Papel na binasa para sa ika-20 anibersaryo ng Linangan ng Imahen, Literatura at Anyo (LIRA), Claro M. Recto Hall, UP Diliman, December 13, 2005
***
SA Hinilawod, matutunghayan ang kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ni Buyong Humadapnon. Isang gabi, nang makatulog siya sa kaniyang duyan ay nagpakita sa kaniyang panaginip sina Taghuy at Duwindi, ang mga kaibigan niyang espirito. Sinabi ng dalawa na marapat na niyang hanapin ang kaniyang mapapangasawa na, katulad niya ay, anak-maharlika rin, may gahum, bulawan ang buhok, at may alam sa panggagamot. Humiling si Humadapnon ng permiso sa ginikanan na maglakbay. Sa tulong ng mag-anak, pinagsama-sama nila ang kanilang mga dugo mula sa daliri at nakalikha sila ng isang datung kapamilya na si Buyong Dumalapdap. Si Dumalapdap ang makakasama ni Humadapnon sa kaniyang adbentura, sakay ng ginintuang biday na pamana pa ng ginikanan sa binata. Bilang preparasyon sa paglalakbay, dumaan muna si Buyong Dumalapdap sa pagsasanay. Anim ulit siyang sinibat ng kapatid at namatay. Muli naman siyang binubuhay hanggang sa sumapit ang ikapitong pagsibat at nakayanang iwasan ni Dumalapdap ang patalim na kasimbilis ng kidlat. Sumulong na ang ginintuang biday ni Humadapnon. Pinaalalahanan ang binata ng kaniyang magulang na mag-ingat sa engkantadong isla ng Tarangban. Hindi naman natinag si Humadapnon. Hanggang sa narating nila ito at kaniyang narinig ang paanyaya ng yuta-yutang binukot. Napakahalina ng mga tinig. Naengganyo ang binata. Pinigil naman siya ni Dumalapdap at laging pinapaalala ang layon ng kanilang pakikipagsapalaran.
Ang Tarangban ay isla ng mga binukot. Sa una, ayaw pagbigyan ni Humadapnon ang paanyaya ngunit nang lumitaw ang pinakabunso, pinakabatang binukot na si Malubay Hanginon, naakit ang binata at umibis ng kaniyang sinasakyan. Tinanggap niya ang inaalok na nganga ng binukot. Doon, siya ay nakapagtalik sa yuta-yutang mga dalaga. Itinuring ng binata na kalaro at laruan lamang ang mga binukot. Inabot ng pitong taon ang pakikipagtalik niya sa mga binukot. Nang natauhan si Humadapnon at nagtangkang umalis, nagsara ang yungib ng Tarangban. Naging bihag ang binata. Nagluksa naman si Dumalapdap sa kapalaran nilang magkapatid. Hindi sila nagtagumpay sa paghahanap ng tamang binibini at sa pagpapatnubay sa isa’t isa.
Gagamitin kong lunsaran ng talakay ng sigasig ng mga makatang ng Kanlurang Visayas ang aming epiko. Si Humadapnon ang aming panulaan na makikipagsapalaran sa paghahanap sa natatanging musa. Sa mahika din tigib ang aming kabataan. Mayaman ang aming rehyon sa mga mito at paniniwala. Nariyan ang mga kuwento ng aswang sa Capiz, ang nakakatakot na si Tenyente Guimo, ang mga mangkukulam, mambabarang, at mga babaylan. Nariyan ang paniniwala sa Kanitu-nituhan na lagakan ng mga kaluluwang hindi napaghahalaran ng sakripisyo ang kanilang angkan; parurusahan sila hanggang hindi natutubos, ipapakain sa halimaw kapag lumaong nilimot. Nariyan ang mga ritwal at seremonyas na nagiging salamin din ng pilosopiyang Panayanon. Nariyan ang mga simple at masalimuot na ritwal mulang paglalakbay hanggang pakikidigma, mula pagbubuntis hanggang panganganak hanggang pagbibinata/pagdadalaga hanggang kamatayan. Nariyan na ngayon ang mga selebrasyon – ang Ati-atihan ng Aklan, ang Binirayan ng Antique, ang Halaran ng Capiz, ang Dinagyang ng Iloilo, ang Manggahan ng Guimaras, at ang Maskara ng Negros Occidental.
Katulad ng pakikipagsapalaran ni Humadapnon ang paglalakbay ng makata sa aking rehyon. Lumilipas ang panahon kaya’t marapat nang hanapin ang musang gagabay sa aming poetika. Mula sa tinta sa mga daliri ng mga nangaunang makata, naisilang kaming makakasama sa paghahanap sa musa. Ngunit may malungkot na balita. Nabihag ang karamihan sa aming mga makata sa halina ng politika. Namulat ang mga Panayanong manunulat sa agawan ng gahum at karapatan sa mga usaping pangangalakal na lalo pang nagdulot ng mga hati sa panlipunang hierarkiya ng rehyon. Bumango ang mga apelyidong pang-alta-sosyedad at ang paglikha ng antas-hegira at pag-uugnay ng pook at pamumuhay at kultura sa kanilang hanay. Hindi nakaligtas sa ganitong karanasan ang mga naunang makata ng aming rehiyon. Ang iba ay nahalina sa oportunidad ng mga mansyon at hacienda. Ang iba ay nawala na lang. Ang ibang likha ay natupok sa ilang sunog at kalamidad. Naging mahirap ang pagmamakata. Malayo pa sentro ang aming pook. Malayo kami sa tagabasbas ng lihetimisasyon ng isang likha.
May tatlong wika sa aming rehyon – Hiligaynon, Kinaray-a at Akeanon. Mayroon pa ngang pang-apat – ang wika ng mga Ati, ang mga pandak, maiitim, kulot ang buhok na katutubong tribu ng rehyon. Maliban sa Ati, may inang wikang Kinaray-a na may iba’t ibang bersyon tulad ng Karay-a, Kiraya, Kiniraya, at Kaday-a. Ang Hiligaynon, ang lingua franca ng rehyon nadebelop mula sa mga Intsik sa matandang Parian. Samantala, ang Akeanon ay nagsanga at naglikha ng isang mas kakaibang anyo sa kanyang parametro. Mas marami ang nagsasalita sa Kinaray-a kaysa Hiligaynon na ginagamit sa mga urban, gaya ng lungsod ng Iloilo at Bacolod.
Katulad ng panulaang Kinaray-a, makailan lamang naisulat ang sa Akeanon. Sina Melchor Cichon, Monalisa Tabernilla, at John Barrios ang maituturing na mga tagapanguna sa pagsusulat ng tula sa wikang ito. Maliban sa mga nailathalang tula sa mga pambansang publikasyon, naisama ang kanilang mga likha sa isyung Kinaray-a ng Ani ng Sentro ng Kultura ng Pilipinas (CCP) na lumabas noong Disyembre 1991 at pinasinayahan sa San Jose, Antique noong Enero 1992. Bilang bagung-bago, ang literaturang Akeanon ay walang tradisyong pampanitikan. Sinasabing, anumang tradisyon mayroon ang Akeanon sa kanyang panitikang oral, iyon din ang tradisyong pinagsasaluhan ng mga taga-Kanlurang Visayas. Sinundan ang Ani 19 (1991) ng Patubas (1995) at Mantala (2000). Dumami pa ang mga pangalang sa panitikang Akeanon, at mula dito ay isinilang ang mga isahang-pahinang journal sa tula katulad ng Dagyaw ni Alex de los Santos, Banga ni John Iremil Teodoro, at Dabu-dabu ni Lucena Tondares.
Noong 1996, ang Paranublion Antique, isang NGO na naglalayong magtaguyod ng mga pangkultura at pansining na aksyon, ay naglathala ng newsletter na Kanuyos na nagbigay puwang sa mga tumandok na manunulat. Sa tulong ng mga grant, ang Paranublion ay nakapagpalabas na ng apat na antolohiya ng pagsulat-sa-tulang-Kinaray-a: Una nga Paindis-indis sa Kinaray-a (1994), Dag-on (1995), Salatan (1998), at Dagya (2001), maliban sa mga dalawang tomo ng mga librong kulayan na nagtataglay ng mga nursery rhymes sa Kinaray-a. Naglathala rin sila ng dalawa pang aklat: isang aklat-pambatang Hiniraya: Sugidanon ni Humadapnon kag Mali (1998), na kinilala ng Philippine Board of Books for the Young, at ang Alamat ni Nogas kag Anini (2001), na pinarangalang Alab ng Haraya ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA).
Maliban sa mga CCP Literature Grant noon, masikap ang aming rehyon sa pagpapaigting n gaming panulaan. Sa Antique, noong 1994, ay may sinimulang Padya Paranubliun sa Panulatan (Paranublion Literary Awards) para sa tula, nursery rhyme, at dula. Ang ikalawang edisyon ng parangal (1995) ay sa pagsulat naman ng mga tradisyunal na anyong patula ng rehyon katulad ng banggianay (balagtasan), pagdayaw (oda), at composo (ballad). Nagpatulog ito hanggang nabuksan ang patimpalak sa ibang genre. Subalit, dahil sa kakulangan ng pondo, katulad ni Humadapnon sa epiko, nabukot na ang patimpalak.
Noong 1994, may itinaguyod na All-West Visayan Poetry Competition. Sa kategoryang Kinaray-a, nanguna si Felicia Flores sa koleksyong “Pagbatiti kag pagmilinbilin sa ginalauman (Pagkalinga sa mga Huling Salita ng Pag-asa).” Sa Hiligaynon, nanguna si John Iremil Teodoro sa koleksyong “Kanta ni Matilda kag iban pa nga binalaybay sang pagbulagay (Kanta ni Matilda at iba pang tula ng paghihiwalay).” Nanguna rin si Teodoro sa kategoryang Filipino sa kanyang lahok na “Mga hibubun-ut ng isang baklang buntis;” katangi-tangi itong huling kategorya sapagkat nilinaw at pinalitaw ang anyo ng wikang isinusulong na Filipino.
Maraming journal pampanitikan at antolohiya na rin ang naglaan at naglalaan ng espasyo para sa mga tula ng aking rehyon. Nariyan ang Busay ng Universidad ng Pilipinas sa Visayas, The Augustinian Mirror, Salaming at SanAg ng Universidad ng San Agustin, Tony Literary Arts Journal ng St. Anthony’s College, at Ideya ng Universidad ng De La Salle. Nagpakitang-gilas na rin ang mga tulang Panayanon sa Ladlad 2: Anthology of Philippine Gay Writing (Anvil, 1996), sa Fern Garden: Anthology of Women Writing in the South (NCCA, 1998), at sa Babaylan: An Anthology of Filipina and Filipina American Writers (Aunt Lute Books, 2000). Isinilang din ang bagong samahan ng mga manunulat sa rehyon, ang Hilway, at nagpalabas ng kanilang mga nalathala nang akda sa anyo ng isang aklat.
MULA sa tradisyon ng mga talapuanan o samahang pampanitikan, bumuong muli ang mga manunulat ng aking rehyon ng mga samahan upang muling buhayin ang tradisyon na nasama na sa tarangban ng pagkagupo ng turismo at komersyo ng Kanlurang Visayas. Ang mga panliteraturang pangkat noon ay dedikado sa pagpapauswag at pagpapasanyog ng wika at panitikan ng rehyon. Nariyan ang Nipa kag Kawayan na pinamunuan ni Patricio Lataquin, Kasapulan ni Sumakwel ni Delfin Gumban, Tulaling Bagacay ni Donato Flor de Lizas, Talapuanan Sidlanganon ni Francis Jamolangue, at Talapuanan Hiligaynon ni Ramon Muzones. Ang huling tatlo ay nagkaisa at itinatag nila noong 1948 ang Gakud ni Sumakwel, o mas kilala sa tawag na Sumakwelan.
Mula dekada 60 hanggang 80 ay halos wala nang narinig mula sa mga talapuanan maliban sa mangilan-ngilang binalaybay at nobela ng mga kasapi nito sa nailalathala pa sa mga pasara nang rehyunal na magasing Kasanag at Yuhum.
Nang dumating sa aming paghahanap sa musa si Leoncio Deridada, si Dumalapdap sa aming epiko ng pagmamakata, isinilang ang Tabig noong Setyembre 1989. Sampung taon pagkaraan, isinilang naman ang Hilway. Sa ngayon, lahat ng mga pangalang taga-Kanlurang Visayas sa panitikan ay kasapi ng alinman sa dalawang nabanggit na bagong talapuanan.
TUNAY na kalugud-lugod sa ngayon ang sigasig ng mga makata ng aking rehyon. Ngunit, katulad ng lahat ng epiko – sa paghahanap ng musa ay napakaraming patibong – napakaraming binukot na marahil ay makapag-eengganyong makipagtalik sa mga Humadapnon nang higit pa sa pitong taon.
Una, sa loob mismo ng rehyon ay mayroong hati sa pagitan ng urban at rural, at naisama sa bangayang ito ang mga panitikan. Buki (o katumbas ng promdi sa Maynila) ang panitikang oral, ang panitikan ng mga tagabundok at bukid, ang panitikan ng mga babaylan at siruhano, ang panitikang nasusulat sa Kinaray-a, Ati, Akeanon, at mga kaanyo nito. Tinuturing na siyang ‘panitikan’ ang nasulat sa wikang Hiligaynon, ang wika ng urban sa rehyon. At dahil ang mga nakapag-aral lamang sa lungsod ng Iloilo ang mas na itinuturing na abanse, ang mga matatas sa wikang ito ang may lamang sa paglikha ng panitikan ng rehyon. Mabuti na lamang ang unti-unting binubuhay ng mga universidad sa Iloilo mismo ang panitikang dating isinasantabi. Nakonsensya yata ang sentro ng rehyon kaya’t nagbubukas ito ngayon ng mga palihan, seminar, at maging pambansang kumperensya sa sining.
Ikalawa, kakawil ng bangayan sa loob ng rehyon, nariyan din ang bangayan sa usapin ng sentro at gilid, ng itaas at ibaba sa pribiliheyo ng pagpapabilang sa pambansang panitikan. Patuloy ang paglulunsad ng Filipino bilang amalgamasyon ng mga wika sa Pilipinas; subalit, nanatili lamang ito sa Konstitusyon at sa mga pagdadaos ng kumperensya, pero sa gamit, sa pagsulat ng panitikan, may urung-sulong pa dito. Marhinalisado pa rin ang mga panitikan ng rehyon kasama na ang kanilang mga manunulat. Mainam at ang mga palihan ng UP at Iligan ay may bukas na pagkakataon sa mga manunulat ng rehyon; subalit maliban doon, wala nang patimpalak o grant na bukas para sa mga rehyunal. Maipasasalamat na rin ang Palanca na may kategoryang Hiligaynon; subalit dahil sa may mito itong tagalehitimo ng isang akda para matawag na tanging panitikan, nakakabansot ang pagkakataon sa ibang anyo ng panitikan at sa iba pang wikang hindi kasama dito. Hindi nga tampok ang walong pangunahing wika sa bansa, at maging ang Filipino, kung babasahin ang mga nagwaging lahok ay waring Tagalog pa rin.
Ikatlo, malungkot at tila wala nang venue para mapaunlad pa ang panitikan ng mga rehyon, lalo na ng mga kabataang manunulat na masigasig sa layuning ito. Walang paki ang gobyerno dito. Walang nakikitang halagang panturismo sa panitikan. Walang tiwala mismo ang taumbayan sa wika ng panitikang rehyunal at pambansa. Walang kilalang pabliser at university press na naglalathala ng mga rehyunal na gawa sa orihinal nitong wika o ganitong kasamang may salin. May dapat rin namang ipagpasalamat ang mga manunulat sa House Bill 1531, na nilikha ng National Book Development Trust Fund sa panguna ng congressman ng Iloilo na si Raul Gonzales, na nag-uutos sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na maglaan ng P50M para sa programang pagsusulat, pag-aaklat at pagririserts ng mga manunulat at iskolar sa mga rehyon at probinsya. Subalit, katulad ng engganyo ng panawagan at pagkalathala ng balitang ito sa mga website at broadsheet, wala nang nakakaalam kung ano na ang nangyari sa programang ito.
Ikaapat, nanatiling hilaw ang paglikha sa panitikang rehyon sa ngayon dulot ng kawalan ng ‘tradisyon’. Mayaman ang tradisyon ng Panay at Kanlurang Visayas kung tutuusin, subalit nasa kopyang mimeograph lamang sila at amoy-anay na ngayon sa Center for Western Visayan Studies sa Iloilo. Kulang na kulang sa mga pag-aaral at riserts ang aming panitikan. Kalat-kalat sila, hiwa-hiwalay, at kung napagtipon man ay hanggang sa pagtitipon lamang. Mabibilang ang mga iskolar na may pag-ibig sa pagsusuri at pag-iimbestiga sa mga panitikan ng rehyon; ngunit laging nakabantay ang binukot sa aksebilidad ng mga materyal, ang binukot sa usaping pinansyal, at may tsismis pa ngang hindi mapag-aralan ang likha ng isang haligi ng panitikang Hiligaynon dahil sa humihingi ng malaking halaga ang pamilya nito kapalit ng karapatang mailathala, maisalin, o mapag-aralan ang panulatan ng kanyang bana. Maging sa mga universidad, masuwerte na kung mabanggit si Humadapnon, ang kahit man lang isang hibla ng kanyang pakikipagsapalaran sa Hinilawod. Walang nakakakilala kina Kaptan, manlilikha ng daigdig, na sinasabing naninirahan sa Kahilwayan; at nang minsan siyang dumalaw sa mundo ay dumaan siya sa Bundok Madyaas – ang pinakamatirik sa isla ng Panay. Kina Sidapa, ang diwata ng kamatayan, at ang kanyang banang si Makaptan, ang diyos ng sakit. Kina Magyan at Sumpoy na mga tagaalalay sa mga kaluluwa ng nangamatay. Mabibilang sa daliri ang nakababatid sa aming mitolohiya. Wala sa aming sariling klasrum sa sariling universidad ang aming sariling literatura.
Ikalima, at ang pinakahalina sa lahat ng binukot, ang tawag ng dolyar sa bisa ng pag-caregiver sa Amerika. May kilala akong kabataang manunulat na may puso sa pag-aaral sa tradisyon ng mga naunang manunulat, ng kahanay at kasabay ni Huseng Sisiw at Amado Hernandez sa aming panitik; subalit, isang umaga ay nakapagliliming walang dolyar sa panitikan, walang maitatayong bahay mula sa mga imahen sa sugilanon at binalaybay. Ang mga hurobaton (salawikain) at paktakon (bugtong) ay noon pa kaya’t hindi na dapat sineseryoso, ang Amerika ay nangangailangan ng yaman-tao, sa iba na ibigay ang obligasyon ng pangangalap at pagbubuo ng panitikang siyang unang inibig. Marami nang sana-ay-magiging-manunulat sa aming rehyon; subalit, ang pakikipagtalik sa binukot ng Kanluran ay may mas pangako ng kaluwalhatian.
BUMALIK sa kanilang tahanan si Dumalapdap at ipinabatid niya sa kaniyang ginikanan ang sinapit ni Humadapnon. Hindi nagtagumpay ang mag-anak sa ilang pagtatangkang mailigtas si Humadapnon. Nangako sila ng pabuyang kayamanan (para sa lalaking tagapagligtas) at kasal (para sa babae). Hindi nagtagumpay ang kalalakihan, gayundin ang mga dalagang babaylan. Nanangis sa harap ng Tarangban si Dumalapdap hanggang sa makaisip ang kaniyang mga kaibigang espirito na pakiusapan ang binibining talaga naman nilang pakay sa paglalakbay. Mangyari, siya lamang ang maaaring makapagligtas sa nakulong na binata dahil magkasinlakas sila. Sa paanyaya, pang-uudyok, at pananakot ng mga espirito, napapayag na rin si Nagmalitong Yawa. Nagbalatkayo siya (Nagmalitong Yawa) bilang buyong. Ang hindi lamang niya maitago ay ang kaniyang matamis na amoy ng isang binukot. Pagdating nila sa Tarangban, naakit muli ang mga binukot. Binuksan nila ang Tarangban sa galak na makakitang muli ng makisig na binata. Bilang nagbabalat-kayong lalaki, nagsamandirigma si Buyong Sunmasakay. Pinaslang niyang lahat ng mga binukot sa isla pati na ang kanilang puno. Tumambad naman si Humadapnon na naengkanto. Wala na ito sa kaniyang sarili. Sa tulong ni Buyong Sunmasakay at ng mga kaibigang espirito, ibinalik nila ang buhay (tubig buhat sa ikapitong antas ng langit) at katinuan ng nabihag na bayani. Hindi naman nagpakilala si Nagmalitong Yawa bilang tagapagligtas ng lalaki.
May panawagan sa aming mga makata ang aming banwa na balikan at siyang dapat maging punlay ng pagsusulat ang katutubong ugat. Hindi ito pagsesentimental sa nilimot na sibilisasyon. Naniniwala kaming ang aming katutubong kaugatan ay may buhay at dinamikong tradisyon na siyang mga naratibo ng pangkasaysayang karanasan ng bayan. Palilikutin namin ang aming inahinasyon at saka itutula ang bawat kulay, hugis, damdamin, anyubog, linya, musika, at diwa ng aming rehiyon. Nasa pagsisiwalat din lang sa ating katutubong tradisyon nagkakaroon ng hikayat ang pagsasalita din para sa tao ng ibang tradisyon.
Sa ngayon, magkakalayo man kami, may hiblang nag-uugnay sa amin upang sa katapusan ng epikong pagmamakata sa rehyon ay sama-sama kaming nagwagi laban sa mga halimaw at kakaibang nilalang ng kababalaghan. Nagkakapuwang na ang tinig ng aming rehyon sa likod ng pagsibad ng text at globalisasyon. At katulad ng sumikat na advertisement ng PLDT, saanmang dako at sa anumang larang tatahak ang aming makata, susuportahan namin.
Ibig kong maging si Nagmalitong Yawa na higit pa ang kinaadman sa mga mapang-engganyong binukot sa tarangban ng pagsusulat. Gagamitin ko ang gahum na pamana ng aking banwa upang ibalik ang pagkamalay ng Humadapnon ng aming panitikan na siyang bayaning aming kaakuhan.