.14 Siyempre pa, nilampasan niya ang paninging proto-Istrukturalismo upang patunayang hindi lalayo ang teksto sa texto. Gamit ang metodolohiyang Istrukturalismong Jenetik, gumawa siya ng balarila ng lipunang Fiipino. Ipinakita niyang ang unang anda, halimbawa, ay likas na sa mga Filipino mula’t sapul pa man. Bahagi ng textong Filipino ang pag-alis at, mas tiyak, ang pangingibang-bayan. Nakita niyang lalong maingay at masilakbo ang tinig at damdamin ng pagparangal at paghiganti kapagka ang bayani ay lumisan tungo sa malayong bansa. Binuo niya ang katawagang ‘kulto ng balikbayan’ upang ilarawan ang andang ito. Kultura rin ng ‘kulto’ na tinagurian ni Cruz ang iba pang anda. Sa ikalawang anda, naipapakita na ang bawat kulto ay may sinasamba’t pinagkakatiwalaang puwersa – elemental man, espiritwal, personal at politikal. Ang isang kulto ay naniniwala sa buhay pagkaraan ng kamatayan, sa anumang anyo ng muling pagkabuhay pagkatapos ng mahabang-mahabang digmaan. Mabilis niyang binalikan ang mga namatay at muling nabuhay at binuhay na lipunan sa ating kasaysayan upang patunayang wasto ang morpolohiya. Ang bayani ay babalik at ang kulto ay magdiriwang; subalit, upang higit na kilalanin ang lipunan/kulto ay kinailangang bumuo ng gramatolohiya. Mabibigo tayo, kung mapaglilimian, ang sinasabi niyang katotohanang likhang-isip lamang ang mga bayaning naging arketipo ng ating lipunan.
Mahalaga ang dalumat ni Cruz sa pagbubuhay ng isang arketipong bayani. Ang mga bayani ng epiko ay “nabubuhay lamang sa panahon ng pagbigkas at pagbasa”. Naghahain, kung gayon, ang kanyang pahayag ng ilang oportunidad upang salain ang anyo/imahen ng bayani. Una, dahil nakasalalay sa pagbigkas ang buhay ng bayani, mahalagang pagtuunan ang sangkap ng palabigkasan ng mambibigkas, at sapagkat madalas ay nasa anyo ng engkantasyon ang epiko, mahalaga ring isangkot ang mga sangkap-musikal ng mambibigkas. Esensyal ang mga naisatabing musikalidad ng epiko sapagkat may maidudulog itong pagkakataon upang mapagtanto ang pagtatapat ng bilis o bagal, baba o tinis, diin o hapyaw, sa katangian at kapaligiran ng bayani. Ikalawa, mahalaga ang salita/wika sa imahen ng bayani. “Laman” ng epiko ang salita. Nasa panganib, kung gayon, ang likhang-isip na bayani, sa takbo ng panahon. Kung matagumpay na maipamamana ang kayamanan ng wikang gamit sa pagbigkas ng epiko ay walang takot ang lipunan sa anumang kakulangan at alterasyon sa imahen ng bayani. Ang mahalaga, samakatwid, para sa lipunan ay ang salita/wika/panulat. Ani ni Cruz, “ang dapat pagtuunan ng pansin ay hindi ang pagkarealistik ng mga bayani… kundi ang kanilang panulat… (dahil) sila ay bilanggo (nito)”.15 Ang penomenong Ninoy, kung gayon, ay iba sa taong Ninoy. Ang pangalan niya ay naging pamansag sa anumang gawain, tungkulin at mithiin ng bayang naghihikahos, lumalaban, at dumadaing. Ang textong Ninoy ay lumikha ng mga teksto at texto, ng bayaning Ninoy na tabas sa bayaning naiguhit sa ating kamalayan ng binigkas na panulat at ng bayang sumisigaw hindi lamang ng hustisya para pagpaslang kundi maging sa:
pagkasawa sa mga kasinungalingan, sa mga pang-aapi, sa pagsasamantala ng mga nasa pamahalaan. Kung pag-aaralan natin ang mga plakard na dala-dala ng mga nakadilaw na kamiseta’y makikita natin na iilan lamang talaga ang tungkol sa pangyayari sa tarmak. Ang karamihan ay tungkol sa iba’t ibang kataksilan ng pamahalaang Marcos, tulad ng pagbaba ng halaga ng piso, ng patuloy na pagbilanggo sa mga subersibo at hindi-subersibo, ng patuloy na pag-iral ng mga dekretong hindi-makatarungan, ng pandaraya nito nang nakaraang plebisito… Hindi na tao ang tinutukoy ng salitang Ninoy, kundi katakot-takot na mga daing ng taumbayan.16
Politikal, samakatwid, ang pakikisangkot na dapat gawin ng isang mandadalumat ng epikong Filipino. At ang tinutukoy na epiko ay ang kasaysayan mismo ng Filipino. Dito natuklasan ni Cruz ang operasyon ng konseptong ecriture ni Derrida. Kung itatampok natin ang pagkabahala ni Cruz sa katangian ng penomenong Ninoy ay maniniwala tayong maaaring may paglinsad ang ilang susunod na yugto sang-ayon sa paghubog ng mga nakalimutan at susulpot na konsepto na maaaring maglundo sa muling pagsulat ng ecriture ng bayan.17
Ang Texto ng Andang Bakbakan
Iaangkop ko ang gramatolohiya ni Cruz sa isang panulat na batid kong hindi nalalayo sa kanyang dalumat ng epiko ng ating kasaysayan.
Balikan natin ang ikaapat na anda ng katutubong epiko – ang digmaan. Kaugnay ng andang ito ang ikalima hanggang ikawalong anda – ang pagkamatay ng bayani. Pinakamahalaga ang labanan dahil naglalahad ito ng mga yunit ng minulan nitong komunidad. May ilan akong asumpsyon kung bakit matagalan ang labanan sa epiko. Una, ito ang pinakapangunahing kongkretong tunggalian ng naratibo. Sa mga pangyayaring ito tumatakbo ang salaysay at napapanatili ang interes ng nakikinig. Ikalawa, sa bahaging ito pinakatampok ang bayani. Dito, siya ay malilikha batay sa pinakaideyal na bayani ng tagapagbigkas. Bibigyan siya ng pinakamagandang tikas, pinakamatapang na idelohiya, pinakamalakas na kapangyarihan, at pinakanaiibang pamamaraan ng pakikipaglaban. Pinahuhumaling ng tagapagbigkas ang nakikinig sa kakanyahan at kakayahan ng bayani. Ikatlo, naipaparada ng tagapagbigkas ang performatibong kultura ng likhang komunidad – ang mga seremonyas kaugnay ng laban – ang paghahanda para sa digmaan, paglikha ng mga sandata at sakayan, ang pagkakaloob ng kahiwagaan, ang pagbabasbas para sa matagumpay na laban hanggang sa pagsamba sa kaanituhan para sa kaligtasan ng bayani, pag-aral sa mga puwersa ng kapaligiran upang makiramdam sa kahihinatnan ng labanan, pagsundo sa labi ng namatay na bayani hanggang sa pagtungo sa maaram upang siya ay buhayin. Ikaapat, sa mga seremonyas ay naipapakita ang kulturang materyal ng minulang komunidad. Nakabubuo ng korpus at napayayaman ang bokabularyo sa mga tiyak na kapangyarihan at sandata. Ikalima, naimamapa ang mga konseptong panlipunan ng komunidad. Nagbubukas ang mga ito ng pagkakataong madalumat ang mga likas na damdamin at danas. Naitatala ang mga paniniwalang espiritwal at napag-uugnay ang mga ito sa pananaw-mundo ng kaangkan at katribu. Ikaanim, dahil sa mga nadebelop na seremonyas, natutukoy ang praktis at ang mga antas ng pagpapahalaga sa pagkakalapit at pagkakalayo ng angkan at ng pamayanan. Naipapakita ang atityud ng lipunan tungo sa bayaning makikipaglaban kaya naisisingit ang anumang diwa o apilyasyon o simbolisasyon ng karaniwang mamamayan sa bayani. Ikapito, naipapakilala ang tagapakinig sa mga hinihirayang daigdig ng komunidad. Ang tagpuan ng labanan ay espasyong tumutukoy sa pamumuhay, ekonomiya, mitolohiya at politika ng mga nagkahidwaang puwersa. Ang anyo ng tubig, lupa, at maging ng kalawakan, ay nagbibigay-turing din sa heograpiya ng lipunan, at sa isang banda ay makakatulong sa pag-unawa ng mga posibilidad ng kinabukasan ng mga komunidad. Ikawalo, nagsisilbi ang labanan bilang pantukoy sa anumang anyo sigalot sa pagitan ng mga puwersa – kung may digmaan na ba noon, kung may rebolusyon, kung may kudeta – kung may mga katutubo ba tayong pantawag sa penomenong kasalukuyan nating dinadanas. Ikasiyam, kaugnay na kamatayan ng bayani, napagtatanto natin sa labanan ang kanyang kahinaan, ang kasukdulan ng kanyang kapangyarihan. Dito ay napapaalala sa atin na ang bayani ay kailangang mamatay upang muling mabuhay at upang madanas ang susunod na yugto ng naratibo – ang mabuhay para sa bayan at makaisang-dibdib ang minamahal. At ikasampu, kinokondisyon ng labanan ang kamalayan ng tagapakinig; samakatwid ay may layunin itong ituro ang kinakailangan.
Balik tayo sa tinutukoy kong panulat. Ito ang panulat na nalikha at pinauso ng mga pelikula ni FPJ. Ito na rin marahil ang panulat na sinamantala ng mga artistang nangarap maging politiko kaya’t maaga pa ay sinimulan na ang pagkondisyon sa kamalayan ng manonood – na siya ay bayani at ang ipinaglalaban niya ay mithiin ng nakararaming inaapi. Mahalaga sa puntong ito ang paggugumiit ni Cruz na ang bayani (na marahil siya ring bayaning nakatanim sa malay natin) ay isang sugilanon o mito, isang likhang-isip o likhang-lipunan. Bahagi ng epiko ng bayaning ito (ni FPJ, ng iba pang artista) ang nahulma nang labanan na hanggang sa ngayon ay bilanggo pa rin ng telon: ang panulatang bakbakan.
Sa panulatang bakbakan, ang bayaning ating sinusuportahan ay hindi tao kundi tauhan. Nakikita natin, tulad ng naririnig natin, ang bayaning palaban. Subalit, hindi na natin ipinaglabang ilabas siya sa telon at pairalin sa totoong buhay.
Ganito ang pananaw ni Cruz kay Balagtas.18 Ang tao sa likod ng epikong Florante at Laura ay naging tauhan na lamang at naging walang-bayad na manunulat sa likod ng mega-industriya ng textbook at hindi-mabilang na kaban ng metateksto.
Kinasangkapan ang mga salita ni Balagtas upang takpan ang labanan, ang bakbakan sa tunay na buhay. “Kinakatawan ni Balagtas ang gahum na kasalukuyang umiiral sa ating bansa”19; hindi siya ang ideolohiya ng bayaning ating pinapalakpakan, bagkus ay ang tagapagpatahimik sa mga walang kapangyarihan. Walang pinag-iba, kung gayon, ang epiko ng bayang tinutukoy ni Balagtas sa epiko – ang bayang sa loob at labas niyon ay kaliluhan; ang mga sinasabi niya ay “hindi angkop lamang sa kanyang sariling panahon, kundi sa panahon mismo ni Rizal”, sa panahon ng una hanggang sa ikalawa at sa, kung isasali ng tagapagbigkas ng ating kasaysayan, ikatlong Edsa.
May bisa nga ba si Balagtas o ang Balagtas?
May bisa nga ba ang epiko o ang kasaysayan?
Tanong din ang sagot ni Cruz sa mga tanong. Aniya, “kung talagang obra maestra ang Florante at Laura… ay bakit sa libu-libong estudyanteng nagbabasa nito ay mabibilang… ang mga nakakaisip na palitan na ang bulok at mapang-aping estruktura ng ating lipunan?”20 Gahum, ang sagot ni Cruz. Bakit? Dahil “ipinipilit” sa mambabasa ng teksto ni Balagtas na ang epiko ay tungkol at para lamang sa yugtong Hispaniko ng kasaysayan. Gamit ang analohiya ko ng sinehan at ng epiko ni Cruz, pinabayaan nating makulong ang bayani’t ideolohiya ng inaaping uri sa telon at sa teksto. Pilit pa rin nating ibinubukod ang epiko sa kasaysayan at sa panulatan nito.
Kaya, marahil, patuloy na nabibigo ang taumbayan sa bawat yugto ng kasaysayan pagkaraang paigtingin ni Rizal ang ideolohiyang Balagtas. Mula sa konseptong ‘digmaan’ ng epiko ni Balagtas ay lumikha (nanghiram) si Rizal ng konseptong ‘rebolusyon’ sa kanyang epikong Crisostomo Ibarra/Simoun. Ngunit, kaparehong pagkabilanggo rin ang kinasadlakan ng ideolohiyang Rizal – ginamit ito ng “naghaharing uri para mapatahimik at masupil ang masa”21.
Sa mga taong bago ang penomenong Ninoy, sumulpot ang ideolohiyang Panday22 sa bisa ng sinehan. Sa mahabang panahon ng paghihintay ng Filipino sa bayaning sasagip sa kanya sa Batas Militar ay biniyayaan siya ng pelikula ng bayaning tubog sa kanyang epiko. Saan ngayon napunta ang ideolohiya gayong pagkaraan ng tatlong yugto, noong Agosto 21, 1983 ay nangyari sa tarmak ng Manila International Airport ang senyales na palayain na sa telon ang Panday?23
Umupong pangulo ng bansa si Ninoy Aquino sa katauhan ng kanyang maybahay. Muli ay binigyan ang Filipino ng pagkakataong iangkop ang epiko sa kanyang panahon. Ngunit, ang epiko ni Florante ay nanatiling teksto at si Cory Aquino ay naging makapangyarihang texto na nagtulak sa ilan na lumikha (manghiram) ng texto – ng kudeta – ng bagong anyo ng laban.24 Natapos ang termino ni Cory, at humaba lamang ang sentensya sa epiko sa libro at telon. Ang botohan noong 1992 ay isang magandang pagkakataon upang makalaya na ang likha sa pagkakabukod. Subalit, dahil umano pagtanaw ng utang na loob, sinuportahan ni Cory si Fidel Ramos, na pagkaraan ng ilang oras na pagkawala ng kuryente ay umungos nang napakaliit na porsiyento kay Miriam Defensor. Kung idadaan natin sa biro, nasiraan nga, marahil, ng bait ang likhang nabitin sa pagkakalaya. Kinasangkapan muli ang ideolohiyang Florante’t Ibarra upang masilensyo ang masa. Ang pagboses ng masa sa kanilang boto para sa ikasandaang taon ng kung-kasarinlan-mang-maituturing ay isang masaklap na manipestasyon ng pag-angkin ng likha sa realidad. Tinuring ng masa ang lipunan bilang sinehan. Maipagwawagi sana ito dahil nakawala sa telon ang bayani, ngunit hindi naman hiniwalay ang bayaning tao sa bayaning texto. Napalayag sa Ilog Pasig ang artista at pinasumpa sa Edsa ang bise presidenteng tinuring na tagapagligtas. Natuto marahil ang Filipino sa kasaysayan kaya’t pinakawalan na ang likha sa telon; ngunit, naging mahina ang realidad sa pag-angkin sa likha kaya’t tinalo siya ng likha. Kinasangkapan muli ang ideolohiyang Balagtas at Rizal upang muli, maging pipi, ang nakararami. Ito ang importansya ng modelong epiko ni Cruz sa ating lipunan: ang mapag-aralang mabuti kung saang anda ng ating epiko tayo maaaring luminsad nang matapos na ang pagpapasaulo sa naklasikong ‘mahiganting langit’ ni Balagtas.
Ano ang itinuturo ng panulatang bakbakan na likha ng mga andang panlabanan na naitalani Cruz? Na isabuhay natin ang tamang laban. Huwag nating ibukod ang epiko sa ating kasalukuyan. Pag-aralan natin ito nang may pagsasaalang sa limitasyon ng teksto at sa praktika ng realidad. Binigkas sa atin ni Cruz ang kasalukuyang epiko, matuto tayong makinig sa diin at lakas.
Si Manny Pacquiao at si Isagani R. Cruz
Dahil pinag-uusapan na rin lang ang panulatang bakbakan, magpapasok ako ng isang kaugnay na panulatan at ang kalakip nitong texto: ang boksing at si Manny Pacquiao. Batid kong kung bibigyan ng pagkakataon si Isagani R. Cruz na ipagpatuloy ang kanyang dalumat sa morpolohiya ng epiko at lipunang Filipino at sa gramatika ng penomenong Ninoy ay isasabak niya ang penomenong Pacman.
Sandali nating idaan sa pagsubok sa mga anda ang epikong Pacquiao. (1) Aalis ng Lungsod ng General Santos si Manny Pacquiao. (2) Madidiskubre niya ang lakas ng kanyang kamao. (3) Isasabjek niya ang sarili sa todong ensayo upang makasali sa boksing na alam niyang magdadala sa kanyang sa tagumpay. (4) Magsisimula siyang lalaban sa pandaigdigang boksing. (5) Maraming laban ang susuungin ni Manny. (6) Nariyan ang diwata ng pagkakaisa upang gamitin si Manny bilang simbolohiya ng kapayapaan at paglaho ng hidwaan ng mga politiko sa tuwing siya ay may laban. (7) Sasapi ang diwata kay Manny at ipapaalala na para sa bawat Filipino ang kanyang laban. (8) Matatalo si Manny si unang laban nila ni Morales. Para na ring napipintong pagkamatay ng kanyang karera. (9) Mabubuhay muli ang pag-asa ng mga Filipino at ang karera ni Manny sa kanyang pagkapanalo sa ikalawang laban nila ni Morales. (10) Tuluy-tuloy ang mga panalo ni Manny hanggang sa tinapos niya ang panghuling mano-a-mano nila ni Morales. Ipagbubunyi ng Filipinas si Manny. (11) Parang bagong kasal ang pakiramdam ni Manny sa kanyang pag-uwi lalo’t bagong panganak ang kanyang asawa.
Hindi totoong sa bisa ng media naging ‘bagong bayani’ si Manny Pacquiao. Sa kapangyarihang dulot ng mga andang naitala ni Cruz sa kamalayang Filipino ay matagumpay na nailuklok si Pacquiao sa hulma ni Lam-ang, FPJ, at Ninoy. Nakagitaw na sa engkantadong bayani ang bayan. Nariyan ang boksingerong kamao ang sandata. Kamao rin itong tagapagbuklod ng pamilya gaya ng pinapakita ng advertisment niyang McDonald’s, ng samahang mahilig sa kantahan ng advertisment niyang Extreme Magic Sing, at ng komunidad na gustong magdiwang gaya ng advertisment niyang San Miguel Beer. Napapanood natin ang bayani hindi katulad ng dati na hinihiraya lamang natin ang kanyang mga laban. Naroon tayo – nagmamasid maging sa kanyang personal na buhay, dumadamay sa kanya kahit pa hindi-makatarungan para sa atin ang pagdudahan niya ang sariling anak; nagsusubaybay tayo sa kanyang paghahanda, sa kanyang bawat ensayo, mapa-Filipinas man o America, sa kanyang kinakaing ulam, sa kanyang pagtulog at paggising. Katulad ng lahat ng epiko’y naririnig natin ang ating pambansang awit bilang sagradong pagsisimula ng ng kanyang pagsabak sa laban, at napapagunita sa atin na representasyon siya ng Filipinas na walang hatian sa uri at gahum.
Pansinin nating sa lahat ng anda ng epiko ay pinakamaigting ang labanan. Ito ang empasis sa epikong Pacquiao. Gaya ng nabanggit ko na, ito ang pinakaesensyal sa lahat ng anda, at napatunayan ng Pacquiao ang asumpsyon ko. Nang dahil sa mga suntok at pasa, sa paulit-ulit na bugbog at wasiwas ng kamao, nakita natin ang diwang maaaring tumapos sa mga lilo’t hirap ng bayan.
Sa pagkauhaw marahil sa taong bayani sa likod ng pagkahumaling sa mga likhang bayaning niluluwal ng mga fantaserye ay hindi na natin naprotektahan ang penomenong Pacquiao. Katulad ng sinapit ng ideolohiyang Balagtas at Rizal, ginamit ang ideolohiyang Pacquiao upang mapatahimik ang bansang nasa pagitan ng hidwaan. Bayani siya ng masa; ngunit, bayani rin siya ng administrasyong Arroyo. Pinabayaan na naman nating kasangkapanin ng mga lilo ang bisa ng ideolohiyang muling bubuhay sana sa bayaning matagal nang namatay sa telon.
Nasaan naman ang ideolohiyang Cruz sa panahong namamayagpag ang penomenong Pacquiao? Hayaan ninyong gamitin ko ang mga andang naitala ni Cruz sa kanyang epiko bilang kritiko. (1) Umalis ng Filipinas si Isagani R. Cruz. (2) Nakatanggap siya ng makapangyarihang pagdodoktorado sa Amerika noong 1976. (3) Gagamitin niya ang kanyang inaning kaalaman mula sa Kanluran upang mapalitaw ang kakanyahan ng literatura ng kanyang bayan. (4) Marami siyang makakabangga at masasagasaang manunulat at kritiko. (5) Maraming taon ang pakikipaglaban niyang ito. Mula sa kanyang mga rebyu sa mga pelikula at sa mga libro hanggang sa kanyang mga pagbuwag sa pilit na pag-aangkop ng mga kritiko sa mga Kanluraning modelo sa katutubong panitikan. (6) Sasapi sa kanyang ang diwa ng paglikha ng samahan para sa lalong ikafi-Filipino ng panitikan. (7) Magsisimula siyang magsulat para sa lalong ikafi-Filipino ng teorya at praktika ng panitikan at lipunang Filipino. (8) Mabibigo siya sa maraming patuloy na nananalig sa realismong ekspresibo at Kanluraning Neo-Universalismo. (9) Hindi mamamatay ang kanyang layunin lalo’t maraming pagkakataon ang ibinigay sa kanya upang mapalaganap ang kanyang mga teorya. (10) Dadalumatin niya ang mga pangyayari sa bayan. (11) Itatali niya ang lubid (parang sa kasal) ng pag-asang darating ang araw na lubusang maitatama ang pagdalumat sa kaalaman at kalinangang Filipino.
Nakita nating nasusunod pa rin ang mga anda ng epiko mapaboksingero man o mapakritiko ang bayani; subalit, kailangan nating masipat kung ano ang pinagkaiba ng ating pag-aangkop sa mga anda ng isang boksingero o kritiko na totoong tao sa pag-aangkop natin ng isang likhang bayaning katulad ni Lam-ang.
Hindi kaya ang boksing at ang kritika ang mga bayani sa mga epikong kakatabas lamang natin sa mga anda? Halimbawa ay nakulong na natin si Pacquaio sa boksing. Alam na nating lahat ang boksing, kahit mga artista, pati mga bading ay pinasok na rin ang ring. Ang mga suntok, kung gayon, ni Pacquiao ang laman ng kanyang epiko. “Kung mawawala ang panulat, o ang pinanggalingan” ng mga suntok sa kaso ni Pacquaio, “mawawala rin ang epiko”. Pareho rin ang kaso ni Cruz. Kinulong na natin siya sa kritika. At dahil dito ay maraming gustong matawag na kritiko. Ngunit ang kritika ang laman ng kanyang epiko at hindi siya. “Kung mawawala ang panulat, o ang pinanggagalingan” ng mga kritika sa kaso ni Cruz, “mawawala rin ang epiko”.
Katulad ng ginawa ni Cruz kina Lam-ang, FPJ at Ninoy, marapat tingnan, hindi ang kanyang karakter, kundi ang kanyang pagkapanulat.
Kung tatalakayin muna natin si Pacquaio, ang pangalan niya ay hindi na ngalan ng tao ngayon kundi pamansag sa bilis ng kamao, sa tibay ng katawan, sa yamang nakukuha sa mga panalo at sa mga advertisment, sa politika ni Atienza, sa instrumento ni Arroyo para sa pagkakaisa.
Ganito rin si Cruz. Ang pangalan niya ay hindi kanyang pangalan, kundi pangalan ng kritikang sumususo sa tradisyong Filipino na kanyang kinakasangkapan sa paglaya ng bayan at sa Kanluraning gahum ng mga naghaharing uri. Ang Cruz ay pagdidikolonisa sa isip ng mga may koneksyon sa literatura. Sa kanyang penomenon tayo natuto na ang kritiko ay kailangang nakikisangkot, sapagkat ang literatura at ang mga textong binabasa niya ay siyang nangyayaring kasaysayan, siyang pulitikang hindi kailanman mahihiwalay sa panitikan. Ang Cruz ay paglaban sa gahum, sa anumang puwersa o kapangyarihang naghahari. Sa Cruz nagsimulang magdaing ang kasaysayang pampanitikang matagal nang ibig magbago ngunit napipi dahil sa urung-sulong at paurong pang pakikibaka sa mapang-aping gahum.
Hindi, samakatwid, kailanman bukod ang mandadalumat at binukot. Ang nagharing gahum ang nagsantabi sa kanila upang ipasok at ipilit ng una ang kanyang tradisyon at upang sa takbo ng kasaysayan ay makalimutan ito at maituring na bukod. Ilang taon na bang nakalipas ang pre-Hispanikong yugto ng kasaysayang Filipino? Matagal na matagal na; pero ang binukod na tradisyon, ang binukod na panulat ay naririyan pa.
Gamitin natin ang ating lantay na lakas, panawagan ni Cruz. Huwag nating hayaang baguhin ng naghaharing gahum ang morpolohiya ng ating epiko. Sapagkat hindi bukod, o bukod na bukod, ang kritika, kundi bukod-tangi.
Talasanggunian
Bayot, David Jonathan. Isagani R. Cruz and the Other Other: Interventions in Philippine Kritika. Manila: The Mandarin Edition, 1996.
__________ (editor). The Alfredo E. Litiatco Lectures of Isagani R. Cruz. Manila: De La Salle University Press, 1996.
Cruz, Isagani R. Beyond Futility: The Filipino as a Critic. Quezon City: New Day Publishers, 1984.
__________. Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay. Quezon City: University of the Philippines Press, 2003.
__________. “The Beginnings of Philippine Literature: The Epic Tradition” sa DLSU Dialogue, tomo 19, bilang 2, Marso 1984.
Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature Series: The Epics. Quezon City: University of the Philippines, 2001.
Jocano, F. Landa. The Epic of Labaw Donggon. Quezon City: University of the Philippines, 1965.
Manuel, E. Arsenio. “The Epic in Philippine Literature” sa Philippine Social Sciences and Humanities Review, tomo 44, mga bilang 1-4, Enero-Disyembre 1980.
Revel, Nicole (editor). Literature of Voice: Epics in the Philippines. Quezon City: Office of the President, Ateneo de Manila University.
Villa, Hazel. “The Last of the Binukots” sa Philippine Daily Inquirer.
1 E. Arsenio Manuel, “The Epic in Philippine Literature”. Nasa Philippine Social Sciences and Humanities Review, tomo, 44, bilang 1-4, Enero-Disyembre 1980, mp. 305-306.
2 Makakaragdag sa lalong pag-unawa sa tradisyon at oralidad, imahen, kahulugan at motif ng pagchant ng epic ang artikulo ni Nicole Revel, “The Teaching of the Ancestors” nasa Literature of Voice: Epics in the Philippines, Quezon City, Office of the President, Ateneo de Manila University, 2005, mp. 1-22.
3 Damiana Eugenio, Philippine Folk Literature Series: The Epic, Quezon City: University of the Philippines Press, 2001, p. xii.
4 Jocano, p. 23
5 Jocano, p. 24.
6 Ayon sa sipi ni Eugenio, p. xiii, kay Manuel (1975), nakatakip ng kumot ang mukha ng mangangantang Manuvu na si Aring habang nakalumpagi sa sahig. Ang mangangantang Suban-on na si Perena ay may itinakip na kumot sa lampara sapagkat ibig niyang madilim ang paligid (sipi kay Resma, 1982). Si Usuy, manganganta ng Kudaman, ay nakahiga sa banig sa madilim na sulok ng bahay habang nakatakip ang kaliwang braso sa mga mata at ang kanang kamay ay may hawak na kumot sa dibdib (sipi kay Guillermo, 1988). Ayon kay Jocano (1965, 23), ang babaeng manganganta sa Lambunao ay iniuugoy sa duyan habang ang lalaking manganganta ay nakaupo sa isang sulok.
7 Jocano, p. 24.
8 Umabot na sa sampu ang kasalukuyang tala ni Alicia Magos ng mga epiko ng Gitnang Panay. Dagdag sa Humadapnon ang (1) Humadapnon at Derikaryong Pada, (2) Tikum Kadlum, (3) Amburukay, (4) Balanakon, (5) Sinagnayan, (6) Kalampay, (7) Nagbuhis, (8) Pahagunoy, at (9) Alayaw. Sampung sugidanon ang inawit ni Preciosa “Lola Susa” Caballero, isa sa mga pinakahuling binukot, (mas kilala sa kanyang pangalang pagano na Anggoran) na sumakabilang-buhay noong Disyembre 1994 sa edad na 74. Ang mga sugidanon ay natutunan ni Lola Susa mula sa kanyang mga ninuno at sa kanyang tiyahing si Hugan-on, ang binukot na natagpuan ng antropologong si F. Landa Jocano (“The Last of the Binukots” ni Hazel P. Villa sa Philippine Daily Inquirer)
9 Tatlo o apat na taong gulang pa lamang ay inilalayo na ang mga binukot maging sa kanyang pamilya. Hindi siya maaaring matamaan kahit ng sinag ng araw. Hindi siya pinagtatrabaho. At sinasamahan ng kanyang mga ginikanan maging sa paliligo. Sa buong araw ay nasa loob lamang siya ng kanilang kubo, nakikinig sa iba’t ibang kuwentong oral. Ito marahil ang paliwanag kung bakit mahuhusay na epic chanter ang mga binukot. Malaking pangayu (halaga panumbas sa pakakasalang binukot) ang hinihingi ng mga ginikanan sa mangingibig. Ang ginikanan ang humaharap sa lalaki, at tanging dulo lamang ng daliri ng binukot ang kanyang makikita. Isang status symbol, kung gayon, sa isang tribu ang pagkakaroon ng asawang binukot.
10 Basahin ang talakay ni IRC hinggil sa makabayang kritika sa “Ang Bukod na Bukod: Sa Likuran ng Estetikang Filipino” sa Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay, Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press, 2003, mp. 3-9.
11 “Si Lam-ang, si Fernando Poe Jr., at si Aquino: Ilang Kuro-kuro tungkol sa Epikong Filipino” sa Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay, Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press, 2003, mp. 241-256.
12 Ibid., p. 244. Una itong inisa-isa ni Cruz sa kanyang sanaysay na “The Beginnings of Philippine Literature: The Epic Tradition” sa DLSU Dialogue, tomo 19, bilang 2, Marso 1984, mp. 1-22.
Ang mga etnoepikong ginamit sa kanyang sarbey: Biag ni Lam-ang, Banna We Mumalaga, Guman ng Dumalinao, Keg Sumba neg Sandayo, Kung Paano Namatay si Bantugen sa Ilalim ng Bundok sa Tabi ng Dagat, Hinilawod Ikalawa, at Indarapatra at Sulayman. Ang mga makabagong epikong ginamit ay: Florante at Laura ni Francisco Balagtas, Pasyon, The Archipelago ni Cirilo Bautista, Telex Moon, Imelda Romualdez Marcos: A Tonal Epic ni Alejandrino G. Hufana, at Ferdinand E. Marcos: An Epic ni Guillermo C. de Vega.
13 “The Beginning of Philippine Literature…”, p. 18.
14 Ibid., p. 249.
15 Ibid., p. 254.
16 Ibid., p. 255.
17 Basahin ang implikasyon ng pagbasa ng mga teksto at texto ni Cruz bilang praktis ng pagpapakahulugan sa “Textualizing Cruz in the Con-text of the Text as Teksto and Texto” sa Isagani R. Cruz and the Other Other: Interventions in Philippine Kritika ni David Jonathan Bayot, Manila: The Mandarin Tradition 1996, mp. 85-102.
18 “Balagtas vs Cory: Ang Bugtong ng Florante at Laura” sa Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay, Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press, 2003, mp. 231-240.
19 Ibid., 232.
20 Ibid., 236.
21 Ibid., 233.
22 Pinalabas ang seryeng Panday nang paisa-isang taon bilang entri sa Metro Manila Film Festival: Ang Panday (1980), Ang Pagbabalik ni Panday (1981), at Ang Panday: Ikatlong Yugto (1982).
23 Basahin ang “Katas ng Tarmak: Ang Ating Panitikan sa Panahon ni Ninoy” sa The Alfredo E. Litiatco Lectures of Isagani R. Cruz, Manila: De La Salle University Press (1996), mp.1-34.
24 Nabanggit ni Isagani R. Cruz na ipinakita ni Arnold Molina Azurin na malaki ang pagkakahawig ng mga pahayag ng mga sundalo ng RAM sa ilang linya ng mga epikong Agyu ng mga Manuvu at Sandayo ng mga Subanon (Philippine Daily Globe, Disyembre 11, 1989: 13). Ganito rin ang uri ng panunuri na ginamit ni Marian Pastor Roces nang kanyang ilagay sa kontexto ng mga bayani ng epiko ang mga sundalo ng RAM. Basahin “Ang Buhay ay Salamin ng Sining: Ang Kudeta bilang Texto” nasa Basahin ang “Katas ng Tarmak: Ang Ating Panitikan sa Panahon ni Ninoy” sa The Alfredo E. Litiatco Lectures of Isagani R. Cruz, Manila: De La Salle University Press (1996), mp.142-154.