Friday, November 28, 2008

Bakit Kailangang Mag-blog?


May birong ang blogger ay writer na hindi ma-publish.

Maraming katotohanang hatid ang birong ito. Maraming dahilan kung bakit hindi nailalathala ang isang manunulat. Marahil, sabihin mang “kulang o “bubot” pa ang kanyang pagsusulat kung kaya hindi siya inilalathala. Ngunit, ito ay depende pa rin sa mga agendum ng publikasyon. Siguro’y kung tatawaging lehitimong publikasyon ang mga sulat ng yaong mga “tinig sa ibaba,” masasabi nang mailalathala ang isang kuwento o tulang tibak. Ngunit tiyak na hindi ang unang palagay ko ang subtext ng biro. Gusto nitong puntuhin ang hindi pagkalathala ng isang manunulat sa isang de-kalibre o refereed na publikasyon. At dahil hindi ma-publish-publish, mainam na mag-blog na lamang. Ngunit, marahil din, mainam suriin kung ano ang publishing culture sa Pilipinas sa likod ng kawalan ng pagkakataon ng isang manunulat na makita ang kanyang byline.

Ilang sariling obserbasyon sa publishing culture sa Pilipinas:

1. Luma nang usapin. Hawak ng sentro ng publishing. Nasa Maynila ang lahat ng bigating publishing house. Sa isyung institusyunal, nasa Quezon City ang dalawang malaking puwersa – ang UP Press at ang AdMU Press. Minsang naitanong ko sa kaibigang manunulat, nawika niyang aabutin ng isang taon ang pag-publish sa UP Press. Magtatagal ang manuskrito sa referee. At pagkatapos niyon ay ilan pang pag-aayos na maaari ngang abutan ng isang taon. Ngunit hindi mahihintay ang gayong haba ng panahon. May mga hinahabol na promotion at reranking ang mga tagaakademya. Kung titingnan ang listahan ng mga librong nailathala ng UP Press, makikitang mga may-pangalang manunulat ang nakapag-publish. Naturalmenteng posisyon ito sa kaso ng UP Press dahil hawak ng UP ang pribilehiyo ng kriteryang pang-akademiko sa Pilipinas. Nakatuon naman sa social science ang karamihan sa mga librong inilalathala ng AdMU Press. At dahil medyo may katigangan ang social science research sa Pilipinas (ang ibig kong sabihin ay yaong akademiko ang hatak at hindi yaong mga survey tungkol sa presidential rating), maraming publikasyon ang AdMU na Philippine printing lamang ng mga aklat mula sa Amerika. Karamihan sa mga awtor ay mga Filipinong itinaguyod ng malalaking universidad sa Asya at Europa. Matagal na ring nagsara ang DLSU Press, at kung may nailalathala man ay piling-pili ang manuskrito. Noong 2007 ay nakipag-ugnayan ang DLSU sa ibang pribadong publishing house para sa pangangailangang publikasyon ng pamantasan. May hinahabol namang 400 libro ang UST Publishing House. Hindi ako sigurado sa mga hakang narinig ko; ngunit sa positibong aspekto ay nabibigyan ng UST ang maraming manunulat ng pagkakataong mailathala nang hindi naghihintay ng isang taon, nang walang hinihiling na “power cast” byline at nang walang kinikilingang foreign contingency at affiliation.

2. Hindi ako sigurado sa hakang ito. Minsan, naka-chikahan ko ang isang writer na tila retainer evaluator ng isang malaking bookstore. Ang sabi sa akin/amin, pinipili niya/nila ang mga librong ibebenta sa bookstore. Iniiwasan nila ang librong masyadong “matalino” – sa dahilang walang bibili nito. Kaya siguro, naisip ko, ang bookstore na ito ay hindi naman talaga bookstore kung tutuusin. Isa itong stationary shop na bentahan ng mga school supply, ng mga Hallmark greeting card, at ng mga dekorasyong pam-Pasko. May nailalathala namang libro ang bookstore na ito – at ito ang mga diksyunaryong Tagalog pa ang wikang Filipino at pang-nth printing na. Hindi rin ako sigurado sa kaledad o talinong laman ng ibang libro. Ang positibo sa bookstore na ito, maganda ang ambiance para sa children’s literature. Sa espasyong ito ay nakatagpo ng ideyal na ahente ang panitikang pambata sa Pilipinas.

3. Walang tanyag na publishing house sa labas ng Maynila. Nangangahulugan din ito ng luma nang isyu – na mahirap malathala ang mga manunulat sa labas ng sentro.

4. Hindi rin ako sigurado sa sunod na obserbasyon ko – kung totoo muli ang haka na may namamayaning sistemang padrino. Sana ay hindi totoo ang haka sapagkat may mahuhusay na libro namang ang manunulat ay nauugnay sa isang malaking pangalan. Marahil ay pagsesenti lamang ito ng ibang manunulat – na higit at mas malapit ang oportunidad ng publishing sa mga “malapit sa banga.”

Mga obserbasyon ko lamang ang nasa itaas. May mga positibong kaisipang hatid ang mga ito ayon sa kanya-kanyang kontexto at bisyong pinapanaligan. Ang kalungkutan ng isang manunulat na hindi siya napa-publish ay hindi laging konektado sa mga umiiral na publishing culture. Sasabihin kong isang hamon ang mga kulturang ito upang lalong paghusayin ang pagsusulat – nang mapansin ng mga may pangalan, nang makapasok sa sentro, nang makapagtalamitam sa mga kaisipan sa ibang bansa. Hudyat din ang mga kulturang ito sa paglinang ng mga bagong kulturang bumubuwag sa mga namamayaning gahum.

Halimbawa, sa kasalukuyan ay tila isang alternatibo ang Cebu bilang sentro. Maaaring buuin sa Cebu ang isang publishing culture na nagke-cater sa pangangailangan ng mga manunulat sa Visayas at Mindanao. Nariyan ang UP Cebu at University of San Carlos upang pangunahan ang mga publikasyong nakatoka sa proliferasyon ng mga librong nakasulat sa katutubong wika. Sa Iloilo ay nangyayari ang ganitong optimismo. Maliban sa UP Visayas na ang mga manunulat ay konektado sa mga taga-UP Diliman at nakikilala sa mga timpalak at parangal, nariyan ang Libro Agustino ng University of San Agustin na naglalayong ilathala ang mga rehiyunal na manunulat. Sa Kamindanawan ay nariyan naman ang MSU-Iligan Institute of Technology. Samakatwid, nabuksan na ang mga oportunidad para sa mga manunulat na nadesentro o nalayo sa banga. May mga umiiral pa rin naman tiyak na mga usaping padrino at may-pangalan. Ngunit ang magandang balita ay “small scale” ito at bukas sa maraming bagong tinig.

Ang blogging, kung gayon, ng maraming manunulat sa Pilipinas – kumporme sa kung ano kanya-kanyang pamantayan at basehan ng pagtawag sa sarili bilang manunulat, bilang konektado sa hindi pagka-publish ay isang flimsy na argumento.

Ang blogging ay walang pinagkaiba sa texting. Kapwa technological fad ang dalawa. Sa katagalan ng panahon ay nagtetext na ang lahat. Transgresibo na ito at hindi na lamang limitado sa mga maykaya. Ultimong pulubi, sabi nga, ay may cellphone, e ano ngayon kung 1100 ang kanyang phone at gasgasin ang casing. May unlitext, sulitext at ibang text promo ang mga cellular site, lumalawak ang network ng texting community at humahaba ang interaksyon (halimbawa, P20 para sa unlitext sa Globe para sa 24 oras). Kung ia-apply natin ito sa blogging, bilang online publication ay malawak ang naaabot na readership ng blog. At kung limitado ang budget ng blogger, may P10-P20 internet café per ora para magpost, at pagkaraan ay mababasa ng mundo ang sinulat. Blogging like texting lamang itong punto ko. Tingnan natin nang mata sa mata ang kakayahan ng blog.

1. Personalized ang blog. Hindi katulad ng librong ilalathala sa academic press o pribadong imprenta, may kalayaan ang blogger na idisenyo ang kanyang site. Hindi didiktahan ng management ang dimensyon o ang pabalat gaya ng academic o private press. May relative absolute freedom ang blogger sa pagpresenta ng kanyang site. Absolute dahil walang magdidikta. Relatibo dahil nakadepende ang kabuuan sa features ng blog servicing site.

2. Elektroniko ang blog. Kagaya ng lahat ng may “e,” mabilis ang transmittal ng impormasyon. Madaling ma-publish ang blog. Madaling ring ma-delete. Ngunit kung mamatay ang blogger nang hindi niya na-deactivate ang blog niya ay posibleng matagal na panahong accessible ang site. Kung na-delete naman ang blog ay maaaring nariyan pa ang kopya ng mga post sa mga unang nag-access at nag-download ng document.

3. Kanya-kanyang politika ang blogger at blogging. Dahil personalized ang blog, kanya-kanyang gimik ang mga blogger. Depende sa kung ano ang ideolohiya o trip ng blogger, magagawa niyang i-publish online ang lahat ng naisin. May mga blog na puro sex at lantarang pakikipagtalik ang nakapost. Trip ito ng blogger. Kung ibig makisangkot ng blogger sa mga usaping panlipunan, maaari niyang i-dedicate ang kanyang blog sa isyung kinahuhumalingan. Walang makikialam sa blogger. Walang sensura. Kung akademik ang blogger ay maaari niyang ipost ang kanyang mga research at papel. Kanya-kanyang agendum ito. Kung poet ang blogger, ipopost niya ang kanyang mga tula. Ganito rin ang ikot ng posting kapag doktor, sikolohista, linggwista, atbp. Kanya-kanyang performans ng sub-culture ito. May blog na halatang bakla ang blogger dahil puro mga macho dancer at mga winner sa mga pakontest panlalaki/pam-“bisexual” ang mga larawan. May mga blog na tila public diary – at tiyak na estudyante ang blogger.

4. Transgresibo ang blogging. Kahit mali-mali ang English ay puwedeng magpost gamit ang English, himatayin man ang mga Englisero sa grammar at construction ng pangungusap. Kahit hindi writer ay puwedeng maging blogger. Kung tutuusin, halos natibag na ang digital divide sa puntong ito. Halos – makapagpapaliwanag ang usaping heograpiya sa ibang aspekto. Sa iba naman ay posibleng “e-fear” na lamang – ang takot sa pagpindot sa computer ng tigulang o napako sa pagkamangha ang isang tagalaylayan.

5. Puwedeng kolektibo ang blog. Kung personalized ang blog, masasabi ring collective ito. Nagkakaroon ng bagong dimensyon ang personalisasyon sa panahon ng digital information. Kaugnay ito ng usaping budget ng mga samahan o organisasyon. Walang budget ang kolektibong iyan o ganire at ang blog ay isang mainam na alternatibo para sa website ng grupo. Menos gastos ito. (Mura ang blogging.) Ang nilalaman ng blog sa kontextong ito ay representasyon ng mga mithiin at saloobin ng isang pangkat ng malay na mamamayan. Ano man ang isyung pinupuntirya ng kolektib, nagbibigya ito ng mensaheng mulat at nakikisangkot ang mga taong nasa likod ng blog. “Blogging heroes” kung tawagin ng midya ang mga collective blogger – sapagkat sa maliit na halaga, sa tulong ng online midya, at dahil walang sensura ang blogging, nagagawa nilang ipost ang mga impormasyon at saloobing maaaring makapagpagising sa isipan ng sambayanan.

6. Alternatibong publishing ang blog. Sa isang banda, may katotohanan ang biro. Ang blogger ay writer na hindi ma-publish. Sa blogging worlds, makikilala si Bienvenido Lumbera at Virgilio Almario. Nagba-blog si Isagani Cruz at Rolando Tolentino. May blog si Howie Severino. At may blog ang mga beauty queen! Mga dakilang manunulat sila at peryodista. Ang mga beauty queen ay may mga advertisment upang magpaganap ng mga agendang pampagandahan. Hindi, kung gayon, para sa hindi ma-publish ang blog. Nagba-blog ang isang blogger, sa puntong ito, dahil naniniwala siya sa kakayahan ng internet na maipaabot ang kanyang tinig. Naniniwala siyang may maihahasik na kaalaman ang kanyang blog, na ang laman ay maaaring mula sa kanyang libro, sa kanyang mga naisulat, sa kanyang mga panayam. Nasa nag-a-access ng blog ang konsumpsyon ng impormasyon ng blog. Para sa blogger, ang blog ay pinakainam na alternatibo para punan ang pangangailangang maedukar ang daigdig na hindi nakasalalay sa mga problemadong limitasyon ng imprentang aklat o diyaryo o di-cable na telebisyon.

7. May egoismo sa blogging. Totoo ito. Sino ba ang nagsabi sa blogger na mag-blog siya? O kung may nagsabi man sa kanya, paano naman natitiyak ng blogger na may audience siya? Ang paniniwala ng blogger na may mahalaga siyang sasabihin sa mundo ay, personal man o politikal, sariling subkripsyon. Maliban sa kanya-kanyang trip ang blogging, ang blog ay sintomas ng lipunan at panahong nagbibigay sa bawat isa ng karapatang kilalanin ang halaga ng kanyang naiisip at nadarama. Ang egoismo sa blogging, kung gayon, sa panahon ng narcisismo at pagkamasarili, ay hindi isang sikolohikal na inferiority at superiority complex. Isa itong social complexity na hatid ng mga pangyayaring yumanig at humubog sa bawat mamayan sa mundo. Kasabay ng pagiging isang digit ng bawat tao sa mundo ang pagiging isang boses niya. Sa isang digital object, hindi gagana nang tama ang sistema kapag may pumapalyang feature o digit. Samakatwid, hindi gagana nang wasto at makatao ang isang bansa kung hindi niya titingnan ang kanyang kabuuan bilang isang digital na gamit. Kung isang digital camera ang Pilipinas, hindi magaganda ang mga kuhang larawan kahit DLSR pa’t maalam sa ekonomiya ng auto focus ang potograpo/presidente. (Hindi ako pro-Gloria, ngunit hindi ako anti-gobyerno). Sa analohiyang ito, ang blogging ay isang teknolohikal na performans ng “imagined community” ni Anderson. Ilang rally na ba ang nangyari dahil sa mga blog? Hindi magkakakilala ang mga blogger at blog audience ngunit batid nilang may obligasyon silang makilahok at makitinig. E ano naman kung hindi naririnig. Ang mahalaga ay nakapagsalita.

May kaibigan akong nagtanong kung masasabi pang may bibliographic characteristic ang blog. Noong una ay hindi ako sigurado sa aking sagot. Nitong huli, masasabi kong “oo.” Depende sa blogger? Ang sagot ko ay “hindi.” Ang lahat ng blog ay may bibliographic character.

1. Kung isang panayam sa isang mahalagang okasyon o isang artikulong nakalathala ang post, kailangang maisatalasanggunian ito. Mainam ang citation ng orihinal na pagkaganap o pagkalathala. Kailangang mabanggit na na-akses ito sa blog, ang pangalan ng awtor/blogger, kalakip ang URL.

2. Kung ang post ay isang “palagay” sa isang isyu at naniniwala ang audience na wala pang nakapagformula ng palagay na ito, mainam na citation. Mahalaga siyempreng magkaroon ng kaunting background check sa blogger.

3. Kung isang text analysis ang ginagawang riserts at kasama ang blog o ang post sa mga babasahing texto, nagkakaroon ng signifikans ang blog, kung kaya kailangang maitala ang URL.

4. Kung ethnographic ang riserts at ang mga post ng isang blogger ay mahalaga sa layunin ng pananaliksik, itatala ang blogsite/URL. Ganito rin ang mangyayari sa mga forum at messageboard.

Panimulang muni pa lamang ito sa papel na ginagampanan ng blog sa riserts at sa publishing culture sa Pilipinas. Ang argumento ko ay mahalaga ang blog sa kontemporaryong sitwasyon ng kultura. Di-lehitimo ang talaarawan noon ngunit naging importanteng dokumento ang diary ni Anne Frank. Walang pumapansin sa mga memoirs noon ngunit ginamit ang tala ng mga babaeng nakasaksi sa digmaan sa panahon ng Hapon upang maipaliwanag ang politika ng karahasan. Nang yumaon ang manunulat na si Rene Villanueva, naging basehan ng isang lathalain sa Philippine Daily Inquirer ang kanyang blog upang ipahayag ang talas at talim ng kanyang mga obserbasyon sa lipunan.

Kanya-kanyang trip ang blogging at sa maraming pagkakataon ay inihahatid nito ang mga bagay na lantay – malaya sa anumang kumbensyon ng kulturang nakapaligid sa audience. Sa panahong niyayanig ang mundo ng mga tsunami, lindol, at terorismo, ang bawat mamamayan ay tagatala ng mga pangyayari – manunulat man siya, diyarista o ordinaryong taong sumasaksi sa mga salanta at himala. Ang blogger, kung gayon, mailathala man o hindi ang kanyang sinulat ay signifikant na datos ng ating panahon.

(Mula sa http://www.seosmarty.com ang larawang ginamit.)

No comments: