Friday, November 28, 2008

Anufangaba! Ang Ingles at si Janina



Kasalukuyang ginaganap ang Miss World 2008 sa South Africa. Ang kinatawan ng Pilipinas ay Daniel Castano, ang runner-up sa Binibining Pilipinas noong Marso. Sinabing may resignasyon ang kontrobersyal na si Janina San Miguel kung kaya't hindi tumuloy sa sinabing timpalak. Nasa ibaba ang nasulat kong reaksyon hinggil sa gabi ng kontrobersya at sa iba pang konsekuwensya niyon. (Ang larawan ni San Miguel ay mula sa www.daylife.com.)


***

My pamily… My family…


ISANG PALATANDAAN DAW NA PINAY ANG IYONG ASAWA, batay sa mga Amerikano, kapag nagkakabaligtad ang kanyang ‘p’ at ‘f’.
[1] Isang kaso ito ng ambivalence, kung tutuusin, na dinadanas ng isang Filipinong lumaki sa eskuwelahan sa kanyang baryo na ang silid-aralan ay Amerikano. Ang mga letrang nakahilera sa pisarang nasa harap niya ay hindi alibata at ang kanyang pambansang bayani, si Jose Rizal, ay naka-Amerikana. Ang kanyang “prince charming” (at hindi niya tinawag na “datu” o “maharlika”) ay hindi si Buyong Humadapnon kundi si Superman na mestizong kayganda ng katawan. Sa sariling pantasya, hindi siya si Nagmalitong Yawa kundi si Cinderella, ang babaeng nakaantabay sa pagpatak ng alas dose at nakaiwan ng sapatos. Dalawampu pa lang ang titik ng Abakada, ngunit nang tumakas si Ferdinand Marcos kasama ang kanyang kabiyak, na hindi nagawang isilid sa maleta ang mga inimpok na sapatos, naging 28 na ang letra. Taong 1987, lumitaw ang ‘f’ sa alpabetong Filipino, isa sa walong letrang sinasabing “hiram” sa Ingles. Sa gayong taon din, naging malawakan ang diaspora ng mga Filipino – kaya maihahakang ang asawa ng Amerikanong tinutukoy ay lumaki sa kontexto ng mahalagang transisyon, hindi lamang sa politika kundi sa dila. Gayumpaman, nananatiling malaking diskrepansi ang hindi paglahok sa ‘f’ sa kasalukuyang 26 na ponema sa palatunugang Filipino. Kung susuriin ang dalawang aklat ni Alfonso Santiago, ang “Ama ng Linggwistika” sa bansa, ang “Makabagong Balarilang Filipino” at ang “Panimulang Linggwistika,” tanging ang ‘f,’ ‘v,’ at ‘z’ ang mga “hiram” na letrang ang katumbas na tunog ay hindi matutumbasan ng isa o ng dalawa o ng higit pang pinagsamang titik. Dalawampung taon pagkaraan at ngayong ipinagdiriwang ng daigdig ang pagkakapantay-pantay ng mga wika, nanatiling “hiram” ang ‘f’ mula sa Ingles at hindi pa ganap ang penetrasyon sa ponemikal na kakayahan ng mga Filipino.

Kamakailan, parang pambansang koro ang “my pamily, my family.” Para itong lyrics ng sikat na kantang tumabo sa chart ng mga FM station. Wala itong pinipiling lokasyon – kahit akademya. Maaaring tukuying hybrid na resulta ng Filipinong psyche na tawanan ang problema at ng paglaganap ng mga novelty song ang ala-rabis na pagkalat ng mimicry kay Janina San Miguel. Naging isang pambansang isyu ang interbyu kay San Miguel na ang video ay mabilis na na-upload sa Internet. Pag-log-in sa www.youtube.com, i-type lamang ang “Janina San Miguel” sa search video dialog box at lalabas ang “video results 1-20 of about 280.”[2] Sa 280 na video, pinakamaraming “views” ang nai-upload ng isang nagtatago sa account name na “justmeananomaly.” Limang buwan nang downloadable sa YouTube, ang video ay may “1,673 ratings” at nakakuha ng “5 stars” mula sa 2,667,632 viewers.[3] Marami pang kaugnay na mga video ang naipost ni “justmeananomaly.” Mayroong post si “DJNOMAD813 ng Saudi Arabia” na may pamagat na “Janina San Miguel, the REMIX” – isang walong minutong paulit-ulit na “my pamily, my family” gamit ang iba’t ibang tono at pitch. Upang sabayan naman ang pamamayagpag ng sayaw na “Papaya,” lumikha ang isang “mackmilitant” ng sariling bersyon gamit ang “my pamily, my family” bilang second voice.[4] Marami pang kaugnay na mga video sa YouTube para kay San Miguel at para sa sambayanan – karamihan ay mga panggagagad ng kababaihan at, signifikant na mabanggit, ng mga musmos. Maraming gustong sabihin ang penomenon na ito sa relasyong Filipino-YouTube. Mula sa isang makulay na gabi ng pagandahan ng Binibining Pilipinas, naiharap sa bayan ang isang pangit na katotohanang matagal na nitong iniiwasan.

Hindi naging ligtas sa kontrobersiya ang Binibining Pilipinas sa kabila ng pagiging pinakaprestihiyosong timpalak-pagandahan sa bansa – mga usaping politikal at elitista sa dekada 60 hanggang 70, mga isyung sekswal at showbiz sa dekada 80, mga isyu ng identidad at legalidad sa dekada 90, at mga isyung pangwika sa pagpasok ng bagong milenyo. Kung sisiyasatin ang pattern ng mga isyung kinaharap ng Binibining Pilipinas, makikitang patungo sa “loob” ang himaton. Sa maikling sabi, bilang nukleus ng pinakamarikit na imahen ng Inang Bayan, ang “dating” ng Filipino ay nakalampas na sa mga salik na pisikal at politikal. Ironikal na madiskubreng nitong bagong milenyo ay sumulpot ang suliraning pangwika gayong may pambansang wika na bago pa man ang Binibining Pilipinas, at gayong ilang rebolusyon at digmaan ang naitala bago ganap na maisaentablado ang paghirang sa dilag na simbolo ng kababaihan. Lamang, nauso ang gitlingang pagkatao (hyphenated identity) sa lipunan, hindi lamang bilang bunsod ng mundong nagiging isang subdibisyon kundi bilang bahagi ng mahabang historya ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lahi. Nasaksihan ng kasaysayan ang metamorposis ng mga Filipino – hindi lamang sa pisikal na konstruksyon ng panlabas na anyo kundi maging sa kultural na asimilasyon ng mga banyagang mentalidad at identidad. Kasama ang wika sa mga nagitlingan o sa mga nahiwa-hiwang pagkatao. Bilang dinamikong sangay ng “loob,” ang wikang hindi buo ay posibleng mabitag sa kanyang pakikipagtransaksyon sa lengguwaheng makagagahum. Ganito ang nangyari sa ‘f’ na kinikilalang “hiram” ng kasalukuyang alpabeto. Nakadikit ang stigma na ang porma nitong parang kawit ay imahen ng paninikil at ang tunog nito ay dayuhang hanging inihihinga sa paglikha nito. Isinakatawan lamang ng Filipinong katulad ni San Miguel ang porma’t tunog na dayuhan, at nang dahil sa siya ay hindi naging matagumpay sa kanyang paggagad, naging persona non grata siya sa mata ng sistemang may pinananaligang kolonyal.

Hindi naman propesyunal na video ang nasa YouTube na nagpasimula ng global na diskusyon hinggil sa lawas ng identidad ng mga Filipino. Nagsisilbing lamang kasing platform ang “Internet short video sharing site” para sa mga fan ng mga penomenon, karanasan at tao. Ang kaso ng gabi ng March 15, 2008 ay nataong combo meal ng mga anomalya ng penomenon, karanasan at tao; at para sa katulad ni “justmeananomaly,” kailangang mailantad ito sa espasyong walang magbabawal sa mga opinyon para itama ito.

Tatlong taon bago ang ningning ng Binibining Pilipinas, March 15, 2005, nilikha ang YouTube bilang alternatibong website para sa mga gustong magpost ng sariling video o ng video ng isang kaganapan o produksyong mailap mapanood muli sa sine’t telebisyon o walang available na kopyang CD at DVD. Maiteteoryang ang paglikha ng YouTube ay bunsod ng mga dumagsang amateur video noong sinalanta ng tsunami ang Indian Ocean noong December 26, 2004. Naobserbahan ni Kalinga Seneviratne na ang trahedya ay nagpahayag ng “extent to which ordinary citizens around the world have become journalists of sorts, on their own. Armed with just a handycam, a digital camera or access to the Internet they have emerged as a major challenge to establish players in the global media for often it is they, the amateurs, who get the news first and also get it right.”[5]

Sa ganang ito, tinatanggap, kung gayon, ng globalisasyon na ang bawat ordinaryong mamamayan ay may mahalagang responsibilidad sa daigdig saanman siyang dako ng mundo at anuman ang kanyang uring pinanggagalingan. Nangangahulugan din ito na ang konstruksyon ng anumang katotohanan ay nagmumula pa rin sa mga direktang dumadanas ng isang “karanasan” – at sa maraming pagkakataon ay namamanipula ng midya. Ang mga nakaharap sa danas ay maaaring lumikha, kung gayon, ng isang katotohanan. At pagkaraan, ipatanggap ang dalumat ng danas sa iba pang ibig mabatid ito. Ganito ang nangyari sa YouTube, partikular sa kaso ni San Miguel (at ng 15-taong-gulang na si Charisse Pempingco na nadiskubre sa pamamagitan ng Youtube). Binigyan ang kahit na sino ng kalayaang magpost ng video – anuman ang kaledad nito, mahina man ang audio at malabo ang visual, halatang luma man at mababang bersyon ang kamerang gamit sa pagrekord ng naturang segment. Gayumpaman, ang mga ordinaryong mamamayan, ang mga amateur na nagtago sa iba’t ibang alyas, ang masasabing pinakatinamaan ng pangyayari. Sa kanilang mga ipinost na video nagkaroon ng ideya ang mundo at ng oportunidad upang dalumatin ang penomenong patay-malisya ang sangkot na bansa.

Ang kasaysayan, gaya ng madalas nang sabi, ay nauulit lamang kung hindi natututo sa mga liksyong gustong iremit nito. Sa Pilipinas, ang ngayon ay ang mismong nakaraan. Nakalingkis na parang ahas sa mangga ang kolonyal na mentalidad kaya anumang pagsusuri sa mga kasalukuyang penomenon ay laging nauuwi sa pagkaunsyami sa hangaring makaarangkada ang bansa, bago tuluyang maiwan ng mga maunlad at umuunlad na nasyon-estado. Tumatayong “freedom site” ang YouTube, katulad ng mga “freedom wall” at ng mga pader kung saan ang mga graffiti at vandalismo ay mga salita’t imaheng may mga isinisigaw na sintomas ng isang panlipunang sakit. Sa YouTube, ang mga video ay dependent sa maraming salik. Dahil isa itong social network, maaaring magpost ng nairekord na palabas o ng sariling video. Interaktibo ito – mula sa mga hyperlink ng mga web page at ng mga blog hanggang sa mga “rating” at komento. Ang katangiang ito ang instrumental sa pagiging sikat ng isang video o ng mamamayan sa video o ng kaganapan sa isang lokasyon. Sa mga diskusyon (“comment”) at sa mga tugon (“reply” na maaaring verbal o video rin), natutupad ang “small-world network phenomenon” kung saan ang mga indibidwal ay nakalink sa pamamagitan ng kakaunting koneksyon. Walang personal na apilyasyon sa maraming video ang mga nagpopost sa YouTube, ngunit sa kanilang eksistens labas sa mundong virtwal ay mga politikal na mamamayan sila; patunay nito ang kanilang ibinibigay na panahon para pag-usapan ang isang isyung nirerepresenta ng video.

Kaya, marahil, paulit-ulit ang trahedya ng edukasyong Filipino dahil, bilang lipunan, maraming ayaw tanggapin ang liksyon ng kasaysayan. Bantulot o malay-ko-paki-ko ang mga nasa gahum upang butingtingin ang mga praktis at ideolohiyang nagpapagana sa konstruksyon ng malayang bansa. Ganito ang kaligirang pangkasalukuyan ng teritoryal na Pilipinas, kaya ang mga ordinaryong mamamayan (marhinalisado man o piniping tinig o amateur) ay nakatagpo ng pagkakataong makialam sa pamamagitan ng YouTube – ang bagong virtwalidad na siyang kontemporaryong espasyo sa paglikha ng bansa.

Naunang pinroblematisa ni Emily Noelle Ignacio ang konstruksyon ng bansa labas sa pambansang kontexto. Aniya, [T]he images of a nation often go through a gatekeeping process, whereby some authoritative figures uphold and approve the images that reflect current political alignments. But what happens when images of a nation – or even race, culture and gender – don’t just cross national boundaries, but are articulated in a transnasyonal space by anyone, regardless of authority.[6]

Dahil ang Internet ay isang transnasyonal na espasyo, maipagpapalagay na ang reartikulasyon ng bansa ay higit na epektibo. Ang impormasyon ay malayang nakadadaloy – hindi nasasala at namamanipula. Sa kaso ng YouTube, naititipa ng viewer ang kanyang niloloob at, pagkaraan ay, nasasagot ng isa pang anonimos na user batay sa kanyang perspektiba (“mababaw” man o “malalim” ang reaksyon). Nasa sa user kung ano ang anyubog ng gusto niyang itugon – verbal na textong nasa ibang wika man o video ring ang nilalaman ay hawig sa danas. Sa kaso ng video San Miguel, may mga sumagot sa iba’t ibang wika at mayroon ding tumugon gamit ang video ng kandidata ng South Carolina sa Miss Teen USA 2007 na “nagkalat” mismo sa interbyu kahit sa sarili niyang wika.

Ang Ingles ni San Miguel, para kay Cebu Representative Eduardo Gullas, ay pruweba ng trahedya sa kaledad ng edukasyon sa Pilipinas. Ang katotohan, aniya, “if Ms. San Miguel had been Chinese, Japanese, Spanish, or French, nobody would have cared about her awkward English.” Ang kawalan ni San Miguel ng kakayahang sumagot sa madaling tanong, dagdag niya, “betrays the fading competence of a growing number of young Filipinos in the world’s lingua franca.”[7] Masasabing inaasahan nang si Gullas ang unang reaktor sa performans ni San Miguel. Awtor ng Executive Order 210 (“Establishing the Policy to Strengthen English as a Second Language in the Educational System”), ang kautusang ipinangalan mismo sa kanya, naniniwala si Gullas na Ingles ang susi sa kinabukasan ng Pilipinas. Nakatagpo ng alyansa ang panukala sa mismong Department of Education (DepEd) nang maglabas ito ng DepEd Order No. 36 noong 17 May 2003. Para sa mga edukador, ang ganitong aksyon, na labag sa Konstitusyon 1987, ay paglikha ng mga Filipinong banyaga sa kanilang sariling kultura.[8]

Maging ang mga transnasyonal na mamamayang nagtatago sa mga alyas ay naniniwalang ang hindi-makatarungang pagtaguri kay San Miguel bilang “mahina” ay hindi lamang dehumanisasyon kundi pag-insulto mismo sa wikang Filipinong kakanyahan ng Pilipinas. Tingnan na lamang ang sample ng palitan-kuro nina “ChuckyJJthulhu,” “redsoil5” at “Banakal76” mula sa 23,023 komento sa video:

ChuckyJJthulhu (18 hours ago) [August 13, 2008, 1PM ang view time]
I am a Filipino living here in the US, but in my heart I'm still very Filipino.I am one of those Pinoys who's championing not to be ashamed of using Tagalog in their public speeches. English is becoming a status symbol for us Filipinos and I think this thinking lets us to believe that speaking English make us high above in class in a society. It's really a shame to us Filipinos to have this kind of thinking…

redsoil5 (14 hours ago)
You nailed it, ChuckyJJthulhu. Toyota, Honda, Mitshubishi, Nissan, Mazda. Worldwide ang kasikatan ng mga Hapones. Billion dollar profit ang naiaakyat sa Japan. Charise, Arnel, Lea, Lani, Martin. Worldwide din ang kasikatan ng mga Pilipino.Mas worldwide ang kasikatan ni Janina (2,667,100 hits throughout the world). Ano kaya’ng benefiscio ng Pinoy dito?

ChuckyJJthulhu (7 hours ago)
Walang anuman, glad to contribute. Believe me, I work in int'l business and one *must* learn Chinese to survive - English is less and less useful every day. USA is **$50 trillion** in debt (public + private) while China is flush with savings and scientific expertise. Fixation on English in the Philippines is thus a total waste – the rest of the world is moving to Mandarin! So just speak Filipino proudly, make Chinese mandatory, and have Spanish, German, English, Arabic, Japanese as electives.

Banakal76
(4 hours ago)
ChuckyJJCthulhu, I couldn't agree with you more. There are a few dense Pinoys here who think it's a crime for Pinoys not to be able to speak English well. They are the only people in world who belittle their own language in favor of a foreign language. Thanks for your comments.

Marahil, sasabihing ideyal lamang ang kamalayan ni “ChuckyJJthulhu”; subalit, kinakatawan niya ang saloobin ng tahimik na mayorya ng mga Filipinong hindi lamang nasa Amerika kundi nasa iba’t ibang panig ng mundo. Pinatutunayan niya ang halaga ng afektibong subskripsyon kapag nalalayo ang proximiti sa bayan; sapagkat sa ibang lupain, ang Filipino (o sinumang dayo) ang siyang marapat na makitungo sa mga nuance at idiosyncrasy ng lipunang tinunguhan. Magkagayunman, iginiit ni “ChuckyJJthulhu” na kailangang manatili ang nasyonalismo – at ang wikang Filipino ang pangunahing sandata laban sa pagkarahuyo sa mga norm ng mga gumagahum na bansa. Ikinahihiya niya ang kapwa Filipinong ang dila ay nabingwit ng banyagang halos 50 taong nangisda sa Pilipinas. Sinusugan ni “Banakal76” ang komento ni “ChuckyJJthulhu.” Kung totoong Amerikano si “Banakal76,” lumalabas na hindi siya masaya sa pagpupumilit ng mga Filipino na maging Amerikano sa larang ng dila. Maaaring basahin ito bilang diskriminasyon. Gayumpaman, sintomas ng “pang-amin” ang kanyang pahayag – ang Ingles ay para sa Amerikano, ang Filipino ay para sa Filipino. Ginamit naman ni “redsoil5” ang mga Hapones, dati ring mananakop ng Pilipinas, bilang isang yunit sa kanyang tinangkang analohiya. Klasikal nang halimbawa ang Japan bilang Asyanong bansang kinasangkapan ang Nihonggo upang mapabilang sa Unang Daigdig. Bilyong dolyar, ani ni “redsoil5” ang naani ng Japan mula sa mga produktong nakilala sa mga brand na gamit ang sariling wika. Maisisingit dito ang nostradamusisasyon ni “ChuckyJJthulhu” na Mandarin ang sunod na wikang global – ang wikang kasangkapan ng mga Intsik sa kanilang bersyon ng globalisasyong nahiram nila sa mga Hapones. Ngunit hindi gaya ng Japan na kinapital ang teknolohiya, naniniwala si “redsoil5” na ang kapital ng bansa ay walang iba kundi ang mamamayan mismo. Binanggit niya ang mga mang-aawit na hinahangaan ang birit musikal sa entablado ng Amerika. At ngayong malapit nang maging 3 milyon ang hit ng video ni San Miguel, positibo ang tono ni “redsoil5” na may benipisyo rito ang bansa.

Finansyal na benipisyo ang dahilan kung bakit kumakapit sa Ingles ang sistemang edukasyon ng Pilipinas. Karamihan sa mga kolehiyo ay nagtatangkang habulin ang global demand sa mga skilled worker, lalo na sa larang ng healthcare at information technology, sa kabila ng krisis sa batayang sistema ng edukasyon. Ang demand na ito ay nangangailangan ng katatasan sa Ingles at kahusayan sa Agham at Matematika. Hindi lamang problemang “mismatch” ang nadudulot ng ganitong pagsalig sa mabilisang pagbalik ng puhunan sa gastos sa pagkuha ng bachelor o associate degree. Multong bumabalik-balik ang suliranin ng “loob” sapagkat ang tanaw sa asenso ay palabas. “Say it in English, please,” pakiusap ng mga pader. “We are an English-speaking community,” pagmamayabang ng tarpauline. “I speak in English,” nakatiim sa pin ng estudyante. Tinanggap ng mga eskuwelahan at ng iba pang nasa mahabang listahan ng “English-zone” na ang Filipinong mamamayan ay nakatakdang magsilbi sa mundo at hindi sa kanyang mga etnolingguwistikong kapwang nasa kabundukan na nangangailangan rin kalinga sa kalusugan at pangangatawan o sa mga kababayang nasa patag na uhaw sa pagkakataong makaharap ang teknolohiya at makilala ang globo. Prediksyon ng mga kapitalista na dalawampung taon pang kakailanganin ng mundo ang mga nurse at IT specialist ng Pilipinas at sampung taon pa ang pamamayagpag ng call center sa bansa. Ngunit pagkaraan ng isa at dalawang dekada, paano ang Filipino? Saka lamang ba siya magbabalik-loob?

Ang pagpapatupad ng mga “English-only zone” sa mga eskuwelahan, ayon kay Isabel Pefianco Martin, ay sintomatiko sa kakulangan ng kamalayan ng mga opisyal hinggil sa katangian ng mga wika. Hindi nakapagtataka, aniya, kung bakit tuwing recess ay takbo agad sa mga kantina o quadrangle ang mga estudyante at, maging, ang mga guro.[9] Hindi lamang kasi oras ng meryenda ang ibinabadya ng break time; nangangahulugan din ito ng ‘kalayaan’ sa kapaligirang nilikha mismo ng institusyon. Ang kapaligirang ito ay isa nang urban legend – paulit-ulit na ikinukuwento ng mga personal na dumanas ng ‘lupit’ ng batas ng munting silid. Bagaman limitado rin naman ang kakayahan ng guro sa paggamit ng Ingles sa pagtuturo, ang mga estudyante ay kontrolado ng sapilitang paggamit ng wikang dayuhan. Madalas, ang mag-aaral na matatas sa Ingles ang kanang kamay ng guro; obligasyon niyang mag-tally ng kung ilang beses nagsalita sa wikang lokal ang kaklase. Ang bawat numerong nasa tala ay may katumbas na halagang dapat bayaran ng mag-aaral bilang parusa. Ang sabi, ang halagang nakokolekta ay napupunta sa class fund – na madalas na nauuwi sa pagbili ng isang maliit na electric fan! Kaya’t mahalagang tingnan ang pag-aabang sa break time bilang yunit ng pagsusuri sa akto ng pag-iwas ng mag-aaral upang isapuso ang pagkatuto ng isang wika tulad ng Ingles. Ang kanyang kakanyahang linggwistik ay hindi respetado maging ng paaralang inaasahang kakalinga sa kanyang kakayahang kognitibo. Imbes na palaguhin ang kanyang talino gamit ang wikang kinamulatan o turuan ng Ingles gamit ang unang wika, pinipilipit ang kanyang dila, mahigpit na pinapaawit na parang loro – batay sa tono, bigkas, diin at iba pang suprasegmental ng gumagahum na Ingles. Hindi katulad ng kanang kamay ng titser, na parang pamangkin ni Uncle Sam kung magsalita at madalas na anak na nakaririwasa, ang napaparusahang mag-aaral ay dumadanas ng opresyon sa paaralan mismo kung saan siya ipinauubaya ng bansa upang maging makabayan. Marahil, lumaganap ang pagsamba sa Ingles sapagkat ito ang nakikitang paraan upang makaiwas sa opresyon. Kaya, takbo sa mga English review center ang mga kukuha ng board exam, kuha ng tutor para sa kanilang anak ang mayayaman, todo pagsasanay ang mga opisina, at samba sa batas ng pagtatakda sa Ingles bilang wikang pang-instruksyon ang pamahalaan. Iginawad ng gobyerno sa Ingles ang mesiyas na pagturing ng ekonomiya. At mula dito, dominong nilehitimo nito ang mga hindi-makatwirang pagparusa sa mga musmos na namulat sa wika’t kulturang sarili, ang mga kagamitang pangklasrum na nabili mula sa mga naipong multa, at ang mga eskuwelahang gumagastos ng libo-libo para sa mga pin, t-shirt, pamphlet, banner at billboard na nangangalandakan ng pagiging “English-only zone.”


Sa sariling payaw

Pinakapangunahin sa mga tagapagtanggol ni San Miguel si Melanie Marquez. Itinanong niyang, “Bobo ba ang isang taong hindi marunong mag-Ingles?” Idinagdag pa niyang, “Nasa Pilipinas tayo, may karapatan tayong gamitin ang ating wika.
[10] Malalim ang pinaghuhugutan ng apilyasyon ng dating Miss International (1979) sa kinakaharap na isyu ng kinatawan ng Pilipinas sa Miss World 2008. Siya mismo kasi ang madalas na itinuturing na angkop na objek ng kadahupan ng mga Filipino sa wikang Ingles na siyang kinoronahang lingua franca ng pamayanang global.

Sa larang ng pagandahan, hindi mapasusubalian ang mga gantimpalang natamo ni Marquez – na madalas nang panimulang paksa ng kanyang “pag-angkin” sa Ingles. Sa YouTube, i-type lamang sa button search ang “Melanie Marquez Bb. Pilipinas 1979 (Q&A)” at mapapanood ang 10-segundong highlight ng interbyu sa kanya. Ang tugon niyang “coz I am contented with my long-legged” na marahil ang pinakabantog na sagot sa kasaysayan ng Binibining Pilipinas – hindi dahil sa ito ay nagpapahayag ng inaasahang lalim at talas sa pag-angkla ng isyung personal sa usaping panlipunan na hinahanap ng mga hurado, kundi dahil sa ito ay nagpapakita ng limitadong kahantaran ng kandidata sa Ingles na siyang wika ng timpalak. Bilang pambansang halimbawa ng malapropismo, naidulog ni Marquez sa antas ng kulturang popular ang isang seryosong kaso ng panimulang hakbang sa pag-ari ng isang dayuhang wika. Ang kanyang “Don’t judge my brother; he is not a book” na manipulasyon ng “Don’t judge the book by its cover” ay maaaring tingnan bilang sariling istratehiya upang bigyan-empasis ang kanyang pinupuntiryang ugat ng kaasalang mapanghusga. Kung paglilimian, ang literal na antas ng pag-unawa ni Marquez sa lumang maxim ng Ingles ay nagmumula sa kanyang sariling pagtimbang sa katangian ng pagtatasa sa dalawang magkaibang texto: ang libro na, anumang paglilinaw ng awtor sa parametro ng kontexto at limitasyon ng materyal, laging nasa peligro ng perspektibang pinagmumulan ng kritiko at, sa print nitong katangian ay, walang laban sa kognitibo, afektibo at, maging sa, pisikal na reaksyon ng mambabasa; ang tao na may karapatang magpaliwanag para sa sariling kamalian at kakulangan, may pag-asang positibong magbago, may pagkakataong itama ang mga bako at likong nakaraan. Simple ang punto ni Marquez mula sa kanyang literal na asesment sa pararelismo ng aklat at ng tao: huwag husgahan ang kapwa. Bagaman luminsad sa talinhaga ng hindi-makatwirang pagtingin sa nilalaman (at lalim) ng texto batay sa anyubog nito, ang pagkasangkapan ni Marquez sa popular na kasabihan sa wika ng kapitalistang lipunan ay pahaging tungkol sa katamaran ng bayan sa paglipon ng mga katutubong kasabihang higit na mabisa sa kontemporaryong karanasan ng mga Filipino.

May nakatatawang anekdota si Marquez hinggil sa kanyang pakikipagkomunikasyon sa kanyang mga dayuhang tagahanga noong siya ay nagmomodelo. Pagkatapos ng kanyang fashion show, may Amerikanong lumapit sa kanya at hiningi ang kanyang calling card. Gamit ang Filipinong eksperyensya sa pag-unawa sa Ingles, walang kagatol-gatol na tumugon si Marquez, “How dare you! What do you think of me? A call girl?!” Ang tensyon ng transakyong ito ay nasa politika ng mga idyomatikong ekspresyon sa matalik na ugnayang Amerika-Pilipinas. Paano na kaya kung mayroon nang “call center” noon? Mula sa punto-de-bista ni Marquez, ang akto ng “call” ay nangangahulugang pag-order ng serbisyo ng tinatawagan para matugunan ang pangangailangan ng kostumer, kagaya ng mga call-delivery service ng mga fastfood chain o ng mga naibalitang modus operandi ng mga escort service. Ang dalawang nabanggit na serbisyo ay umiiral sa sistemang kapitalismo at pandarayuhan – ang fastfood bilang Amerikanong konsepto ng institusyonalisasyon ng mabilisang konsumpsyon ng pagkain at ang escort service bilang komersyalisasyon ng katawang hubóg sa lenteng Kanluranin. Konsyumeristang sekswal ang dating ng idyoma kay Marquez, na kapos sa kaalaman sa laro ng mga preposisyon ng Ingles. Sa kasalukuyan, 20 taon pagkatapos ng insidenteng nabanggit, maaaring hindi na palampasin ng mga Inglesero ang pagkakamali ni Marquez, lalo na ngayong may diploma na siya sa kolehiyo at nagtapos pang cum laude. Nakalulungkot lamang na, katulad ng kanyang kapatid, hindi siya tinigilan ng panghuhusga. Kasangkapan ang kanyang advertisment sa pag-endorso ng patis, pinagbigyan ni Marquez ang kanyang mga kritiko: “Oo, may toyo ako!”

Nabanggit ni Virgilio S. Almario na talagang “mapanganib” ang Ingles sa produksyon ng karunungang pangkultura. Idinagdag niyang itinanim nito sa mga edukado “ang mga paraan ng pagtingin sa kultura’t sibilisasyon na tila unibersal na mga pansukat sa uri at antas ng kultura saanmang dako ng mundo.” Gamit ang “heritage of smallness” na ibininyag ni Nick Joaquin sa ating kulturang walang maipantuos sa mga edipisyo’t sining na nakabighani sa pamantayang Amerikano, binuo ni Almario ang “rice terraces syndrome” bilang pantukoy sa “masaklap na epekto ng malabis na pagtitiwala sa Ingles.” Sa sakit na ito, lumilitaw ang kakulangan ng siyasat sa kaakuhan ng kulturang Filipino at ang submisyon sa kakayahang deskriptibo ng wikang banyaga.[11] Matalas ang dila ni Almario sa pagsasabing “hindi magtatagumpay ang Ingles upang ganap na tumagos sa salimuot ng katutubong himaymay ng [ating] karanasan at kasaysayan.” Nasa ganitong tabas rin ang argumento ni Galileo Zafra na sumalungat sa pagpapalagay ni Sibayan na tanging sa wikang Ingles nakaimbak ang karunungan at ang intelektwalisasyon ng Filipino ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng pagsasalin mula sa dayuhang wikang ito. Mahalaga, ani ni Zafra, na seryosohin ang pag-aaral sa iba’t ibang wikang vernakular upang makinabang ang buong bansa sa kaalaman at karunungang nakaimpok dito. Idiniin niyang ang pagsisiyasat sa karunungang nakapaloob sa wika ay “isang subok nang paraan para makahalaw ng mga konsepto, metodolohiya, at teoryang maaaring makapagpatingkad sa katangian ng karanasang Filipino.”[12]

Nabanggit ng kritikong si Lucilla Hosillos, isa sa mga pangunahing iskolar tungkol sa relasyong US-Pilipinas sa larang na panitikan, na pandaigdig ang pangangailangang sagipin ang mga elemento ng kalinangan at panitikang katutubo - bilang diin sa palasak na akalang ang suliranin ng pagtatatag ng identidad ng mga panitikan ay gawaing Filipino lamang. Totoo ito, aniya, sa mga dating kolonya sa Africa, Asya, at Hilagang America na kasalukuyang humahagilap sa kaakuhang kultural at umiipon sa tira-tirang lantay na angking katutubo pagkatapos ng mga wasak at guhong dala ng kolonyalismo, imperyalismo, neokolonyalismo, globalisasyon, at iba pang dayuhang puwersa. Ang mga bansang ito, na kabilang sa taguring Ikatlong Daigdig, ay may similaridad sa mga kondisyon, ideyal, at aspirasyon kahit pa sabihing ang pangangailangang pangkaakuhan ay pekulyar sa kanya-kanyang danas at partikular sa kanya-kanyang interes. Pinagsaluhan ng mga nasa Ikatlong Daigdig ang historikal na danas ng pagsagilid sa kanilang mga kultura’t mithi. Sa usaping kultural, kapwa dumanas ng suwabeng ebanghelisasyon ang mga bansa kaugnay ng pagpupunla ng mga aparatus na kaugnay ng relihiyon at politika. Sa mga akomodasyong ito, ginahuman ang mga bansa sa mga aspekto ng pamamahala, sistemang edukasyon, at kalakal. Resulta ng mga ito ang pagkatulala ng lakas ng mga bansa upang labanan ang pagmura sa kanilang lakas-paggawa at ang pagbansot sa kanilang kakayahang paunlarin ang lipunan. Kaya, sa ngayon, banal para sa mga bansang ito, ani ni Hosillos, ang paghanap sa pambansang kaakuhan, ang pagtakda ng kabansaan, at ang paggiit ng kalayaan. Sa indibidwal na lebel, ang malay na mamamayan ng Ikatlong Daigdig ay pumipiglas laban sa mga panloob na realidad na kinundisyon ng mga puwersa. Hindi nag-iisa ang malay na mamamayan. Natuklasan niyang maraming katulad niya ang mulat at nananatiling tahimik at naghihintay sa pagkakataong makapaglahad ng kamalayan sa kapwa sakop. Ang ganitong gawain ay nagpapakita ng kolektibo at, sa higit na malawak na ugnayan ay, ng pambansang lakas tungo sa liberasyon mula sa mananakop. Ngunit, hindi nagtapos sa kanya-kanyang deklarasyon ng kalayaan ang patuloy na paghahanap sa kaakuhan ng mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig. Nariyan ang mga iniwang umpugan ng pananakop: ang sasanibang mekaniks ng pamumuno, ang paniniwalaang anyo ng gobyerno, ang gagahum na relihiyon, ang tatanggaping kaayusan at ugnayang panlipunan, at ang mananaig na kultura. Sa mga post-liberasyong realidad na ito, na ginagahuman ng mga pandaigdig na sistema ng economic dominance, ay may nanatili pa ri’t hindi naburang aspirasyon sa tunay na malaya’t malikhaing pag-iral. Sa paggiit sa kalayaan, ang prosesong malikhain - ang panitikan at ibang sining - ay mahalagang kasangkapan sa pagkasa ng makabansang resistans at sa paglunsad ng rebolusyon. Ang papel na ito ng panitikan, ang kanyang ‘epiphenomenality’ ayon kay Hosillos, ay lumilikha ng mga bagong lakas – rebolusyon at ekonomik, pagbagong politikal at panlipunan. Malungkot lamang, ani ni Hosillos, dahil sa pamamagitan ng globalisasyon ay nauudlot ang matagumpay na pag-alsa para sa tunay na kalayaan ng Ikatlong Daigdig. Lumalala kasi ang agwat ng mayaman at mahirap habang parami ang sira sa kultura at kapaligiran. Resulta ng mga ito ang kanya-kanyang paggiit sa halaga’t espasyo ng kanya-kanyang kalinangan.

Walang eksepsyon sa patuloy na paghahanap sa kabansaan, ani ni Hosillos, kahit pa ang mga luma’t modernong panitikang may mahabang kasaysayan ng kaunlaran katulad ng India, Africa, Spain, at China. Binanggit niya ang etnisidad ng mga tribu bilang sangkap sa diskurso ng paghanap sa identidad at sa pagbuo ng kanon sa pagtatag ng bansa. Ang paggiit ng tribu/lahi, aniya, ay dulot ng takot sa pagsantabi sa kultura, lahi, identidad, at maging ng sarili. Historikal ang pinag-ugatan ng takot na ito – mula sa pagbuwag sa mga lahi sa pamagitan ng mga pagmasaker sa mga tribu, pag-angkin sa mga lupain ng ninuno, pagwasak sa kulturang katutubo, sa mga buhay, at sa mga pag-aaring napakahalaga sa isang indibidwal at lipunan. Sa higit na malawak na operasyon, ang adhikaing tribu ay ang nasyonalismong nagkaroon ng iba’t ibang dating at gamit habang ang mga nasyon-estado ng Ikatlong Daigdig ay patuloy na nakikihamok sa daluyong ng globalisasyon. Habang nariyan ang katuwang ng globalisasyon, ang multikulturalismo, tinatanggap natin ang mga posibilidad: na may politikang magpapaandar sa homogenisasyon, na hindi pantay ang representasyon ng mga kultura, na may iiral at may lalaho sa patuloy na paggiling ng ikid tungo sa isang kulturang pandaigdig.[13]

Marami nang gumiit na ang Globalisasyon ay Amerikanisasyon. Parami nang parami ang mga kasingkahulugan nitong proseso – mula McDonalisasyon hanggang Disneyisasyon. Anuman ang itawag sa gahum na ito, ang lawas ng panitikan at kulturang popular ng Pilipinas ay nananatiling salamin ng mga karakter na bantulot at nag-aalangan sa pendulum ng wikang Ingles at Filipino. Nakalulungkot lamang na ang binibini ng Pilipinas, sa sarili niyang rampahan o payaw, ay pilit pinagsasalita sa wika ng kanyang mananakop at hindi sa lengguwahe ng kultura at kabihasnang kanyang katatawanin sa pandaigdig na kompetisyon. Ang beauty contest, ani nina Cohen, ay mga karanasan kung saan “cultural meanings are produced, consumed, and rejected, where local and global, ethnic and national, national and international cultures and structures of power are engaged in their most trivial but vital aspects.”[14] Sa panonood sa video ni San Miguel sa YouTube, patuloy na sumasaksi ang mundo sa paghahanap ng kabansaan ng karaniwang Filipino. Maaaring samantalahin ng Amerika ang naipamalas na kahinaan at maaaring hadlangan ng Pilipinas ang anumang pagtatangkang paslangin ang natitirang resistans ng katutubo.

Pagpakyaw sa Ingles

Hindi rin nakaligtas si Manny Pacquiao, ang tinaguriang “pambansang kamao,” sa mga naglalabang opinyon hinggil sa performans ni San Miguel. Ngayong mayaman na si Pacquiao, nilayong niyang bumalik sa paaralan at tapusin ang pag-aaral. Sa tanda ng kanyang edad para sa hayskul, sumailalim siya sa High School Accreditation and Equivalency (A&E) Test ng Department of Education (DepEd).
[15] Ayon sa mga record ng DepEd, ang mga iskor ni Pacquiao ay: 82 para sa communication skills, 82 para sa English comprehension, at 66 sa Math & Science. Sa mga aytem hinggil sa Pagpapalawak ng Pananaw at sa Likas na Yaman, umani naman siya ng iskor na 86 at 70. Ngunit, may ilang hindi naniwala sa talino ni Pacquiao, kung pagbabatayan ang mga email, ayon sa Bureau of Alternative Learning System (BALS) ng DepEd. Marahil, mali lamang ang tiempo ng pagkuha ni Pacquiao ng exam; kasagsagan kasi ng kampanya sa eleksyon kung saan kandidato siya para sa Kongreso.[16] Tatlong linggo pagkaraan, kumuha siya ng entrance exam sa Notre Dame of Dadiangas University (NDDU) sa General Santos City, at umaasang makaenrol sa kursong may kinalaman sa political science, social governance o business administration.[17]


“Palakpakan naman natin ang English ni Manny,” sabi ni Korina Sachez bilang teaser sa kanyang palabas na “Korina Today” sa ANC. Hindi malinaw kung kondesensyon iyon. Ang malinaw, ang Ingles ni Pacquiao ay isa pang specie sa harap ng miskroskopyo ng mga mapangsipat sa kaledad ng Ingles ng mga kapos sa pinag-aralan. Saksi ang mundo sa mga interbyu ni Pacquiao. Habang dire-diretso sa Espanyol ang kanyang mga kalaban, wala siyang kagatol-gatol sa ‘carabao English’ sa paglalahad ng kanyang lugod sa pagkapanalo, obserbasyon ni Martin sa isang post-fight conference. “Kung hindi nga siya umurong kina Barrera at Morales, paanong matatakot siya sa English?”

[18] “Bakit ‘di na lang siya [Pacman] mag-Tagalog at magdala ng interpreter, nang sa gayon ay magmukha siyang matatas at matalino,” tanong ni Rodel Rodis sa kanyang komentaryo. Ang “pambansang psychosis” na ito, aniya, ay nagdudulot ng delusyonal na paniniwala sa ating sarili at sa kakayahan nating mag-English.[19]

“Wala kang katulad, Manny,” submisyon ni Eric Morales, dakilang boksingero mula Mexico na naging mahigpit na katunggali ni Pacquiao, habang hawak ang San Miguel beer sa isang advertisment. Mapapanood ang video sa www.pacquiaovideo.com at gayundin sa YouTube. Ang imaheng ito ay pagpapatibay sa pagpapakumbaba ng dayuhang puwersa (Kastila) sa lakas ng katutubo. Kung ganito ang magiging pagtanggap sa Filipino bilang wikang walang katulad, maaaring lampasan ang psychosis at ang iba pang mental at afektibong karanasang hatid ng neokolonisasyon at globalisasyon.


Hindi naman talaga maiiwasan ang mimicry sa isang lipunang postkolonyal – lalo na sa usaping pangwika kung saan ang Edukasyon ay ang unang pinuntirya ng mananakop. Wala rin namang masama kung may mga Filipinong mas mahusay pang sumulat sa Ingles kumpara sa mga Amerikano. Ang mahalaga, ang imahinasyong gumagana sa tuwing nanghahagip ng mga salita ay Filipino ang tabas. Posible naman kasing mabasa ang danas at mithing Filipino sa banyagang wika, at mangyayari lamang ito kung ang sistema ng edukasyon ay may ganap na pagpapahalaga wikang sarili.

Sa estimasyon ng mga espesyalista, mahigit sa kalahati sa 7 libong wikang sinasalita sa mundo ang nakaabang sa ekstinksyon sapagkat sila ay hindi ginagamit sa pamahalaan, sa edukasyon at sa midya. Sa dahilang ito, ipinroklama ng United Nations ang taong 2008 bilang “International Year of Languages” na pangungunahan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

[20] Ang halimbawa ni San Miguel ay “swak” sa paalala ng UNESCO sa sistemang Filipino. Habang kinukutya ng mga makapangyarihang sektor ang kanyang “my pamily, my family,” ang mismong Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay salamin ng “kahinaan” sa wikang Filipino. Sa isang kolum sa tabloid, naitala ang mga “Arroyism” gaya ng: “Mag-impok ng inerhiya.” “Inutusan ko na si [pangalan ng opisyal] upang magkaroon ng tubig ang inyong mga pipa.” “Napaikot na natin ang ekonomiya.” “…lumipad na presyo…” Ang mga katulad ni Presidente ay nag-iisip sa Ingles kaya sa proseso ng pagsasalin ay literal na namimilipit ang utak. Pakikipagtuos ito ng katutubo sa kanyang sariling dila, at nababasa’t naririnig ng bayan ang resulta. Ngunit, hindi ito pansin ng sistema. Ang akto ng paggamit ng wikang Filipino ng Pangulo sa kontextong ito ay sa kagustuhang maipaabot sa masa, sa mababang uri sa ekonomiya ng lipunan, ang performans ng kanyang administrasyon. Samakatwid, ang “English divide” na ito ay nagmumula mismo sa gobyernong nagpapatupad ng Saligang-Batas na dumidiin sa halaga ng pagiging makabayan. Ang magagawa ng karaniwang mamamayan ay huwag magpahuli sa diskurso habang naninipon ng panggalang.

Ang “carabao English” na kinakatawan ni Pacquiao ay hindi lamang isang simpleng Filipino English, isa sa maraming “Englishes” na lumalaganap sa mundo hangga’t may Filipinong mamamayan sa diaspora at may Filipinong karanasang nakahagip sa atensyon ng daigdig. Ang inkorporasyon ng Ingles sa Filipino ay hindi nangangahulugang ganap na dominasyong kultural ng Amerikano. Basahin na lamang ang mga nahimaymay na salita sa Sawikaan na taon-taong pumipili ng mga “Salita ng Taon.” Karamihan sa mga lahok na salita ay mula sa Ingles ngunit nagkaroon ng bagong kahulugan sa signipikasyong Filipino. Ito ang isang pananggalang ng katutubo o ng ordinaryong mamamayan – ang angkinin ang salita, bigyan ng bagumbihis na baybay at itabas sa kontemporaryong globakalisadong karanasan. Kaya, para kay Michael Tan, ang “carabao English” ay hindi baryasyon ng “Filipino English”; ito, mismo ay pag-aari ng Filipino.

[21] Ang “let’s go, sago” ay hindi lamang pagsasama ng Ingles at Tagalog (na kung tawaging ay “Taglish”), ito ay isang anyo ng pangungusap na may sariling idiosyncracy ng Filipino – may lalim ng pagtuya sa Ingles at may yabang ng pag-angkin sa diwa gamit ang inobasyon sa pagtutugma. Marami mismong isyung kinakaharap ang Ingles bilang wika. Ibigay sa wikang Filipino ang atensyon at oras na kailangan nito. Saka lamang, kung i-quote ang Pangulo, “magkatotoo ang ating mga panaginip.”



Talinhaga ng ‘F’

Ang Filipino mismo, bilang wika at mamamayan, ay dumadanas ng kalituhan sa ‘p’ at ‘f.’ Habang nalalayo ang akses sa mga materyal pang-edukasyon, tumaataas ang posibilidad ng patuloy na paggamit ng ‘p’ sa Pilipino para sa wikang pambansa. Marami pa rin ang gumagamit ng ‘p’ sa Pilipino para sa tao habang ang mga iskolar ay tumatanggap na ng ‘f’ bilang hudyat ng mamamayang gumagamit ng globalisadong wika. Ang ‘f’ samakatwid ay sign ng globalisasyon ng mga Filipino – na ang wika ay ‘f’ sapagkat bukás ito sa mga impluwensya at hamon ng daigdig at ang tao ay ‘f’ din sapagkat paanong magiging global ang kanyang wika kung siya mismo ay hindi pandaigdig ang potensyal. Iba naman ang argumento sa ‘f’ ng Filipinas na pinalalaganap ng mga kritiko at ng mga nasa akademya. Ang ‘f’ para sa kanila ang siyang tamang baybay at hindi ang ‘p’ sa nakagawiang Pilipinas dahil derivasyon ito mula sa orhinal na Kastilang pagpapangalan. Ang isang overseas contract worker (OFW), kung gayon, kapag uuwi ng bansa ay kailangang magpamalitang – “Uuwi ako ng Filipinas.” Magulo ang sariling pagpapangalan kung pagbabasehan ang mga debateng ito. Sa loob ng bansa’y Pilipino ngunit sa labas ay Filipino. Sa loob ng bansa’y Pilipinas o Filipinas ngunit sa labas ay Philippines. Hindi lamang ito sintomas ng mga hating pinananaligang linggwistikal o ng hindi pa pagkilala sa ‘f’ bilang sariling tunog. Sintomas ito ng isang bansang hindi makalaya-laya sa mga remnant ng kolonisasyon – kaya namamayani ang “power play” o ang pagpasok sa karakter ng makagagahum sa kaso ng akademya na walang malay sa pinatatayog nitong babel.

Ano ngayon ang kasalanan ni San Miguel kung nagkapalit ang kanyang ‘p’ at ‘f’ at kung hindi niya perpekto ang wikang Ingles? Sa isang segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinubok ang galing ni San Miguel sa pagsagot ng tanong at sa pagsalita ng Ingles. Gayumpaman, tumugon pa rin ang dalaga sa wikang Filipino.

[22] Ang importante naman kasi ay ang kabuuang kagandahan, kung pananaligan ang pilosopiya ni Imelda Marcos, ang babaeng nakaiwan ng maraming sapatos sa Malacañang. Siya mismo ay isang karanasan at dalumat na nakahagip sa atensyon ng mundo at alusyon sa termino para sa pagkahilig sa anumang sapin sa paa.

Mga Tala

[1] Tingnan ang Appendix B, “You may be married to a Filipino if…” sa Building Diaspora: Filipino Community-formation on the Internet ni Emily Noelle Ignacio (New Jersey: Rutgers University Press, 2005), 150-151.

[2] Nai-upload noong March 8, 2008, ang video ay may pamagat na “Janina San Miguel - Bb. Pilipinas 2008 Q&A,” may URL address na http://www.youtube.com/watch?v=xKwmseoKFCo at may habang 2:03 minuto.
[3] Ang YouTube video result ay batay sa pag-log-in ng manunulat noong August 13, 2008.
[4] Ang URL ng video ni “DJNOMAD813 ng Saudi Arabia” ay http://www.youtube.com/watch?v=0Uh_3phRNbU, at ang kay “mackmilitant” ay http://www.youtube.com/watch?v=Iuq0-R3J-6g.
[5] Basahin ang “The Tsunami and the Media Rush,” ni Kalinga Seneviratne sa Media’s Challenge: Asian Tsunami and Beyond. Jurong Point, Singapore: Asian Media Information and Communication Center and Wee Kim Wee School of Communication and Information, Nanyang Technological University, 2006, 1-30.
[6] Ignacio, Emily Noelle. Building Diaspora: Filipino Community-formation on the Internet, 3.
[7] Para sa karagdagang detalye, basahin ang balitang sinulat ni TJ Burgonio, “Beauty queen’s English proof of sliding RP education – solon,” Philippine Daily Inquirer, 15 March 2008, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view_article.php?article_id=124921, 16 July 2008.
[8] Torres, Tetch, “Tutors ask SC not to make English primary education medium,” Philippine Daily Inquirer, 27 April 2007, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view_article.php?article_id=62882, 16 July 2008.
[9] Mula sa komentaryo ni Isabel Pefianco Martin, “Fearing English in the Philippines,” Philippine Daily Inquirer, http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20080412-129893/, 4 June 2008. Ayon kay Martin, hindi kailangang matakot ang mga Filipino sa English sapagkat ang wikang ito ay pag-aari na ng maraming bansa. Patunay nito ang maraming English (“Englishes”) na namamayani sa pandaigdig na diskurso ng English bilang wika sa iba’t ibang gamit at kontexto. Binanggit niya ang konseptong “affective filter” ni Stephen Krashen na tumutukoy sa pagkawala ng phobia sa wika upang epektibo itong matutuhan.
[10] Adina, Armin. “Melanie Marquez defends Janina,” Philippine Daily Inquirer, http://showbizandstyle.inquirer.net/entertainment/entertainment/view/20080312-124321/, 16 July 2008.
[11] Almario, Virgilio. “Ang Wika ng Karunungang Filipino,” Bulawan 4. Manila: National Commission for Culture and Arts, 2001, 50-63. Tinalakay niya ang hindi mapasusubaliang halaga ng Filipino bilang wikang pambansa at wika ng edukasyon. Mula sa halimbawa ni Chauser ng panitikang English at sa propesiya ni Bonifacio Sibayan, pinasadahan ni Almario ang mga isinagawang proyekto ng UP Sentro ng Wikang Filipino upang maipakita ang sigasig ng Unibersidad sa pagtanghal sa Filipino bilang wika ng karunungan.
[12] Galileo Zafra. “Ilang Tala sa Estado at Direksyon ng Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino,” Daluyan, Journal ng Wikang Filipino. Diliman, Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, Unibersidad ng Pilipinas, 2006, tomo 8, blg. 1-2, 28-43. Nagsilbing report ang papel ni Zafra hinggil sa mga nagawa na para sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino at sa mga maaari pang magawa – nang, hangga’t maaari, mas maaga sa sandang taong time-table ni Sibayan.
[13]Hosillos, Lucila. Interactive Vernacular-National Literature: Magdalena G. Jalandoni’s Juanita Cruz as Constituent of Filipino National Literature. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006, 154-166.
[14] Mula sa introduksyon sa “Beauty Queens on the Global Stage” na inedit nina Collen Cohen, Wilk Richard at Beverly Stoeltje (New York and London: Routledge, 1996), 8
[15] Ang A&E Test, ayon sa DepEd ay “measures life skills as the focus of learning in the alternative learning system, including self-awareness, empathy, decision making, creative and critical thinking and entrepreneurial skills.”
[16] Para karagdagang detalye, basahin ang balitang sinulat ni Jerry S. Esplanada, “Doubts raised over Pacquiao’s high school accreditation,” Philippine Daily Inquirer, 31 May 2007, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/regions/view_article.php?article_id=68798.
[17] Zonio, Aquilles. “Pacquiao takes college entrance exams,” Philippine Daily Inquirer, 21 June 2007, http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/regions/view_article.php?article_id=72450.
[18] Martin, “Fearing English in the Philippines.”
[19] Rodis, Rodel. “Global Networking: English Psychosis,” Philippine Daily Inquirer, http://globalnation.inquirer.net/mindfeeds/mindfeeds/view_article.php?article_id=126283, 16 July 2008.
[20] Basahin ang ilang kaugnay na detalye sa http://portal.unesco.org/culture/en/ev.php-URL_ID=35832&URL_DO=Do_TOPIC&URL_SECTION=201.html. Interesante ring basahin ang mga artikulo tungkol sa mga lokal at katutubong wika sa iba’t ibang bansa at ang importansya ng edukasyon sa Courier, online magazine ng UNESCO. Maaakses ang magasin sa http://portal.unesco.org/en/ev.php-URL_ID=41348&URL_DO=DO_TOPIC&URL_SECTION=201.html.
[21] Basahin ang kolum ni Michael Tan, “The English Divide,” Pinoy Kasi, Philippine Daily Inquirer, August 29, 2007, http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view_article.php?article_id=85260.
[22] Panoorin ang segment sa http://www.youtube.com/watch?v=j4jN1A479XU.

No comments: